~~ matagal nang naisulat, ngayon lang hinalungkat
Sa dinami-rami ng lugar na pwede tayong magkikita, sa Jollibee pa. Anak ng tokwa naman.
Noong first year ako, nabighani ako ng smile mo. Yung ngiting abot tenga pero hindi kita ang gilagid. Yung sakto lang para magdouble flip ang puso ko. Natatandaan ko pa noong nagdikit ako ng sticky note sa pader, na may nakasulat na “Putek ka Paris, pinaibig mo ko.” Oo, alam ko ang korni pero 13 taong gulang palang ako noon.
Sa totoo nyan, hindi naman kita crush noong una tayong nagkita. Tinuro ka lang sa akin nung kapatid na kamukha mo raw yung artistang napanuod namin sa isang Taiwanese na palabas. Sumangayon naman ako pero ‘di pa nagdouble flip ang puso ko noon. Wala lang.
Noong nakita kita, nagflashback lahat sa akin. Yung panahong biglang sumama ang pakiramdam mo sa ‘di mawaring dahilan. Sabi nila, nabalis/nausog (isang myth/folklore) ka daw noong isang baklang bumati at nagwapuhan sa’yo. Pinatawag yung bakla at pinahiran ka niya ng laway sa noo (para daw mawala yung sakit ng tyan mo). Naisip ko, buti pa siya nalawayan ka na, ako ‘tong nababaliw sa ngiti mo palang wala pa ring iskor hanggang ngayon. *sighs*
Tapos ngayon, pareho pala tayo ng birthday party na dinaluhan. Sa Jollibee. Okay. Hindi siya kasama sa mga romantic places na nasa listahan ko. Hahaha. Nandoon ka, suot ang plaid long sleeves mo na pang rockstar, mahaba pa rin ang buhok mo at brownish na skinny jeans. Akala ko pa naman after three years makaka-iskor na ko. Pero hindi, malayo ang table namin sa table niyo.
Lumabas si Jollibee, sabi mo “Oh gusto niyo ba magpapicture sa bumblebee?” Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang sarili ko na sabihing “Apparently, fruit fly si Jollibee.” Umupo na ako pabalik sa table ng nasa likod na pala kita, nagbrush ang mga braso natin. Shit. Ako lang nakaramdam ng spark.
Tapos na ang party at papunta na tayo sa sasakyan. Medyo sa gilid ka ng kalsada naglalakad. Biglan kang sumulpot sa gilid ko para umiwas sa humaharurot na sasakyan, sakto naman paharap ako sa’yo. Sa loob ng isang segundo, pinupusta ko ang baon ko sa buong semestre, nadama kong parang nagkayakapan tayo. Alam mo ‘yon? Parang yung eksena sa pelikula na iiwas yung bida sa isang mabilis na sasakyan tapos makakabangga yung isa pang bida. Yun ‘yong moment natin.
Kinilig ako. Seryoso. Salamat. Mukhang matagal na naman tayong ‘di magkikita. Okay lang. Solved na ko kasi sa unang pagkakataon parang nagtriple flip ang puso ko.
Update: 02 | 19 | 18 Hindi ko na siya crush dahil ka-DDS siya. Mabilis man mabighani ang puso, mas mabilis kumabig ang utak ko para sa mga taong sumusuporta sa isang napakadugong rehimeng nagbabalat-kayo bilang gobyerno ng mahihirap at inaapi. Tagal na nito na nasa draft ko, incoming freshman pa lang ata ako nung nangyari to. Hahaha.


















