Nagising ako sa pagbukas ng pinto. Sinanay kami na maging listo sa kahit anong pagtapak ng paa, galaw ng dahon at kahit anong tunog, maliit man ito, kung hindi ay maari kaming ma-dedz. Sa pag-mulat ng mga mata ko ay nakita kong ika-lima ng Enero na sa kalendaryo. Iniuunat ko ang aking katawan nang may narinig akong magandang boses ng babae, “Magandang u—- Ano ba naman yan anak! Kararating mo pa lang ay kung saan-saan na nakalagay ang iyong mga damit,” malakas na sabi ng aking nanay, habang kinukumpol ang iba sa mga t-shirt at shorts ko. Nilapitan niya ako, binaba ang mga damit sa kama tapos ay niyakap at hinalikan ako sa pisngi, “Salamat sa Diyos buhay ka pa! Kelan ba ang pagbalik mo sa kwartel?” Sabay hawak sa pisngi ko ng dalawang kamay.
“Agad-agad? Babalik na sa kwartel? Nakaka-limang oras pa nga lang ako sa bahay na toh eh. Tulog pa ko nun ah!” sinabi ko ng may pagbabalintunay na may halong pag tawa, “Puwede po bang…” Ilang beses kong tinaas-baba ang aking kilay na may katernong malaking ngiti, na pati gilagid ko’y kita.
“Ano?” binitawan niya ang aking mga pisngi at nilakihan ang mga mata.
“Pahingi ng… Facial wash. Tinutubuan na kasi ako ng mga tigyawat eh,” ginalaw ko ang aking balikat na parang bata na humihingi ng kendi.
Tinitigan niya ako ng matagal sa mga mata, “Doon sa banyo mo. Alam kong hihingi ka nun, kaya bumili na ako kahapon,” niyakap ko siya at mabilis akong tumakbo sa banyo. Di ko namalayan ang mga natirang damit sa sahig kaya bigla akong nadulas. Sinubukang itago ng nanay ko ang pagtawa niya ngunit bumigay din siya’t humalakhak. Tumayo naman ako at naglakad ng iki-ike habang hinihimas ko ang aking puwetan. Malapit na ko sa pinto ng banyo nang asarin ako ng nanay, “Yan kasi! Masyadong excited makita si ano—-” tumawa muli siya sa kanyang sariling biro. Binigyan ko siya ng blankong tingin at isinara ang pinto.
Pagkatapos kong maligo, hinilamos ko ang aking mukha at naglagay ng facial wash. Habang pinapahid ko ang sabon sa aking pisngi ay bigla na lang akong natulala sa sariling kong mukha sa salamin. Parang kailan lang noong ako’y nasa kwartel pa. Magkasama kami ng aking matalik na kaibigan na sumugod sa pugad ng mga Abu Sayyaf. Hindi pa nagsisimula ang laban ay marami nang nawala sa amin dahil sa bombang sumabog noong papunta pa lamang kami, pero tinuloy pa rin namin ang paghuli sa lider ng Abu Sayyaf. Nagtagumpay kami sa aming operasyon, ngunit marami sa aking mga bata ay di na nakabalik sa kani-kanilang pamilya. Doon ako nakumbinsi na kahit sandali, ay kailangan kong bigyan ng oras ang pamilya ko, bago ako mawala.
“Dante! Ang tagal mo dyan. Kakain na!” Sigaw ng aking nanay. “Opo! Papunta na!” Hinilamos kong muli ang aking mukha at kumuha ng labakara para magpunas. Nagbihis ako ng pambahay at tumungo sa kusina.
Nang makita ako ng dalawa kong dalagitang kapatid ay mabilis silang tumakbo sa akin at niyakap ako. Umupo kami ng sabay-sabay sa hapag-kainan. “Uy Kuya! Kamusta si Sam—-“
“Walang mangyayari,” sinagot ko ng pasuplado si Vilma, ang bunso kong kapatid.
“Puntahan mo kaya siya sa bahay niya mamaya,” sabi naman ni Nora, ang sumunod na sa akin.
“Tama na yan. Kumain muna kayo ng agahan para may lakas kayo buong araw,” sabi ni nanay. Nagtinginan kaming magkakapatid at pabilisang kumuha ng kanin at ulam. Pagkatapos kong kumain ng agahan ay nagbihis na ako para makapunta na sa bahay ni Samuel. Nadaanan ko ang mga kapatid sa sala, nanonood ng TV. “Pupunta ka sa kanya noh?” Lumingon ako at sinabi, “Maghanda na nga kayo para sa pagdiriwang mamaya.” Tinignan lang nila ako gamit ang kanilang nakakatawa at nakakaasar na “smug face”. Gusto kong hilahin ang mga buhok nila at isabit sa labas ng bintana ng ikalawang palapag ng bahay, pero ‘wag na lang kasi baka maitulak pa ako ni nanay sa parehas na palapag.
