"Pinalaya" Ako nga pala 'yung pinalaya mo. Ako nga pala 'yung taong tuluyan nang nahulog sa'yo. Ako nga pala 'yung nasasaktan hanggang ngayon. Ako nga pala 'yung taong hindi pa din makaahon. Pinipilit na limutin ang mga alaalang pinahiram sa akin Dahil unti-unti ko na din namang tinatanggap na wala na. Wala na ang dating masayang usapan na kahit paulit-ulit na ay hindi nakakasawa Wala na, wala na ang dating ngiti na nasisilayan sa iyong mukha sa tuwing ako ay nakikita. Wala na, wala na nga pala talaga. Sa kantang 'Anong nangyari sa ating dalawa' Ako nga ba ang nagkulang? O ikaw ang hindi lumaban? Nakakabaliw at ang sakit sakit na isipin na sumuko ka. Sumuko ka sa ating dalawa ng hindi man lang ako inalala. Sumuko ka... Pero ayos lang basta masaya ka. Pinalaya mo ako. Pinalaya mo ako sa panahong gusto kong manatili sa piling mo. Pinalaya mo ako sa panahong hindi ako handa sa paglisan mo. Pinalaya mo ako sa panahon na ang buong akala ko ay ako ang bibitaw. Pinalaya mo ako sa panahong asang asa ako na hindi ka magsasawa at hindi ka lilisan. Pinalaya mo ako dahil ika'y litong lito at Pinalaya mo ako dahil sabi mo ito ang mabuting gawin para sa ating dalawa... Ngayon, masaya ka ba na malaya ka na? Masaya ka ba na ang inaaakala mong mabuti para sa ating dalawa ay pinapatay ang puso kong parang may sampung bala? Masaya ka ba? Masaya ka ba na pinalaya na din kita? Kasabay ng pagpapalaya ko sa'yo ay ang pagpapalaya ko rin sa sarili ko. Pinapalaya ko na din ang sarili ko sa lahat ng sakit na dinulot ng pagmamahal ko sa'yo. Pinapalaya ko na din ang sarili ko sa sugat na iniwan mo na siyang pagagalingin ko. Pinapalaya ko na din ang sarili ko dahil napapagod na ako. Oo, ako nga pala... Ako nga pala 'yung pinalaya mo... Salamat sa mga sandaling naging masaya ako sa piling mo. Salamat pero hindi na muling maiibalik ang taong minsang pinalaya mo.

















