Ang fresh naman, bagong blog! Anyway, sa kaalaman ng mga taong maaaring makabasa nito sa future (lakas makapasikat) ... ako nga pala si Diane. 20 something, di katandaan pero hindi maipagkakailang hindi na rin kabataan. Ngayong alam mo na ang pangalan ko, hayaan mo muna ako magkwento. Unang post naman to, pagbigyan mo na. Kwentuhan muna tayo.
Una akong pumasok sa pagbablog nung high school, 3rd year hs yata kung di ako nagkakamali so malamang mga 2009 yun. Repost repost lang nung una sa personal blog ko then nagkaroon ako ng another blog na medyo pafamous ako nung una kasi di ako nagpapakilala pero dun ako naging active sa text posts nung college mga 2011 or 2012 yata. College kasi e, dami ko hinaing at reklamo nun sa buhay, puro “di ako nakareview shet exam bukas, puyat na puyat ako” but at the end of the day nakailang text posts din pala ako sa tumblr. Yung pangalawang blog ko ang naging sandalan ko sa mga panahon non na extremes ang emosyon ko, either masyadong masaya or masyadong malungkot. Kung tutuusin, ilang taong sumalamin ang blog na yun ng mga nararamdaman ko, mga emotions na hindi nakikita at napapansin ng mga tao. Pero may mga sapat din naman akong dahilan kung bakit iiwan ko na ang blog na yun at magsisimula ng panibago.
Tagal na rin pala nun. College pa ako. Bakit? Engineer na ako ngayon. Ops, di ako nagmamayabang ha? wala naman kasi ako maipagmamayabang. Gusto ko lang sabihin na engineer na ako, di naman din siguro masama tutal limang taon at anim na buwan ko rin naman “pinagsikapan” yan. Sa ilang taon na yun, napakarami na ring nangyari sa buhay ko na di ko naidokumento, napakarami na ring nagbago.
Mga ilang bagay na kasama sa mga nangyari at nagbago:
Nagpreboards kami bago makagraduate. Ito yung isa sa peak ng college life namin, dito nagkandagulo-gulo ang buhay namin nung 5thyear. Dito ko nakilala yung mga kaklase ko sa oras ng kagipitan, dito ko napatunayan sino ang totoo. Number 1 nga pala ako dito. Di kahanga-hanga kasi niyurakan ng sistema yung bagay na pinaghirapan naman talaga namin. Pero wala lang... at the end, grumaduate naman kami, yun yung mahalaga.
Nag dorm kami sa manila for 6 months para magreview. Ibubukod ko ng kwento to kasi sobrang halaga rin ng anim na buwan na to sa buhay ko.
Nagboards, pumasa sa boards, engineer na ngayon.
After 1 week pagkatapos lumabas ng results, oo isang linggo palang ako nag eenjoy ng halos anim na taon na pinaghirapan ko, iniwan kami ng papa ko. No words can describe gaano kasakit... kasi hanggang ngayon nararamdaman ko pa. Hanggang ngayon di ko pa kaya magkwento, hanggang ngayon di ko pa mailabas ‘tong sakit na matagal ko nang dinadala. Nakakahiya kasi, and malamang wala rin naman makakaintindi. And yes, I need to vent out. Naisip ko, baka itong tumblr ulit yung makatulong sakin. Baka kailangan ko lang masanay, kailangan ko lang mailabas, hanggang sa maging normal na, hanggang sa matanggap ko na? Labo no. Sabi ko naman sainyo.
Umuwi ang ate ko nung nawala ang papa ko, pero kinailangan nya munang bumalik ulit sa Abu Dhabi, nabaon kami sa utang nung mawala yung papa ko. After ilang buwan, umuwi na ulit yung ate ko dito sa Pilipinas. Pakiramdam namin, pilay na pilay yung pamilya namin nung mawala yung papa ko. Hindi financially, pero emotionally... tipong laging may kulang. Yung dating masayang pamilyang pinagmamalaki ko, buo, kumpleto... wala na. Kulang na ngayon. Umuwi yung ate ko, kaya kahit papano lumakas naman kami. Suportahan sa isa’t isa, pero pakiramdam ko nagbubulagbulagan lang kami sa nararamdaman ng bawat isa. Kumbaga halos lahat may maskara, nagpapanggap na masaya para di maapektuhan yung iba pero malamang sa gabi, tulad ko... hindi rin sila pinapatulog ng lungkot at pangungulila.
Wala pang isang taon nung mawala yung papa ko, wala pang trabaho ang ate ko, na-stroke naman yung mama ko. Nabanggit ko nang nabaon kami sa utang nung mawala ang papa ko, at hanggang ngayon di pa namin bayad yun at nung mastroke si mama, mas nabaon kami... natabunan na kami ng utang. Ako lang ang nagtatrabaho at malamang hindi sapat ang kita ko sa nagastos sa ospital, kinailangan syang matutukan sa ICU dahil kritikal ang kondisyon ng abnormal na pagtaas at biglang pagbagsak ng BP nya. Awa ng Diyos, nag papagaling na sya ngayon. Bulsa nalang namin ang duguan at sugatan. Lavahrnnn? Laban.
Isang taon na rin mula nung mawala si papa nitong October. Trivia: wow may patrivia??? Nung mawala yung papa ko, ni hindi ko magawang magpost, sumulat or kahit anong tungkol sakanya. Yung ate ko nung mawala yung papa ko, nakapagpost sya agad sa facebook, kaya lang nalaman ng mga tao. Nung nilibing yung papa ko, sinubukan ko sumulat... anong nangyari? Wala. Di ko pa rin nagawa. Hindi ko alam, ang hirap iexplain. Hindi naman kailangan creative writing levels, yung tamang kwento lang... pero hindi ko magawa. Hindi ko magawa siguro dahil hindi ko makayang sariwain yung mga alaala ng papa ko, mag iisang taon ko nang sinusubukan gumawa ng isang kwento tungkol sa nararamdaman ko, tungkol sa papa ko... at mag iisang taon na rin akong bigo. Hindi ko alam, hindi ko magawa, nahihirapan ako. Pero in time... kapag kaya ko na, makekwento at maiilabas ko rin lahat to. Lavahrnnn? Laban.
Yan ang mga highlights ng buhay ko. Sa ngayon, nasa state ako ng buhay ko na “sakto lang” di ko maipaliwanag pero sakto lang. Masaya na siguro ako na lumalaban kami, sa loob ng mga panahon na lumipas, mas minahal ko ang pamilya ko. Mas naintindihan ko yung halaga nila, mas gusto kong sulitin bawat oras kasama sila.
Lumilipas ang oras e, ambilis ng takbo ng buhay, bukas makalawa sino bang makakapagsabing may buhay ka pang pwedeng aksayahin o pwedeng sulitin?
Kaya heto ako, nagbabalik sa pagsusulat. Susubukang mas sulitin ang bawat oras ko sa pagkekwento ng kung anek-anek sa buhay ko.