Naka-dalawampu’t dalawang hakbang ako bago makarating sa gate nila. Ding dong! Walang sumasagot, kaya pinindot ko muli ang doorbell. Nang mabanas na ako dahil walang taong lumalabas ay pinindot ko ito na parang matatalo na ako sa isang larong laban sa kompyuter, hanggang sa wala nang lumalabas na tunog, dahil lumubog na ang pindutan ng doorbell. “Sandali lang naman! Wagas ka naman makapindot, mamaya nasira mo na iyan!” sigaw ng isang babae. Kinabahan ako kaya’t nang may makita akong batang dumaan, “halaka bata! Bakit mo sinira ang doorbell?!” Tinitigan ako ng bata, pagkatapos ay biglang umiyak at tumakbo papunta sa kabilang bahay.
“Uyy Dante, ikaw pala yan!” sabi ni Samantha. Nakakatulala ang mukha niya. Maputi’t makinis ang kanyang balat at mahaba ang kanyang itim na buhok. Natural ang kagandahan niya, kaya ako humahanga sa kanya. “Pasok ka,” sinabi niya gamit ang mahinhin niyang boses. “Nasira nga talaga ang door bell?” Sinubukan niyang ayusin ngunit lubhang nasira na talaga ito. Tumingin siya sa akin at itinuro ko kung saan dumaan ‘yong bata. Sana narinig niya ang pekeng pagsermon ko kanina.
“Ahh, akala ko ikaw,” tumawa siya at sabay kaming pumasok sa loob ng bahay. Tumingin ako sa paligid ng bahay nila, at binalik ang mga mata sa kanya. “Manghang-mangha talaga ako sayo,” wika ko.
“Ano?” Kitang-kita ang pag kalito sa kanyang mga mata. Ako’y namula at ayaw kong ipahalata ang tunay kong damdamin, “Ang ganda mo kasi,” mas maganda pa sa akin, nakakaiyak. Nakita ko ang pamumula niya, “Nasaan si Samuel?” Tinanong ko na may halong pagkasabik ngunit kalmado pa din.
“Ah! Ayun, nanliligaw sa babaeng may-ari ng malaking bahay sa kabilang baranggay.” Sumimangot ako. “Paparating na rin iyon. Kumuha ka na lang ng gusto mo, maliligo lang ako.” Umakyat siya ng hagdanan, at pumunta naman ako sa ref para mag hanap ng pagkain. Nang may nahanap akong tira-tirang cheese curls ay binuksan ko ito mula sa pagkakatiklop at pinuno ang bibig ko. Ngumunguya ako ng may mag bukas ng pinto, sumilip ako at nang nakita ko na si Samuel pala yun ay tumakbo ako sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. “Takaw mo pare ah!” sabi ni Samuel. Tumawa na lang ako dahil alam naman niya dati pa na matakaw ako.
Dumating kami sa pagdiriwang na isinigawa para sa pagbalik naming dalawa. Si Samantha ay nakasuot ng mala-anghel na gown. Si Samuel naman ay ang pinaka-gwapo sa lahat dito. Gaya ko, nakasuot din siya ng uniporme naming militar na pang pormal at pang party. Ganun talaga pag meant, magkaparehas ng suot, biro lamang. Lahat ng tao ay nakaputi maliban sa isang kakaibang babae. Mayroon siyang kalamnan na kasing laki ng sa akin. Siya’y nakapula at mayroong siyang maskara na tumatakip sa bahagyang maliliit niyang mga mata. Napaka tuyot ng kanyang buhok, parang lumang wig. Ay Chaka! “Kunan kita ng pagkain” sabi ko kay Samuel. Sumang-ayon siya gamit ang kanyang mga kilay, pero hindi siya nakatingin sa akin. Tumalikod na ako at pumunta sa lamesang punong-puno ng mga pagkain. Kinuha ko ang paborito niya, kaldereta na may toyo. Hinahanap ko siya ngunit hindi ko na siya makita. Sa aking paghahanap ay nakita ko si Samanthang malungkot.
