Eroplanong Papel kadalasang manipis, magaan, at mababa ang lipad. Saan nga ba dadalhin ng isang eroplanong papel ang ating mga pangarap? Sa isang makitid na kalye sa Malabon masisilayan ang maliit at lumang tahanan ng Pamilya Rasyon. Ang kanilang bahay ay nasa gilid ng kalsada, napaliligiran ng mga halaman at bubulaklak, at malapit sa riles ng tren. Araw ng linggo, magkakasana sina Miguel, Ofelia, Lola Puring, at ang ubod ng kulit na si Biboy. Pagkatapos ng misa ay sabay-sabay na naghanda ng mga pagkain sa hapag-kainan ang pamilya. Mayroong pinritong manok, adobong sitaw, kare-kare, at sinigang na baboy sa kanilang hapag-kainan. Ang kanilang lamesa ay nakaharap sa maliit na telebisyon kaya madalas silang manood habang kumakain. Nang matapos maghanda, nauna sa lamesa si Biboy at dali-daling kinuha ang isang piraso ng pinritong manok. Makikita ang galak sa mga bilugang mata ng bata lalo na’t paborito niya ito. Natuwa ang kanyang mga magulang lalo’t lumalaki siyang magalang, mabait, at malusog na bata. Tulad ng ibang pamilyang Pinoy, nagdasal muna ang pamilya bago lantakan ang nagsasarapang mainit na putahe. Habang kumakain, pinag-uusapan ng pamilya ang magiging kinabukasan ni Biboy. “Gusto ko po maging piloto!” sabi ni Biboy. “Maganda ‘yan, anak” sabi naman ng tatay niya na si Miguel. “Saan mo ba gusto mag-aral, apo ko?” tanong ni Lola Puring sa bata. Maraming binanggit ang bata na ikinagalak ng pamilya sapagkat sa edad pa lang nito ay may pangarap na sa buhay. “Sige lang anak, mangarap ka lang nang mangarap, tiyak akong ikaw ang mag-aahon ng pamilya sa kahirapan.” sabi ni Ofelia na ina ng bata. Umabot halos ng ilang minuto ang kanilang usapan at patuloy na kumain. Hindi mapaliwanag ang pagkagulat ng pamilya nang biglang may tumawag sa telepono ni Miguel. “Hello? Sino ito?” tanong niya. “Migs, ako ‘to, si Andres”, sabi ng amo ni Miguel. Medyo naging mahaba ang usapan ngunit nagbago ang ihip ng hangin nang marinig ni Miguel na wala na siyang trabaho. “Migs, pagpasensyahan mo na pero wala tayong makukuhang pera dahil ibinayad ko na ito sa lahat ng pinagkautangan ng ating kumpanya…” malungkot na dagdag pa ng kausap niya. Biglaang natulala si Miguel matapos ibaba ang kaniyang telepono. Ang kinilos niya ay ikinabagabag ng kalooban ng mag-anak sapagkat wala silang kaalam-alam sa napag-usapan. Sa kabila nito, ipinagpatuloy at sinulit pa rin ng pamilya ang mga pagkain. Nang matapos, umalis sa lamesa si Biboy at naglaro ng eroplanong papel sa kanilang maliit na bakuran, dala-dala niya ang isang manipis at kulay asul na eroplanong papel na ginawa ng kanyang ama. Pagkaalis ng bata, agad na tinanong ng dalawa si Miguel tungkol sa nangyari. “Anong nangyari? Tila hindi maganda ang natanggap mong balita, mahal ko” tanong ni Ofelia. Noong umpisa, sinubukan ni Miguel magsinungaling ngunit bigla na lamang bumuhos ang kanyang luha kaya nalaman rin ng dalawa ang totoo. “Ayos lang ‘yan, anak. Makakahanap ka rin ng trabaho” sabi ni Lola Puring. Ito ay hindi lubusang nakatulong kay Miguel sapagkat iniisip niya ang mangyayari sa kanyang pamilya at ang pangarap ng kanyang anak na unti-unting nagpipira-piraso habang lumilipas ang bawat minuto.