Sahod, Trabaho, at Karapatan Ipaglaban.
Sa nakalipas na halalan, ang kontraktwalisasyon ay mainit na pinaguusapan at nasa pagsasaalang-alang ng mga taong tumakbo sa halalan. Maraming sumalungat at maraming pumabor ukol dito.
Ngunit, ano nga ba ang kontraktwal? O ang mga tinatawag na kontraktwal na manggagawa? Ayon sa aking makatarungang pagaaral at pananaliksik, ang kontraktwal ay nangangahulugang katayuan ng isang mangagawa o isang obrero kung saan ang manggagawa o obrero ay may limitasyon lamang sa kanyang pagpasok sa kaniyang trabaho. Dito rin, ipinagkakait sa mga mangaggawa o obrero ang kanilang pagkakaroon ng lakas-paggawa. At ang pagbibigay pa ng kontrakwal na trabaho sa mga trabahador o piyon ay lalo pang nabuhay at naisulong sa pamamagitan nang pagsasabatas sa Batas Republika 6715 o mas tanyag sa tawag na “Herrera Law”.
Ano nga ba ang “Herrera Law”?
Para sa inyong kaalaman, ang tinatawag na “Herrera Law” na naisabatas noong 1989 sa pamumuno ng ating yumaong dating Pangulong Cory Aquino ay tumutukoy sa biglaang pagaalis o pagtatanggal sa mga manggagawa o obrero sa kanilang mga trabaho kung kailan nila nais gustong tanggalin. Sa kapanahunang ito, ang mga piyon ay hindi nabibigyang halaga ng batas at benepisyo na dapat ay kanilang natatamasa o natatamo. Sa kabila nang pagsasabatas sa batas na ito, hindi nito binago ang probisyon ng Batas Paggawa kaugnay o ukol ng kontrakwalisasyon lalo pang naging malaganap ang kontrakwaliasyon sa bansa sa panahon nila Ramos, Estrada, at Arroyo. Ngunit ang batas na ito ay nakapangalan kay dating Sen. Ernesto Herrera na dating lider ng TUCP. (Trade Union Congress of the Philippines)
Kung ito ay isasalin sa wikang Ingles, ito ay nangangahulugang, “An act to extend protection to labor, strengthen the constitutional rights of workers to self-organizational, collective bargaining and peaceful concerted activities, foster industrial peace and harmony, promote the preferential use of voluntary modes of settling labor disputes, and reorganize the national labor relations commission, amending for these purposes certain provisions of presidential decree no. 442.” (eight congress)
Sa panahon ngayon, at mula sa termino ni Dating Pangulong Noynoy Aquino, ang kontraktwalisasyon ay mainit parin na pinaguusapan sa senado at sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sapagkat ito ay napakaimportanteng bagay o isyu lalo na sa mga manggagawa na walang ginawa kundi magtrabaho para may maipakain sa kanilang mga sariling pamilya. Ito ay umani ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga mamamayan ng Pilipinas. Maraming nagsabing ito ay makatarungan at mayroon namang ibang nagpabatid nang kanilang sama ng loob ukol sa kontraktwalisasyon.
Kaakibat din nito ang pagiging kontraktwal ng mga trabahador o piyon sapagkat dito pagkalipas ng lima o anim na buwan, magkakaroon ulit sila ng panibagong kontrata. Wala silang permanenteng trabaho, sila ay palipat-lipat ng pinagtatrabahunan pagkalipas ng lima o anim na buwan at sila ay sinuswelduhan ng minimum wage o sahod. Ito rin ay matatawag na “Endo”
Ang “Endo” ay ang Filipino slang para sa terminong “End of Contract” na tinatawag ring “5-5-5.” Ngunit makikita sa ika-281 na Artikulo ng Labor Code dito ay inilalahad at sinasabi na ang kontrakwal na trabahador ay maaaring maging regular na empleyado.
Sa ating kasalukuyang panahon, ang mga kontraktwal na manggagawa ay laganap pa rin sa ating bansa at ito ay hindi natin maipagkakait. Hindi natin maipagkakaila na ang mga mangagagawa natin ay pinagkakaitan ng mga karapatan na dapat ay natatamo nila o nararanasan. Subalit, datapwat, bagamat, at pero sa ilalim ng kontraktwalisasyon sila ay nalilimitahan at napipigilan upang makamit ang mga ito. Ang mga manggagawa na sakop nito ay maaring mawalan ng trabaho o magkaroon na lamang ng minimal na sahod mula sa kanyang pinagtatrabahuhan. Ang mga kontrakwal na mangagawa o piyon ay tumatanggap na lamang ng napakababang sahod, minsan pa nga kahit mas mababa pa sa kanilang minimum na sahod ang kanilang natatanggap kahit ito ay labag sa ating batas.
