blangko.
Bilib ako sa mga taong alam ang gusto nilang gawin sa buhay. Hindi kasi ako ganon. Mula pagkabata pa lang, pakiramdam ko, nabuhay na akong sumasabay lang sa alon. Wala akong eksaktong pangarap. Malungkot man, pero totoo 'yon.
Naaalala ko pa noong taon-taon akong tinatanong nung Elementary ako kung ano bang gusto ko maging pagtanda ko. At sa bawat taon na lumilipas, nag-iiba iba ang pangarap ko sa buhay. Pinangarap kong maging doktor, scientist, artista, rakista, rapper, DJ. Nung natuto akong mag computer, pinangarap kong maging career ang online games. Natuto rin akong mag-edit ng pictures at video. At tama ka, pinangarap ko rin na gawin iyong karera. Pero saan nga ba ako napunta? Sa kabila ng sandamakmak na pangarap, may napili man lang ba ako kahit isa?
Taong 2020, ikatlong araw sa buwan ng Hulyo. Yan ang huling araw ko sa opisina sa una kong trabaho. Sa tuwing magbabalik tanaw ako sa kung paano ako nagsimula, natatawa na lang ako. Wala akong eksaktong pangarap sa buhay. Naaalala ko pa yung panahon na muntik na kaming magtalo ng mga magulang ko kasi araw-araw na nila akong pinaparinggan na maghanap na ako ng trabaho. Sinubukan ko naman, sa totoo lang, pero nung mga panahon na yon kasi, ang hirap talaga. Hanggang sa napadpad ako sa isang recruitment firm na hindi masyadong kilala. Tinanggap ko yung offer kahit sa Makati yung trabaho at sa Caloocan ko nakatira. Ang tapang ko no? Pero wag ka, apat na taon din ng buhay ko ang ginugol ko sa kumpanyang iyon. Dun ako lumago bilang tao at nagbago ang pananaw ko sa mundo nang sobra. Natuto ako, nabigo, bumangon, nagturo, at sa Makati tumira. Sa paglipas ng panahon, kasabay kong lumago ang naging una kong kumpanya. Nagpapasalamat naman ako kasi marami talaga akong napulot nung nandon ako pero sa kabilang banda, may mga araw pa rin noon na pakiramdam ko, hindi ako masaya. Ilang beses ko ring tinanong ang sarili ko ng, "Ito ba talaga ang pangarap mo maging? Sigurado ka na ba?"
Naaalaala ko pa nung naghahanap ako ng magandang unibersidad noong patapos na ako sa high school. Una kong napili ang UP pero hindi ako pumasa. Nasaktuhan naman yung opening sa PUP QC at doon ako pinalad na makapasa at matanggap. Wala akong eksaktong pangarap. Kaya sa totoo lang, hindi ko rin talaga kung ano yung kursong kinuha ko. Lumipas ang tatlong taon, doon ko natutunang mahalin at tanggapin yung pinag aralan ko. Naisip ko, baka ito pala yung daang tatahakin ko. Gumraduate ako, masaya naman kasi natapos ko eh, pero sa kabilang banda, parang may kulang pa rin sa loob ko. Ang hirap pala maglagay ng tubig lalo na kung 'di mo naman alam kung ano ang lalagyan mo na baso.
Ano nga ba ang gusto kong ipunto? Wala akong eksaktong pangarap kaya bilib ako sa mga taong kabaligtaran ko. May mga taong alam ang gusto nilang gawin sa buhay. Sana ganon din ako. Nalulungkot ako paminsan-minsan kasi pakiramdam ko, para akong tumatakbo nang walang patutunguhan. Walang eksaktong destinasyon, ganon. Basta umuusad lang ako sa buhay pero di ko naman alam kung san ko talaga gustong pumunta. Parang ang labas pa nga eh, nagsesettle down na lang ako kung saan ako dinadala ng aking mga paa. Ayaw ko ng ganon, sa totoo lang, pero wala naman akong ideya sa kung anong gagawin ko talaga.
Ngayon, sinusulat ko ito kasi nalulungkot na naman ako. Tinatamad ako sa ginagawa ko ngayon pero alam kong hindi pwede kasi dito ako nabubuhay, dito ko nasusustentuhan ang mga pangangailangan ko. Nakakabayad na ako ulit ng bills, ng insurance, nakakapagtabi na rin ako ng para sa sarili ko. Sa kabilang banda, hanggang dito na lang ba talaga ang buhay ko sa mundo? Ewan. Di ko pa alam. Pero sana balang araw, malaman ko rin yung mga sagot sa katanungan ko. Mahirap na rin kasi. Paano ka nga naman magiging litratista kung 'di mo naman alam kung anong kukunin mong litrato?












