Ikatlong Araw: Dalawang Palayok
Bata pa lang ako, Nang may binilin ang nanay ko. "Anak, pag ako'y namatay, 'Wag kang umiyak sa aking bangkay." Tinanong ko kung bakit, Hindi ko maintindihan. Akala ko noo'y Habambuhay kasama ko si Inay. Bago pa man akong umiyak, Agad niya itong dinugtungan. "Noong ako'y bata pa, May kwinento ang aking ina. "May ibinigay si Bathala, Sa ating mga kaluluwa." "Ano 'yon ma?" Tanong ko sa kanya. Ngumiti siya sa akin, At itinuloy ang kanyang sinasabi. "Dalawang palayok, anak" Mahinhin niyang sinimulan. "Parehong ipupuno, Pero magkaiba ang naka-impok." "Ang isa'y ikaw ang maglalagay, Ng sa tingin mo'y mahalagang bagay. Mga ala-alang masasaya, mga turo ng iba. Ikaw mismo ang mangongolekta, Ng ilalagay mo Sa palayok ng buhay mo." "Ano naman ang nasa kabila?" Muli akong nagtanong. Umiikot ang aking isipan, Sa mga bagay Na gusto kong ilagay. "Ang pangalawa nama'y Iba ang maglalagay. Luha man nila, O mga masasayang ala ala; Sila'y mag-aalay, Habang ika'y walang kamalay-malay." "Nay, paano naman kapag napuno? Paano kung may gusto pang pumasok? May magbibigay ba sa akin, Ng ikatlong Palayok?" Madami akong tinanong, 'Di ko matandaan ang iba. Pero, ganoon pa man, Ngumiti sa akin ang aking ina. "Dahan dahan lang, 'Wag mag madali. Hindi pa ako tapos, Sa aking sinasabi." Ako'y nanahimik, Nakaupo sa maliit niyang hita. Hinahaplos niya ang aking buhok, Ay itinuloy ang kanyang kwento. "Walang ikatlong palayok, Kaya ingat ingatan mo ang dalawang 'yon. 'Wag maglagay ng magiging sanhi Ng iyong pagkasisi." "Maaari kang magtanggal ng ayaw mo sa unang palayok, Ngunit hindi pwede sa ikalawa. Dahil kahit anong tapon ang gawin mo, Nakatatak pa din 'yon sa ilalim nito." "Parehong palayok ang dala mo, Hanggang sa huling punto mo. Ang pangongolekta sa unang palayok ay titigil, Sabay ng tibok ng puso mo." "Sa ikalawa nama'y, Kahit ika'y nasa kabilang buhay na, Mayroon pa ding maglalagay. Mga ala ala nila kasama ka, Doon nila ilalagay, Kadalasa'y doon na din iiwanan." Doon nagtatapos ang kwento niya, Ngunit hindi ko pa din nakukuha. Kaya tinanong ko sa kanya, "Ano naman ang kinalaman ng aking iyak Sa palayok na nasa iyong kaluluwa?" Ngumiti ang aking ina, At sinagot niya ito. "Ika'y isa sa mga naglalagay sa Ikalawang palayok ko. Nawa na ang ilagay mo doon, Ang kasiyahan mo." "Anak, punong puno ng masasayang bagay Ang unang palayok. Nawa parehong palayok Ang mapuno ng ganito." Sa panahon na iyon, Hindi ko pa din siya naintindihan. Ngunit, sumang ayon nalang ako, At tinuloy ang paglalaro. Makaraan ang maraming taon, Doon ko na nakita, Ang punto ng aking ina. Dahil sa kanyang pagkamatay, Ang ikalawang palayok Ay punong puno ng luha ng iba. Ngayon, naintindihan ko na siya. Mahirap nga naman, Kung dala dala mo sa kabilang buhay, Ang lungkot ng iba. Kaya ang alay ko sa aking ina, Ang kanyang bilin noong una pa. Ang aking masasayang araw, At mga magagandang ala ala. Iaalay ko lahat ng aking kasiyahan, Para lamang sa minamahal kong inay. Iyon ang huling habilin Ng aking ina. ------------ Bale, lumingon muna ako sa nakaraan~~ 😄 Bata pa lamang ako, ayoko talagang pumuntay sa mga lamay kasi halos ang dami ng tao na umiiyak sa taong patay na. 🙅🙅 Kapag uuwi na kami, lagi kong tanong kay mama kung bakit ganon, tapos isasagot naman ni mama, "minsan pakitang close kayo, ganon. Kadalasan, para lang makipag-tsismisan." 😑😑 Dinagdagan ko 'to (ala pang preno dila ko non eh 😂😂) "Ma pag ikaw namatay, gusto mo ganon din?" 😲😲 Syempre nagulat si mama, tapos ung iba naming kasama. Pero, bago pa man ako pagalitan, tumawa lang siya sa akin 😂😂 sagot niya, "Pag namatay ako, wag mo na patagalin pa. Jusme. Pagkabigay ng bangkay, 3 araw lang ang misa at sunugin niyo na ako 😂😂" Kadalasan, kapag napupunta sa usapang patay at paano ilibing, yan ang lagi naming ending. Pero, may isang araw na tinanong ko si mama kung bakit ayaw pa niyang patagalin. Sabi niya sa akin, parang sa akin lang talaga kasi halos pabulong eh, "Anak, mahirap kapag napuno na ung pangalawang palayok ko." Hindi alam ni mama kung saan nanggaling 'yong kwento ng palayok. Basta alam niya, kwinento din ng nanay niya sa kanya noong bata pa siya. At ganooon din sagot ni lola sa akin. Matagal ko na hinahanap kung yang alamat ba yan eh sikat, pero ala pa akong naririnig na ganoong kwento 😑😕😕 Kayo ba, meron din bang pamahiin na hindi sikat, pero sinusundan niyong magka-pamilya?














