Tuldok
Sa loob ng isang grupo, una kang nakilala, Bawat isa sa ati’y tila nahihiya pa. Ngunit habang tumatagal ay sumasaya, Lalo na noong maging kaibigan kita. Pakiramdam ko sa ‘yo’y naging magaan, Nakakausap ka’t nakakabiruan. Pagdating sa musika, isa’t isa’y naaasahan; Tiyak kang nalalapitan sa oras ng kagipitan. Panahon ay lumipas, marami na ang naganap, Nasubok pati pagtupad sa mga pangarap; Ako ay nagulat, bakit sa isang iglap, Sarili ko’y parang nasa alapaap. ‘Di ko namalayan, estado ng aking puso, Tila nahulog na pala sa iyo. Mga tukso at biro, kasalanan nila ito, Natakot na baka ika’y lumayo. Nang aking nalaman, iba ang ‘yong mahal, Para bang ito’y isang malaking sampal; Itinuring aking sarili na hangal, Nagsumikap kumilos nang normal. Aking binalikan, mga alaala, Mga pagkakataong tayo’y masaya pa; Nais kong maibalik, maitama, Nasasabik muling makausap ka. Siguro’y tama na, hanggang dito na lang, Dahil alam kong marami ang hadlang. Tanging turing sa ‘yo, kaibigan na lamang; .Tuloy pa rin ang buhay, punan ang pagkukulang.
(October 11, 2019)













