Nakaraan kasama ng mga bayani: Alam ba natin ang tunay na halaga?
Ni: Sonia Leaño at Renato Rebellon Jr. (September 2013)
Mula sa paboritong Zara na cardigan hanggang sa bulto-bultong damit sa mga tiangge, hindi mo maiiwasang mapansin ang halagang kaakibat ng mga bagay sa paligid mo. Kahit may sapat kang pera upang masunod ang luho o mapagipunan ang mga kailangan, napapatingin ka sa iyong bulsa o pitaka kung sinong bayani ang magliligtas sa iyo – maaring si Osmena, si Roxas, o si Macapagal. Bilang sukli ng kabayanihan, lagi mong mahahanap si Rizal at Aguinaldo na tila unti-unting lumiliit sa iyong palad sa paglipas ng panahon. Sa kabila ng halagang nakasulat sa tabi ni Quezon, napagtanto mo na ba ang tunay na simbolo ng kapirasong papel na nakasasalamuha mo araw-araw? Naisip mo ba ang tunay na halaga ng 25 sentimos na hinayaan mong gumulong sa estero?
Ilang taon na nga bang naghihintay si Ninoy upang mapansin mong higit sa nakikita mo ang halaga ng bawat barya at papel na pera? Marahil sa ating pananaw, simple lamang ang disenyo ng salaping ating ginagasta sa bawat araw. Hindi tulad noong bago dumating ang mga Espanyol, makikinis at malagintong sigay lang ang ginagamit ng ating mga ninuno para sa komersiyo at transaksyon. Kung ikukumpara, mas mainam ang limang sigay sa isang libong pisong tinupi mo sa napakaliit na piraso. Sinasabi ng karamihan sa ating sinasalamin ng salapi ng isang bansa ang kultura at progresong hinanhangad nito. Halina’t samahan kaming alamin ang mga pagbabagong pinagdaanan ng mga nilukot, binulsa at pinasang mukha ng bayani.
Marahil hindi mo na naabutan ang dalawang pisong papel dahil saglit lamang itong nasa sirkulasyon ng opisyal na pera ng bansa. Maaaring hindi mo na rin nahawakan ang pisong papel. Si Apolinario Mabini ang pinakaunang naging mukha ng piso habang sa dalawang piso naman makikita si Jose Rizal. Sa likod ni Mabini, makikita ang simbahan ng Barasoain habang sa likod ni Rizal, tampok ang deklarasyon ng kasarinlan ng Pilipinas na naganap sa Kawit, Cavite.
Sa ngayon, maririnig na lamang si Rizal na kumakalampag sa mga bulsa at pitaka natin. Upang lagi nating maalala ang kabayanihan ni Rizal, inilagay ang mukha niya sa pisong barya sa kadahilanang marami sa atin ang nakahahawak ng piso.
Marahil nakilala mo lamang sa mga libro ng kasaysayan sina Marcelo H. Del Pilar at Graciano Lopez Jaena – ang mga nakaupong bayani sa limang pisong papel. Matatagpuan ang pahayagan ng La Solidaridad sa likod na bahagi ng salapi bilang paalala na dalawa sila sa mga nagtuguyod ng nasabing pahayagan. Naging kinatawan rin si Andres Bonifacio ng berdeng salaping ito bago pa man siya inilipat sa sampung piso. Sa likuran naman nito, makikita ang seremonya ng sagradong sanduguan sa pagitan ng mga katipunero.
Kung iisipin marahil ilan sa inyo naabutan pa ang papel na limang piso. Kulay berde pa rin ito, si Emilio Aguinaldo ang nasa harapan habang ang deklarasyon ng kasarinlan ng Pilipinas sa Kastila na ginanap ang makikita sa kabaliktaran nito. Kagaya ni Rizal, napasama na rin si Aguinaldo sa mga bayaning laging kumakalampag sa bulsa ng mga Pilipino.
Bago mo pa man maabutan ang baryang bakal at tanso, maraming pagbabago ang pinagdaanan ng perang ito. Unang mukha ng sampung piso ang tatlong paring sina Mariano Gomez, Jose Apolonio Burgos at Jacinto Zamora o mas kilala sa tawag na GOMBURZA. Makikita naman sa kabilang bahagi ng salapi ang monumento ni Andres de Urdaneta at Miguel Lopez de Legazpi, dalawa sa mga manlalakbay na kasama ni Ferdinand Magellan nang dumating sila sa Pilipinas. Noon pa man, kulay kayumanggi na ang salaping ito.
Siguradong naabutan mo pang nalulukot ang sampung piso bago pa man ito maging bakal at tanso. Nakita mo pang nag-iisa si Apolinario Mabini at hindi nagtagal nagkasama na sila ng kaibigan niyang si Andres Bonifacio sa harapan ng salapi. Sampung piso na ang permanente nilang pwesto sa lahat ng salaping dinaanan ng kanilang mukha. Kasa-kasama nila ang Simbahan ng Barasoain hanggang sa ito maging barya.
Hindi mo na ito nahawakan: Bago pa man maging permanenteng modelo ng singko at diyes sina Aguinaldo at Mabini, napunta muna silang dalawa sa dalawampung pisong salapi. Sa likod ng salapi makikita ang Sigaw sa Balintawak at ang Kartilya ng Katipunan na parehong nagpakita ng ating pakikipaglaban para sa kasarinlan ng ating bansa.
Tatlong bagay na makapagsasabing dalawampung piso ang hawak mo: Kulay kahel, Manuel L. Quezon at ang Palasyo ng Malacanang. Sa kasalukuyan, kasama na ni Quezon sa mukha ng salapi ang Palasyo ng Malacanang at ang unang rebolusyong naganap sa EDSA. Sa likod ng salaping ito, makikita ang mga simbolong nagpapakita ng isang bansang may sariling identidad. Nasa likod naman ng salaping ito ang tanawing Banaue Rice Terraces at Palm Civet o isang musa na matatagpuan dito sa Pilipinas.
