Mahal, naaalala mo pa ba kung paano tayo nagsimula? Katulad ng payapang pagagos ng tubig sa payak na ilog na dumadaloy patungo sa malawak at malalim na karagatan. Na tila ang mga kaluluwa'y matagal nang nagkasalubong at nagkakilala. Sabay binalikan ang mga kwento sa ating paboritong mga libro. At walang sawang sinubay bayan ang paglubog ng araw. Mahal, naaalala mo pa ba? Nang ipangalan mo sakin ang nagiisang talang madalas nakadungaw sa iyong bintana? Kay sarap balik-balikan ang mga alalang dating nagbabaga. Nalimot mo na nga ba? Natabunan na ng bagong sayang hatid niya? Naaalala mo pa ba kung paano mo ako minahal? Katulad ng isang biglaang pagsabog ng inaakalang patay na bulkan. Malakas na pagyanig sa aking mundong nananahimik. Isang pagmamahal na umaapaw at nagliliyab. Walang kasing saya. Walang kasing ganda. Ang mundo na ginawa at umikot para sa ating dalawa. Mahal, naaalala mo pa ba? Noong hinayaan kitang lumipad papalayo upang makahinga. Upang hanapin ang sarili. Habang ako'y nasa distansya, tinatanaw ka't umaasa. Sabik sa iyong pagbabalik at sa kwento ng iyong mga nakita. Na sana'y sa iyong pagkaligaw, mahanap muli ang daan pabalik sa aking mga brasong nanlalamig na. Mahal, ikaw ang tuldok sa pagitan ng mga pangungusap sa paborito kong nobela. Kahit tinapos mo na, kahit winakasan na, paulit-ulit kong binabasa. Mahal, pakiusap iyong alalahanin kung paano tayo nagsimula at kung paano mo ako minahal. Iyong balikan at imapa, baka sakaling makabalik sa umpisa. Baka. Sakali. Nagbabaka sakali lang. Na sana'y muling hagkan.
Alaala // sp
















