Ganoon pala talaga
Kahit gaano ang pagpapahalaga mo
Sa mga anak mo
Pag nawili sila
Ay mapapariwara
Habang inaalala mo
Yung mga panahong hinahagkan mo sila
Sinasangga mula sa
Dugo na galing sayo
Na dahil sa iba
Pinalaki mo naman
Sa pagmamahal at kalingang hanggang langit
Pero nagagawa ka
Nilang ipagpalait
Sa luho, pansariling kagustuhan
Sa tuwa, pansariling kaligayahan
Naging malaya ka
Lumaki na sila habang nawala ang iba
Tiningnan mo kung kaya
Nila ang sarili nila
Hindi mo nakita
Na ika’y tumatanda
Tumanda man
Hindi pa rin nawala ang angkin mong ganda
Na gusto pa rin ng iba
Pero alam naman nila
Na ayaw mo sa kanila
Kaya mga anak naman ang pakay nila
Pero ano ito
Sinisilaw ng mga iba para makuha ka
At wala kang magawa
Mula sa tumba-tumba
Sa loob ng barung-barong
Na pinaganda nila
Binihisan ka rin
Tinapalan ng kolorete ang pagtanda
Nag-ayos din sila
At tinago ang mga pangit
Para siguradong mabibili
Wala pakialam kung ikaw ay magalit
Ang sabi nila
Sa piling ng iba ka daw mas uunlad
Mas pagagandahin ka daw
Buhay reyna
Sa kaharian
Na puno ng kayamanan
Ganoon din sila
Dahil kikita din kung ibebenta ka
Kaya kailangan nilang
Pag-igihan talaga
Linis doon, dito
Imbita diyan, sa malayo
Hindi nila alam
Ang sinapit mo sa iba na hirap
Ang dugo at luha
Na nanggaling sayo
At di nila nakita
Dahil sa bigkis mo
Kawawa ang ibang anak
Kasi wala silang alam sa nangyayari
Hindi nila alam
Na hindi na sa kanila
Ang kanilang ina
Hindi nila alam
Pero hindi sila umiiyak
Kasi sinabi sa kanila ng mga malalaking anak
Na pagagandahin ka
Pababatain ka
At pauunlarin sila
Iaahon sa kahirapan
Pero alam natin pareho
Na daig pa ang sikreto na hindi totoo
Ang sinasabi nila
Alam natin na
Sila lang makikinabang
Sila din na anak mo sa iba
Sino nga ba
Ang anak mo ngayon sa ganitong panahon
O sino nga ba
Ang may pakialam sayo
Habang may palamuti ka
At ibebenta sa iba