Pre, 1,825 days na mula ng nawala ka. Ang weirdo ng buhay, ano? Noon, ang meron e kwentuhan at halakhakan. Tapos biglang mapapalitan ng iyakan at hagulgulan. Para siyang pagsakay sa isang tren na malayo ang destinasyon, kung saan saan ka dadalhin. At ang bagal ng biyahe bago mo mapagtanto na yung taong sobrang kadikit mo, ay wala na. At hindi na muli pang magbabalik.
Ang meron na lang ako ngayon, ay mga ala-ala. Ala-ala na kasama ka. Mga larawan, mangilan-ngilang mga video at recordings na kung saan e maririnig ang boses mo. Ayun na lang ang mga naiwan mo dito. Nawala ka sa mundo, na tanging Diyos lang ang may alam ng dahilan, pero, kinuha ka niya ng napaka-aga. Wala man lang senyales. Wala man lang nag akala. Totoo nga ang kasabihan ng matatanda. "Ang mga mababait, maagang kinukuha". Pero bakit? Hindi natin alam kung sino ang makakasagot niyan.
Hindi ko alam kung nasabi ko ba sa iyo ito nung nandito ka pa at kasama ko, pero sana alam mo ito. Na napakalaki ng naitulong at naiambag mo sa kung sino ako ngayon. Tinulungan mo ako sa napakaraming mga bagay sa buhay ko, at habambuhay ko yung tatanawin na utang na loob. Sana, ma-experience ng lahat ng tao na magkaroon ng isang kaibigan na katulad mo.
So, ayun. Sobrang miss na miss na kita, pre. Salamat sa pagiging pinaka maimpluwensiyang tao na nakilala ko, sa pag tanggap at pagmamahal sa lahat, at sa pagiging isang malaking impact sa buhay ng marami. Hinding hindi ka malilimutan, kapatid.
Paki-kumusta na lang ako kela Mama at Tatay jan ha. Pagtapos netong pandemya, dadalaw at kakamustahin ko naman sila Mama mo sa inyo. Mahal kita, brother!










