Moondrop No. 18 | Marielle Gonzales
Ang CalataGanda! | Isang Lakbay Sanaysay
Marami sa ating mga tao ang nangagarap na makapunta sa iba't ibang lugar. Nag aasam na maikot ang ibat ibang parte ng lugar sa Pilipinas man o sa buong mundo. Ako, isang batang nangangarap na mapuntahan ang mga lugar na pinangarap ko. Mga plinano ko sa buhay na sadyang pinagsusumikapan ko.
Hindi ko lang ito basta gusto mapuntahan dahil lang sa bakasyon bagkus gusto ko ito dahil pupunuin ko ito ng mga magagandang alala lalo na kung kasama ko ang pamilya ko. Dahil sa mga "#TravelGoals" marami sa atin ang naiingganyo at nahihikayat na maranasan ito kung gaano ba kasarap sa pakiramdam ang mapuntahan ang mga lugar na sadyang ninanais natin. Kung papaano makakatulong ang lugar na ito upang mapaluwag at mailabas ang gusto mong iparating. Kung hanggang saan ka dadalhin ng kasiyahan na gusto mong makamtan.
Isa sa pinaghahandaan ng marami ang pagdating ng bakasyon. Bakasyon na susuliting maging masaya upang makabawi naman sa mga pinagdaan sa mga lumipas na mga araw. Liligo sa mga beach or resorts upang maginhawaan ang katawan o kaya naman ay mamamasyal sa mga dinarayo at mga sikat na lugar na patok na patok sa mga tao. Mga lugar na magpapasaya sayo sa oras ng kalungkutan. Magpapaluwag sa masikip mong nararamdaman. At sasalubong sa puso mong puno ng sumpong. Palagi kong iniisip sa una, kung magiging masaya ba ang resulta o kalalabasan kung susubukan kong pumunta sa isang lugar. Pero nung dalhin kami ng mapagbirong tadhana sa isang lugar na hindi ko maiipagkaila na kumumpleto ng bakasyon ko lalong lalo na ng buhay ko ay masasabi kong ito na, ito na ang lugar na pinapangarap kong puntahan.
Isa ang Batangas sa pinakamagandang dayuhin pag sasapit ang bakasyon. Kung tatantyahin, aabot ng apat na oras ang byahe mula dito sa Manila kaya dapat aalis ka ng maaga para malubos mo ang mga magagandang tanawin doon. Napadami naming dalang gamit noon, dahil alam naming lulubusin namin ang nalalabing araw sa bakasyon. Madalas na kasi kami umuwi sa lugar na iyon siula nung nasaksihan namin ang ganda at saya kaya sanay na kami na balik balikan ang aming mga nakasanayang puntahan na lugar. Mag iimpake ng mga damit at magbabaon ng mga masasarap na pagkain para pagsalu saluhan ng pamilya man o kaibigan, pero bukod pa doon ang mga pagkain na aming titikmaan na bibilhin namin pag nasa Batangas na kami. Sa lugar din na ito aangkop ang pagsasama sama ng mga pamilya para magsaya. Galak at ligaya ang mailalarawan ko kapag nasa lugar ako ng bayan na ito.
Napakaraming magagandang lugar sa Batangas at partikular na doon ang Calatagan Batangas, na isa sa pinakapaborito kong lugar. Lugar kung saan makakalanghap ka ng sariwang hangin, malinis na mga karagatan, at makakatikim ng mga produktong masasarap. Habang nasa byahe, makakaramdam ka talaga ng pangagawit ng likod at lula dahil sa haba ng byahe, maaring may pagkakataon pang magsusuka ka kung hindi mo talaga matitiyan ang amoy ng sasakyan na sinasakyan mo, pero pag nakarating kana, isang maaaliwalas naman na mga mukha ang sasalubong sayo. Minsan masasano pa sayo ang mga tao doon dahil sa bagong mukha na makikita nila pero lubos naman ang pagsalubong nila. Sabi nga sa kantang Himno ng Catalagan, "May tore na gagabay sa bawat manlalakbay ,ang Cape Santiago ang syang sa ati'y magbabantay" ang Cape Santiago na sinasabi ay ang tore kung saan sumisimbolo sa bayan ng Calatagan. Pagpasok na pagpasok mo sa arko ng lugar na iyon, makikita na agad namin ang "Municipality of Calatagan" na syang sumasalubong sa amin. Pagkalampas ng arkong iyon, makikita ko na ang mga malalawak na palayan, mga namemerde merde pang tanin ang nangingibabaw, mga puno ng mangga na matataas at makakasilay ka din ng mga ilang kilalang resort doon dahil karamihan ng mga beach doon ay nasa dulo pa ng bayan. Matatagpuan din doon ang Sto. Domingo De Silos Church, ang simbahang puno ng biyaya at pagmamahal.