Batay sa aking pag-aaral, ang bawat manggagawa sa Republika ng Pilipinas ay kumikita na lamang ng ₱277.81 kada araw. Para sa aking pananaw, ito ay hindi sapat sapagkat kung ang isang pamilya ay may apat o hanggang anim na miyembro, saan sila kukuha nang panggastos para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan katulad ng pagkain, tubig, upa sa tirahan nila, at bayad sa kuryente. Paano kapag ang pamilyang ito ay nagkadanrapa sa mga utang, at hindi mabayad-bayaran? Ngayong sumabay pa ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin? Paano na rin kung magkaroon ng sakit ang isa sa kanilang miyembro ng pamilya? Paano nila susustentuhan ang edukasyon ng kanilang anak sa kalagayan nilang ito? Paano nila mapagkakalooban ang kanilang mga anak ng magandang buhay kung ang sinusweldo na lamang nila ay ₱277.81?
Ang kontraktwalisasyon ay dapat nang wakasan, sapagkat ito ay walang magandang naidudulot sa mga manggagawa sa ating bansa. Ang mga manggagawa ay lubusang pinagsasamantalahan na lamang ng mga kapitalista sa bansa. Ito ay malubhang nangyayari sa panahong ngayon sapagkat ang mga kapitalista ay nawawalan ng paraan upang mamuhay o makakuha ng pera sa ilalim ng kapitalismo. Kinokontrol na lamang ng mga kapitalista ang mga manggagawa sa paggawa nila ng mga produkto sa isang/buong araw.
Tama bang pababain ang sahod ng mga manggagawa? O karapat-dapat bang tanggalin o iaklas sa kanila ang kanilang benepisyo at seguridad para sa kanilang trabaho? Ang kontraktwalisasyon ba ay makatarungan? Para sa akin ito ay hindi makatarungan, sapagkat ito ay nakakaapekto sa mga manggawang naghahangad lamang ng kanilang pangtustos para sa kanilang mga pamilya. Sila ay nalilimitahan para makapagtrabaho at makakita ng pera. Ang pagtaguyod at pagsuporta ng ating gobyerno sa usaping kontrakwalisasyon ay isang patunay lamang nang isang pagiging kontra manggagawa. Para sa ating gobyerno, ito na ang panahon upang tutukan niyo ang usaping kontrakwalisasyon at itama ang mga pagkakamali ng dating administrasyon.
Nararapat at wasto lamang na maisaayos ang mga buhay at kalagayan ng ating mga manggagawa upang sila ay mabuhay din ng maginhawa katulad ng mga nakaupo sa puwesto. Ngayon na ang panahon upang labanan ang kontraktwalisasyon, ipaglaban ang karapat dapat na karapatan. Sabay sabay nating isulong na wakasan ang kontraktwalisasyon, upang ang mga manggagawa ay maging regular. Tayong mga kabataan at bilang estudyante ay hindi hiwalay sa labang ito, tayo ay nararapat lamang na makibahagi sa makabuluhang labang ito. Ituloy ang laban, kontraktwalisasyon wakasan.Tayo ay nararapat lamang na makisama, sa pakikibaka upang ang kontraktwalisasyon ay ibasura. Tayo ay sama-samang kumilos, demokrasya ay dapat isabuhay. Ito’y digma laban sa kahirapan at kagutuman. Ito’y digma laban sa pagkakait ng mga karapatan. Tayo ay maghimagsik, dahil ito ay hindi makatarungan. Sama-sama tayong makibaka, sa pagbabasura sa kontraktwalisasyon. Tayo ang gagawa, kabataan ay aabante. At sa mga nais mag boluntaryo sa mga baryo, organisasyon pagiisahin ang mga bituin at lasapin ang tunay na bayanihan, Perlas ng Silangan.
Ibasura ang kontraktwalisasyon, itigil ang panloloko sa mga manggagawa o piyon, ibigay ang kanilang mga seguridad at benepisyo na ninanakaw sa kanila. Huwag gawing limitado ang benipisyo na natatanggap ng mga manggagawa, ibigay ang nararapat para sa kanila. Itigil na ang pagbibingi bingihan at pagbubulag bulagan sa ganitong usapin/bagay, gumawa na nang paraan para mabuwag ang kontraktwalisasyon sa bansa.
Itigil ang kontraktwalisasyon at ito ay dapat tutulan. Kontraktwalisasyon wakasan! Kontraktwal, gawing regular! Mabuhay ang mga manggagawa na nais parin ipagpatuloy ang kanilang trabaho sa kabila ng kontraktwalisasyon. At tayong mga kabataan ang dapat nating gawin ay huwag tayong magpabusalsal sa bibig, huwag nating hayaang matakpan ang ating mga mata. “Pagmulat ay pagkasa, tayo ang Gatilyo”
Ako’y humihingi ng atensyon, sa lahat ng taong nais makibaka, sa mga taong gustong maghimagsik para makamtam ang hustisya. Makatarungang maghimagsik. Ipagpatuloy natin ang pagkilos at ang mga pagprotesta. Kung magpapatuloy ang kontraktwalisasyon sa ating bansa, ay patuloy rin na lalaganap ang kahirapan sa ating bansa. Kaya tayo’y magkaisa at lumaban, mag-unyon at makibaka! Ipaglaban ang Sahod Trabaho at Karapatan! Ipaglaban ang pinagkait na Pambansang Demokrasya at Kalayaan! Kaya tayo ay magsama-sama sa Martsa ng mga Manggagawa, upang ang katarungan at hustisya ay makamtam.
credits pics: https://twitter.com/heyitspholop/status/1033937554683260928