Ang Tren ni Jose Corazon De Jesus
Tila ahas na nagmula sa himpilang kanyang lungga, ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga, ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana.
Ang rail na lalakara’y nakabalatay sa daan, umaaso ang bunganga at maingay na maingay, sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan.
O, kung gabi’t masalubong ang mata ay nag-aapoy, ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.
Walang pagod ang makina, may baras na nasa r’weda, sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada, tumetelenteng ang kanyang kampanada sa tuwina.
“Kailan ka magbabalik?” “Hanggang sa hapon ng Martes.” At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig, sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangis.
Kaisipan ng Tula:
Ang tula na ito ay tungkol sa kulturang transportasyon. Ang kaugnayan ng ating transportasyon sa mga Pilipino ay nakaakibat sa paglakbay sa ating buhay. Ito ay nakaikot sa pamumuhay at paano nasusugpuan ng mamamayan ang kanyang mga hamon sa buhay. Napakaraming ideyang onomatopoeia ang ipinakita ni De Jesus mula sa tunog ng tren.
Mensahe ng Tula:
Inihahambing ni De Jesus ang buhay ng isang ordinaryong Pilipino at ang pagbyahe nito. Tulad ng paglakbay ng isang tren, ito ay dumadaan sa mga pagsubok at estasyon sa buhay. Ang paglakbay na ito ay dadaloy sa ating pagkatao at paano rin tayo papasok sa ating mga desisyon, tulad ng pag-ibig.
Ang bintana sa unang saknong ay nagpapahiwatig sa mga pangarap natin sa buhay. Ang Pilipino marami daw yang plano. Napakahilig mangarap na kahit gaano man kaimposible ay gagawa ng paraan. Ang bukas na bintana’y nakikita ang pag-asa sa kanyang kinabukasan.
Ang pangalawang saknong ay nagpapahiwatig ng mga daan na ating tatahakin. Ang bawat segundo nito’y mahalaga dahil ito ang sisibol sa ating pagkatao. Ang ating fighting spirit na maingay ngunit ito rin ang magpapatakbo sa atin. Ito ang magsisilbi nating lakas para sumulong sa ating paglalakbay.
“Ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol, at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.” Ipinapahiwatig ng linyang ito ang bitbit na alaala, magaganda man o masasama. Ito ay nakadipende sa tao kung dadalhin nya ito sa kanyang buhay. Magiging matalino rin dapat ang paggamit nya dito, lalo na ang mga masasamamang alaala, na sisiguraduhin natin na hindi na mauulit ang mga pagkakamali natin. Ito ay magsisilbing aral sa ikahahantong ng ating buhay.
Etika na nauugnay sa kasalukuyang panahon:
Kahit sa panahong ngayon, kung mapapansin natin, hindi gaano kaganda at kaayos pa ang transportasyon ng ating mga pampublikong sasakyan, lalo na ang LRT, MRT and PNR. Dahil dito, napeperwisyo ang araw ng ibang tao at tumatatak ang masasamang alaala. Nakakalungkot pero parte na ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ngunit, dapat ganito na lang ba tayo? Wala na ba tayong gagawin?
Sa ganitong problema, hindi masama ang matuto at humingi ng tulong. Sa ibang bansa, napakaganda ng kanilang train system at ang iba pinagmamalaki ito. Magtulungan at maging bukas sa isipan at ideya ang kailangan natin para lumago. Hindi nakakahiya para iangkin natin ang ating mga pagkakamali sapagkat ito ang sisibol sa ating industriya. Maging mapagmatyag sa mga bagay lalo na’t ang panahong ito ay napakabilis na ang pagproseso at pagunlad. Kung tayo ay magtutulungan at gamitin ang ating mga kakayahan, tayo ay makakagawa ng napakagandang bagay na sa hinaharap.
Kapakinabangan nito sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan:
Ang inspirasyon ng tulang ito ang pagbuhat natin sa ating mga alaala sa ating mga buhay. Nasa kamay na natin kung gagamitin natin ito ng maayos at gawing aral ito sa mga susunod na hakbang sa buhay. Marami tayong makakasalamuha sa paglalakbay na ito. Maging maliit o malaki man ang parte nito, sila ang huhubog sa ating pagkatao. Ito ang karga natin sa ating “tren” kasama ng iba pang mga pangyayari sa ating buhay, maganda man o kabiguan.
Masasabi kong hindi lahat ng tren ay pare pareho ang kanyang pag-andar. May natatanging kaanyuhan ang “tren” ng bawat Pilipino. May mga tren na mabilis at maganda ang paglalakbay, may mga tren naman na makupad at luma luma na. Ngunit hindi dapat ito hahadlang sa ating paglakbay patungo sa ating mga pangarap sa buhay. May mga estasyon tayo sa buhay na kailangan rin nating magpahinga at tanggapin ang pagdating ng iba’t ibang klaseng tao sa ating buhay. Ika nga sabi ng iba “Appreciate where you are in your journey. Even if it’s not where you want to be. Every season serves a purpose”.















