PUNONG TAGAPAGMASID Marahil ay naumay na nga ako sa regular na format ng mga talks. Ilang araw na ang lumipas nang makatanggap ako ng imbitasyon upang magsalita sa harap ng mga mag-aaral sa UST na kumukuha ng kursong Marketing. (Ang aking pinanggalingang Pamantasan.) At ang topic? Digital Marketing. Sa henerasyong ito kung kailan naimbento ang konsepto ng "crowdsourcing", nagpasya akong tibagin ang lumang format ng aking talk kung saan ako lamang, bilang speaker, ang magsasalita most of the time at sandali lamang ang ilalaan na oras para sa Q&A portion. Ngayon, nais kong ang mga tanong naman ng mga estudyante ang umubos ng oras. At ang kakarampot na sandali naman ang gagamitin ko para sa mga mahahalagang paksang hindi matatalakay. Sa paraang ito, mababatid ko ang tunay na saloobin ng mga estudyante sa kursong pinili nilang tahakin sa loob ng apat na taon. Ano ang hindi nila maintindihan sa Marketing? Ano ang kailangang bigyang-linaw? Ano ang hindi mai-provide sa loob ng silid-aralan, ng silid-aklatan o maski ng internet? Ano ang makakatulong sa kanila pag-exit nila ng Arch of the Centuries? Ano ang hindi nila makumpletong chapter sa kanilang mga thesis? Ang talk bukas ay magiging tungkol sa kanila. Sa mga katanungan nila. Sa mga kailangan nila. Bukas, sa kanila ang spotlight. At ako, bilang kanilang punong tagapagmasid. Inutusan ko silang i-text diretso sa akin ang kanilang mga tanong hanggang ika-pito ng gabi lamang. Ang may pinakamagandang tanong ay tatanggap ng isang napakagandang premyo bukas! (Marketing promo ba kamo?) So far, hindi ako mapapahiyang ihayag sa lahat ang mga klase ng tanong na ibinabato nila sa akin ngayon. Ang sabihing excited ako para bukas ay isang malaking understatement. #BuhayBroker #BuhaySpeaker #BuhayMarketistangTomasino #BalikUste








