bawat kwadradong semento [14]
Kakadating lang ni Carlaisle sa abangan ng Bus. Mahaba na ang pila sa bilihan ng ticket at isa doon si Carlaisle.
Nasa dulo siya ng linya at espekula niya na maabutan pa siya ni Lauren na nakapila pa din dahil sa haba ng pila.
Unti unting umusad ang pila, pakiwari niya mga limang tao na ang natapos sa harapan at ngayon ay nagigitgit na siya.
Lalo pang naging maalinsangan ang pakiramdam niya dahil suot niya ang damit na iniregalo sa kanya ni Lauren. Isa itong polo na mahaba ang manggas. Kulay abo--paboritong kulay niya.
"Carl, parang napapansin ko, wala ka masyadong polo?" tanong ni Lauren habang sarap na sarap kumain ng matamis .
"Oo nga no? Eh kasi hindi naman ako sanay sa mga ganong damit. Masyadong pormal." sagot nito.
"Ah, saka bakit parang puro kulay abo ang mga damit mo? Paborito mo bang kulay
yun? Mapagmasid na tanong ni Lauren.
"Oo, yung kulay na yun, alanganing puti, alanganing itim. parang nasa pagitan lang." Pagpapaliwanag niya.
Malakas ang pagdagundong ng mikropono at napatigil ang lahat para makinig.
Nagbigay na nang paalala ang kundoktor ng bus para sa mga pasahero, malapit na itong umalis sa loob ng ilang sampung minuto.
Wala pa sa mga oras na iyon si Lauren.
Nagaalala na ng husto si Carlaisle dahil hindi pa dumadating si Lauren, ilang beses na niya itong tinawagan subalit patay ng telepono.
Nakaalis na ang Bus pero hindi na talaga dumating si Lauren. Nag-antay pa din ng kalahating minuto si Carlaisle, subalit ni anino nito ay hindi na nagpakita. Sobra na din ang pag-aalala niya dahil sa nangyari. Halos malapit ng kumirot ang ulo niya kakaisip sa kung ano na ang nangayari.
Naglakad siya papunta kila Lauren at sa malayo ay nakita na niya na madaming tao sa labas ng bahay ng minamahal niya.
Nagmamadali siya sa paglapit, halos patakbo na sya sa pagmamadali, kung gaano kabilis ang knayang paa na tumapak sa lupa, ganon din kabilis ang pintig ng kanyang puso.
Pagdating niya sa tapat ng bahay, sinalubong siya ng mga magulang ni Lauren at luhaan.
Lumapit sila dito at sinabing hindi na kinaya ni Lauren at bumigay na ang katawan nito sa sakit. Malaki ang pagkakagulat ni Carlaisle dahil walang nababangit na kahit ano man si Lauren na patungkol sa sakit nito.
Kasabay ng pagkakasabi sa kanya ng balitang dudurog sa puso niya.
Nagpasalamat ang mga magulang ni Lauren sa kanya. Napansin ng mga magulang ni Lauren ang pagbabago ng kanilang anak simula ng dumating si Carlaisle sa buhay nito. Hindi na siya masyadong malungkot at nagbababad sa pag-aaral at nagsimula na itong magsaya at tumawa. Nakuha na din tanggapin ng kanyang mga magulang ang simpleng kaligayahan ng kanilang anak, kahit alam nilang hindi ito moral o tama sa tapat ng marami.
Alam na din ng magulang ni Lauren na hindi na magtatagal ang buhay ng kanilang anak dahil nasabi na ito ng kanyang doktor. Itinago nila ang nakakapanlumong katotohanan sa kanilang anak at kaaplit nito ay ang kanyang kalayaan sa kung ano man ang gusto nitong gawin sa kanyang buhay.
Ang tanging alam lang ni Lauren ay malubha ang kanyang kalagayan at kahit anong oras ay maari siyang magkasakit muli at maospital. Walang kamalay-malay si Lauren sa kalagayan niya.