Ang Hiling Ko Sa Mga Bituin
"ANG HILING KO SA MGA BITUIN"
Ang hiling ko lamang sa mga bituin
Ikaw ay laging di mawala sa paningin
Ikaw ay gabayan sa pagsapit ng dilim
Ikaw ay iturong muli pabalik sa akin
Ang hiling ko lamang sa mga tala
Ay isang sampal pa sa aking mukha
Upang sa bangungot na ito'y magising
Upang ituwid muli nawalang mithiin
Ang hiling ko lamang sa mga bulalakaw
Ibigkis ang puso, ng ako at ng ikaw
Magsilbing tanod sa hiwalay na landas
Sapagka't ang sunod ay di na kakalas
Ang hiling ko lamang sa kalangitan
Na ang lungkot ay pawiin at punasan
Mga luhang maaaring muling pumatak
Ang pusong hindi na hahayaang mawasak
Ang hiling ko lamang sa haring araw
Mga damdamin natin ay unting mapukaw
Ibalik ang dating bughaw na himpapawid
Buuing muling ang tulay na maghahatid
Ang hiling ko lamang sa gabi at buwan
Na sa puso ko ay huwag kang pakawalan
Sa ugoy ng hangin at init ng pag-ibig
Binibini, babalik akong muli sa bisig