Sa unang bersyon ng salaping ito, si Antonio Luna pa ang kinatawan ng singkwenta at pinangatawanan niya rin ang bandila ng Pilipinas sa laban ng mga Pilipino at Amerikano noong 1900s. Sanduguan naman nina Miguel Lopez de Legazpi, isang Kastilang manlalakbay, at Datu Sikatuna, pinuno ng Bohol, ang makikita sa likod na bahagi ng salapi.
Noon pa man pula na ang prominententeng kulay ng salaping ito. Nakikita mo si Sergio Osemena Sr. na siyang sumunod sa pwesto ni Quezon bilang pangulo ng Commonwealth. Sa likod nito, mahahanap ang isang sining na nagpapakita ng dating gusali ng Lehislatibo. Sa kasalukuyang disenyo nito, kasama na ang litratong kuha sa unang pulong ng pamahalaan ng Pilipinas at ang pagdating ni Heneral MacArthur sa Leyte, Lawa ng Taal at higanteng kingfish sa mga makikita sa likod ng bagong denominasyong ito. Sinisimbolo naman ng limampung piso ang mayamang kultura at kasaysayan ng Pilipinas.
Lingid sa ating kaalaman, mayroong babaeng naging mukha na ng ating salapi. Si Melchora Aquino o mas kilala sa tawag na Tandang Sora ang una sa mga babaeng bayani na naging parte ng ating kasaysayan. Binansagan siya bilanng Ina ng Himagsikan dahil sa katapangang ipinakita niya noong nabubuhay pa siya. Sa likuran ng salaping ito ang mga naging bandila ng Katipunan na sumimbolo ng katapangan ng mga Pilipino hanggang sa ngayon – ang katapangang dapat taglayin ng bawat mamamayan.
Siguradong kulay lilang papel at si Manuel Roxas na ang natatandaan mo patungkol sa sandaang piso. Si Roxas ang naging unang pangulo sa ikatlong republika ng Pilipinas. Pinalitan ng dating gusali ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bandila ng Katipunan sa likuran nito. Ipinapakita ng isang daang piso ang isang matibay at panatag na pinansyal ng bansa. Sa kasalukuyan, makikita na sa likuran nito ang Mayon Volcano sa Bicol at isang butanding na espesyal na hayop ng bansa.
Si Manuel Roxas ang unang nagdala ng dilaw na bandera ng limangdaang piso. Kasa-kasama niya pa rin ang gusali ng lumang BSP na makikita sa likurang bahagi ng salapi.
Dilaw ang kulay ng limangdaang piso dahil ito ang kulay na dala ni Ninoy Aquino na sumisimbolo sa demokrasyang kanyang hinangad para sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand Marcos. Makikitang sa likod na bahagi na saksi ito sa paghihirap ng Pilipinong makamit ang kalayaan at demokrasya sa pamamgitan ng katapangan ni Ninoy. Sa kasalukuyan, kasama niya na ang asawang si Corazon Aquino sa salaping ito. Makikita na sa likuran nito ang Puerto Princesa, Subterranean River National Park at ang Blue-napped parrot.
Sa lahat ng salaping nabanggit, ito ang pinakamataas na denominasyon at ang pinakabago sa lahat. Ito ang dahilsn kung bakit hindi nalalayo sa unang besryon ang kasalukuyang itsura ng salapi – kung saan tampok sina Josefa Llanes Escoda, Vicente Lim at Jose Abad Santos. May malaking partisipasyon sila upang makamit ang kalayaan ng bansa noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Sa naunang bersyon, apoy at mga dahon ng laurel ang makikitang kasama nila. Sa likod ng salaping luma, makikita ang Banaue Rice Terraces, Manunggul Jar at Langgal, o lugar sambahan sa Mindanao, na kumakatawan sa tatlong isla ng Pilipinas – ang Luzon, Visayas at Mindanao. Sa kasalukuyan, pinalitan na ito sa Tubbataha Reefs National Park at litrato ng South Sea Pearl.
Dala ng perang ito ang simbolo ng indibidualismo, na kahit gaano ka man kaliit sa paningin ng iba, kaya mong kuminang at maging isang malaking tulong sa bayan. Isang perlas na hinihintay ang bawat Pilipino, lahat may angking potensyal na hinihintay para sa paglago ng bansa.
Layon ng nasyon, layon ng bawat Pilipino
Hawak ng mga salaping ito ang mga kwento ng ating kasaysayan bilang mga Pilipino. Katulad ng pagpapahalaga natin sa ating pera, nararapat lang na pangalagaan din natin ang ating kasaysayan na kumukumpleto sa ating pagka-Pilipino. Nawa’y magsilbing aral at gabay sana ang mga imahe na nakapaloob sa mga salapi ng mga alaala at panahon ng ating pagtatangis at pabubunyi bilang isang bayang malakas at matatag. Gaano man kalayo ang ating marating, hindi natin maaaring makalimutan ang mga bayaning ibinuwis ang kanilang lahat para sa atin patungo sa kaunlaran. Lingid man sa kaalaman ng marami, nilalaman din ng ating pambansang salapi ang layunin at adhikain nito para sa isang magandang bukas. Sa mabilis na pag-asenso ng teknolohiya, sumasabay rin ang salaping ito sa sirkulasyon at mithiin ng buhay. Magbago man ang anyo nito sa paglipas ng panahon, ngunit hindi ang dala nitong pangarap para sa isang magandang Filipinas na para sa mga Filipino.