“Ahhh... Okay, sige. Nakita mo ba si Sam—”
“May gusto kasi akong lalaki, pero wala siyang nararamdaman sa akin. Di niya nga ako pinapansin, parati niya ibinabaling ang pagtingin niya sa iba” Parehas kami! Diyos ko. Inilapag ko ang pagkain sa lamesa at inalay ko ang aking kamay. “Gusto mo bang sumayaw?”
“Di ako marunong sumayaw,” tumagilid siya at hinawakan ang kanyang dibdib. “Di mo naman kailangan maging marunong para sumayaw, ang kailangan mo lang, ay ako. Biro lamang!” Sa wakas ay ngumiti na rin siya. Kinuha niya ang aking kamay at kami’y lumakad papunta sa gitna. Nakatingin ang mga tao sa amin, lalung-lalo na ang maskuladong instik na babae na nakatingin ng masama sa amin. Nagsimula kaming sumayaw ng waltz habang sumasabay sa tugtog ng musika. Tumititig ako sa kanyang tila kumikislap na mga mata. Di ko alam kung bakit, pero bumibilis ang tibok ng puso ko habang nalulunod sa lalim ng pag silay niya.
“Siya ba yung babaeng nililigawan ng kapatid mo?” Bigla akong napatingin sa babaeng nakasuot ng kwintas na asul, na parang sa Titanic. Inpernes, maganda ang bruha.
“Oo, siya nga.” Nawala ang ngiti niya. Napansin ko ito, kaya't hinawakan ko ang baba niya at idinerekta ang tingin niya sa mga mata ko at muli naman akong nawala sa mga ito. Di ko namamalayan na lumalapit na pala ako sa kanya, unti-unti niyang isinara ang mga mata niya. Baka nahalikan ko pa siya kung wala lang umakbay sa akin.
“Pare! Puwede ba tayong mag-usap?” Tanong ni Samuel. Hinablot niya ang aking kamay papunta sa hardin. Humarap siya sa akin at ipinatong ang kanan niyang kamay sa aking balikat. Yes, bebe?. Nanghina ako. “Pare, nililigawan mo ba kakambal ko?” Hinigpitan niya pa ang paghawak sa aking balikat.
“Ha? Hindi, pare.” Selos ka?
“Basta sabihin mo sa akin kung may gusto ka sa kanya, malay mo lang. Nagpapasalamat nga ako sa Diyos at nakilala kita,” Ansabe?? “dahil isa ka sa mga kaunting taong may kakayahang pangitiin siya,” nginitian ko siya at inakbayan niya kong muli habang papasok kami sa gusali. Pagpasok namin ay tinatawag na pala kami para mag salita sa entablado. Boses bakla ang nagsasalita at hindi deretso magsalita ng tagalog. Nang nakaakyat na kami sa entablado, doon ko lang nakumpirma na ‘yong babaeng nakapula pala ang nagsasalita.
“Ano gusto niyo sabi tungkol relasyon niyo?” sabi ng babae.
“Magkaibigan” sagot naman ni Samuel ng nakangiti at nakaakbay sa akin.
“Magkaibigan o magka-ibigan?”
“Sinungaling!” sigaw ng instik na babae. “Bakla tabi mo!” Tinuro niya ako. Nanlaki ang aking mga mata, pati na rin ang mga bisita. Napansin ko rin ang pag-aalala ng aking pamilya.
“Ano Dante?” Pinilit ng instik na babae na palakihin ang mga mata, pero wala na talagang ilalaki ito, “Bakit di ka suot ng gown tulad ko?” Iwinagayway niya ang palda ng mahaba niyang damit.
“Di siya bakla!” Sigaw ni Samantha, habang tumatakbo sa entablado. Nang makatayo na sa gitna naming tatlo ay sinabi ng instik, “Ikaw bigay patunay!” Hinablot niya ang aking leeg palapit sa kanya at bigla akong hinalikan. Nawala lahat ng tao sa paningin ko, kahit si Samuel nawala. Unti-unti siyang kumalas sa aking mga labi, habang tinititigan ako sa mga mata.
“O-no yu di-eeent!!!” Sabi ng instik habang ipinipitik ang kanyang hintuturo sa harap niya. “AKIN SIYA!” At bigla siyang umiyak.
“Ano?” Nalilito kong sinabi sa babaeng hindi ko naalala,
“Di mo ako alala?” Hinubad niya ang kanyang wig at maskara. “Ako si Henry Lim, iyong nobyo ikatlong taon ng sekodarya, bago mo kilala lalaking yan. Mahal pa rin kita!!!”
“Ano?! Nagkakamali ka! Tinuruan lamang kita magtagalog.” Iniiling niya ang kanyang ulo at patuloy pa rin siyang umiiyak. Nagwawala siya habang hawak-hawak ang mikropono. Ang sakit sa tenga! Chaka ano ba?
