Ako ang Nagsaing, Bala ang Kinain
ni Merylle M. Santiago
Bawat butil ng bigas na inyong pinipili
Nagmula pa sa patak at butil ng pawis
Bawat kanin na inyong binibili
Nagmula pa sa mga paang pagod sa putik
Maghapong nakabilad sa araw na nakatirik
Mabantayan lamang ang tanim sa bukid
Bantay namin ang oras sa pagdilig
‘Wag lamang matuyot ang mga pananim
Sa ‘di inaasahan, ang klima’y nagbago
Kabuhayan namin, tinangay ng El Nino
Ano nang ipapasok sa sikmura ng pamilya ko?
Hindi pala nakapaghanda ang ating gobyerno
Dahil sa hirap, pagod at tiyan na kumakalam
Kami ay lumapit sa inyo upang mapagbigyan
Ngunit wala kaming napala’t ‘di man lang pinakinggan
Kahit kami ang gumagawa’t kayo ang nakikinabang
Kung sino pang magsasaka’t malapit sa hardin
Sila pa ‘tong pinagkaitan ng totoong pagkain
Bigas lang naman ang aming hinihiling
Ngunit bakit bala ang aming nakain?
Photo courtesy of Google











