Bakit ka umalis?
Noong pinaka-kinakailangan kita, Kung kailan lahat sila nagsilayas, Bakit sumama ka?
Ako ba? Tinulak ba kita papalayo?
May nagawa ba ako na hindi mo gusto?
May kulang ba ako?
Ito ang mga tanong na paulit-ulit na tumatakbo sa aking pag-iisip Ilang oras na nagpaikot-ikot, kinekwestyon ang sarili
Ilang araw na puro sa akin ang pagsisisi
Pero,
Hindi.
Ikaw.
Ikaw ang may mali
Ikaw ang nagpumilit na lumayo,
Na kahit anong pagsusuyo na gawin ko
Kahit anong sabihin ko
Alam kong ayaw mo na dito
Alam kong uhaw na uhaw ka na na tumakbo at lumayas sa pinto
Alam ko, samahan natin ay hindi perpekto Na mga salitang dati’y puno ng tamis
Ay unti-unting nababalot ng pait Hanggang sa huli, hindi mo na kinaya Bumigay ka
Araw na dapat paalis ka na Nakita kita
Nanghihina
Na kahit pagtayo, di mo na kaya Hanggang sa
Katawan mo, bumigay na
Nakita kita,
Bumagsak sa sahig na malamig at matigas Nagmadali ako pumunta sa tabi mo
Sumigaw ako na halos mawala na ang boses ko Ambulansya’y dumating at dalian kang itinakbo Wala akong magawa
Kun’di matulala habang dinadala ka nila papalayo
Hindi.
Hindi mo dapat tinago sa akin
Hindi mo dapat pinagdaanan lahat ng sakit ng mag isa
Alam mo naman na mahal kita
At handa akong samahan ka Harapin kahit ano mang problema Hindi na dapat nagtiis
Hindi mo dapat ako tinulak papalayo
Hinayaan mo dapat ako na tulungan ka
Hinayaan na alagaan ka
Para sana, mga huli nating sandali ay ‘di napuno ng away at alitan Ako,
Ako ang may mali
Ako ang nalunod sa pag aalala, hanggang sa di ko nakita
Ako ang hindi nakakita, sa iyong madudugong panyo na pilit mong tinatago Ako ang hindi nakapansin, sa iyong bumibigat na paghinga
Napansin ko ang mga ito, kung kailan huli na
Hindi
Hindi ka dapat umalis
Ayaw kitang umalis
Hindi mo kailangan magsakripisyo
Na gumawa ka pa ng paraan
para ako yung umayaw sayo
Hindi mo na dapat sinabi na
ito’y para sa kinabukasan ko
Dahil sa totoo lang?
Ang kailangan ko, ay ikaw ay nandito
Na manatili sa tabi ko
