“Hulihin siya!” Sigaw ng isa sa mga gwardya. Kinuha at dinala siya sa isang pinto na kahit ako ay hindi ko rin alam kung saan papunta.
Sa mga nakalipas na araw ay wala akong naisip kundi ang halik ni Sam. At ngayong araw ay kailangan ko nang bumalik sa kwartel. Nasa airport na kaming dalawa ni Samuel, sinabi ko na rin sa kanya na may nararamdaman ako para sa kapatid niya. Hindi naman siya nagalit, niyakap pa nga niya ako.Ahihi. Nakapagpaalam na ko sa pamilya ni Samuel ngunit wala dun si Samantha.
“Di ka pa ba aalis?” tanong ni Nora,
“Weh! Di ko bayaran pag-aaral mo eh,”
“Ehhh... Ermmm... Ang ibig kong sabihin ay: Di ka pa ba aalis... sa isipan ko, kuya? Kasi parati akong nag-aalala para sa’yo” palusot niyang sinabi,
“Wasssshuu! Sinungaling! Ako ang mas nag-aalala sa’yo kuya. Kaya para di ako mag-alala wag mong kakalimutan pasalubong ko ah! Para siyempre malaman kong ligtas ka,” singit ni Vilma,
“Sinong mas sinungaling si Nora o ikaw?” sinabi ko ng may pagbabalintunay. Nagtawanan kami at niyakap ko sila ng mahigpit. Wala akong paki kahit pabiro ang pagbigkas, dahil puso naman ang pinangalingan. Pagkatapos ko silang yakapin ay isunod ko si nanay. Inipit ko siya sa aking mga bisig. Mas mahigpit pa sa yakap ko sa’king mga kapatid, “Alam mo bang pangalan niya ang binibigkas mo noong unang araw mo dito? Di alam ng isip mo, pero puso mo, alam na alam,” bulong ng nanay sa’kin. Kumalas ako sa pag yakap ng nanay ko para tignan kung seryoso siya. Ay seryoso ka nga.
“Pero malapit na kaming umalis, wala pa siya” niyakap niya lang ako muli na may kakaibang ngiti sa kanyang mukha.
Paalis na kami nang narinig ko ang aking pangalan sa aking likuran. Lumingon ako at nakita si Samanthang tumatakbo patungo sa’kin. Niyakap niya ako ng mahigpit at binulong, “Ipangako mong babalik ka,”
“Pangako,” gusto ko pa sanang manatili sa mga bisig niya, kaso ay tinatawag na kami.
Naglakad na ako papunta kay Samuel na ngumingti sa kanyang kapatid. Nasa gitna na ako nang napahinto ako. Kaya lang naman ako nagsundalo ay dahil kay Samuel, pero iba na ngayon, kailangan kong nang mamili. Si Samuel na isang pangarap o si Samantha na isang realidad. Alam ko na kung sino ang pipiliin. Tumakbo ako sa kanya ng mabilis, pero bigla akong napatigil dahil may naramdaman ako sa aking puso. Tumingin ako sa aking likuran at nakita ko si Henry na may hawak na baril. Napaluhod ako nang makita kong may dugo sa aking dibdib. Inabot ko ang kamay ni Sam. Napahiga ako, dahil nararandaman kong humihina na ang tibok ng puso ko. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin at naririnig ko siyang umiiyak. “Pangako, babalik ako, Sam—” Lahat ay bigla na lang nagdilim.
Nagising ako sa pagbukas ng pinto. Sa pag-mulat ng mga mata ko ay nakita kong ika-lima ng Enero nanaman sa kalendaryo. Bumukas ang pinto at lumabas ang nanay ko, “Magandang u— Ano ba naman yan anak! Kararating mo pa lang ay kung saan-saan na nakalagay ang iyong mga damit,” sabi ng aking nanay habang kinukumpol ang iba sa mga iyon. May pagkalito sa aking mukha. Nilapitan niya ako, binaba ang mga damit sa kama tapos ay niyakap at hinalikan ako sa pisngi “Salamat sa Diyos buhay ka pa. Kelan ba ang pagbalik mo sa kwartel?” Sabay hawak sa pisngi ko ng dalawang kamay.
Di ko alam kung anong nangyayari pero alam ko kung ano ang dapat. Dapat mawala si Henry.
(Itong maikling kwento na ito ay ginawa namin para sa isang proyekto sa Filipino. Kasama ko sa pag sulat ng obrang ito si Jovilyn Balilo)