Isa sa kinatuwaan ko sa lugar na iyon, doon namin narinig ang mga kakaibang punto , may mahahaba at may malalim silang salitang ginagamit doon. At ang maganda pa doon, alam mong ligtas ka sa mga tao. Kapag naliligaw , madali lamang pakisamahan ang mga nandoon dahil sa taglay na kabaitan. Dahil sa kalayuan nga nito sa siyudad, doon din namin nasaksihan kung paano ka mabubuhay ng dahil sa mga tanim sa kanilang bakuran. Kung tutuusin napakahirap ng buhay sa probinsyang iyon, napakalayo pa ng Waltermart sa mismong lugar siguro aabutin pa ng isang oras bago ka pa makatanaw ng iba’t ibang fastfood chain. . Hindi ko maiipagkaila na kahit ganun lang ang kaya kanilang pamumuhay eh hindi pa din nawala ang pagiging mabubuting tao. Sa aking palagay, napakasimple lamang ng pamumuhay ng nakararami doon. Bilang laang ang nakakapunta sa mga siyudad dahil sa hirap ng buhay. Bihira lamang makatikim ng mamamahaling mga pagkain dahil kalimitan ay gulay at isda ang aming inuulam nung nandun kami na sobra namang sasarap ng luto at hahanap hanapin mo.
Napakasagana naman nila sa mga likas na yaman. Doon kami nakaranas na manunungkit na lang mangga kung gugustuhin namin, bubunot na lang ng tubo at ngangab ngabin ito at mangangawil na lang ng isda pag kulang sa pambili. Isa din sa pinagmamalaki kong pagkain doon ay ang Loming Batangas. Sadyang napakasarap, puno ng sahog ang ibabaw na nag uumapaw na, susulitin talaga ang bayad mo. Sa usapang fiesta naman, kahit napakalayo pa ng mismong kaarawan, kokontsabahin ka na agad para dumalo sa kasiyahan na iyon. Dito ko naranasan ang kakaibang handaan dahil kahit kulang sa panghanda gagawa at gawa sila ng paraan para maging magara ang kalabasan dahil dito lang nagkikita o nagkakasama sama ang mga mahal nila sa buhay. Pipiliting maghanda ng isang baboy, para may maipakain sa mga bisita. Pag gaganapin naman ang pyesta ng Kinuyog o kilala bilang “Kinuyog Festival”, hinding hindi sila nagpapatalo. Meron silang ginaganap na mga street dancing na sadyang matutuwa lalo na pag nasilayan mo o nakita ang mga maliliit na bata na nagsasayawan.. Pagdating naman sa usaping mga resort o kaya naman ay dagat, hindi magpapatalo ang bayan ng Calatagan. Sa totoo lang, ginawaran pa nga sila ng pangalawa sa pinakamalilinis na karagatan sa buong Pilipinas. Dito matatagpuan ang "Little Maldives" dahil sa napaganda at napakalinaw na tubig na matatagpuan sa isa sa dinarayong resort doon sa kung tawagin ay "Stilts". Dito pa lang, masasabi ko na napakresponsable at napakadisiplinado ng mga mamamayan dito. Wala namang perpektong tao, minsan hindi naiiwasan ang hindi pagkakaintindihan pero sa huli pagkakaisa pa din ang mamumuo sa mga puso nila.
Napakasarap lang isalaysay sa inyo kung gaano kasaya mamuhay sa isang probinsya. At ang probinsyang ito ay kung saan ako nagmula. Kahit na nandito ako sa siyudad, hindi pa rin maiipagkaila kung gaano kasarap mamuhay kung saan ako nagmula. Gigising ako sa umaga ng walang iisipin dahil kasama ko ang mga magulang ko na mag aasikaso sa amin . Hindi ka makakaranas ng lungkot, yung parang puro saya lang ang bubuo sa maghapon mo dahil sa nakikita mo sa paligid. Sariwang hangin na sasalubong sayo. Mga ngiti ng mga mahal mo sa buhay ang tatak sayo. At pamumuhay na hahanap hanapin mo. Minsan napapaisip na lang din ako kung bakit hindi na lang ako bumalik kung saan ako nagmula. Pero inisip ko din ang kinabukasan ko, dinala na ako dito ng pagkakataon, sasayangin ko pa ba? Napakaswerte ko pa din dahil kahit papaano, may nalalaman akong mga tradisyon galing sa iba't ibang lugar dito sa siyudad.
Napakahirap man pero ito na ang reyalidad. Nandito na ako ngayon sa siyudad ng Maynila. Dito na ako namumuhay, dito na ako nag aaral at naninirahan. Kahit masakit sa damdamin na minsan lamang ako makadalaw at makauwi sa aking sintang bayan, kailangang tanggapin. Kailangan kong tanggapin na meron na akong bagong lugar na dapat kasanayan. Marami na akong mga nakakasalamuha na iba’t ibang tao . Madami akong naiwan na mahahalagang tao at bagay sa bayan ng Calatagan pero patuloy ko pa din sila pahahalagahan dahil sila ang unang bumuo at patuloy na bubuo sa pagkatao ko. Pero sa puso at isipan ko hinding hindi mawawala ang pagiging Calatagueño ko dahil dito ako nagmula. Patuloy ko itong mamahalin at pagyayamanin dahil ito ang buhay ko. Maaaring pansamantala ko itong iiwan pero babalik -balikan ko ito.