“ANG KWENTO NG LUMAMIG NA PUTAHE“
Unang beses kong magluluto.
Baboy. Toyo. Suka. Laurel. At paminta. Para sa’yo.
Alam kong paborito mo ‘yun e. Paminta.
Shoot sa banga. Gisa. Halo. Kulo. Hintay.
Hum ng random song ng APO. Charan!
Sabi ni Chef Boy Lagro,
ganyan daw gumawa ng adobo.
Tinikman ko pagkatapos. Masarap.
Para sa sinigang, okay siya ha.
Kaso adobo ‘yung ipinangako ko,
pero ang ihahain ko sa’yo, abobo.
Sobra sa asim, sobra sa alat,
sobra sa mantika, sobra sobra sobra.
Bobo. Kapag ibinuhos mo pala lahat,
‘yung halos walang matira sa basyo,
pwedeng hindi rin masarap ang kalabasan.
Na pwedeng ang kalabisan,
‘yun mismo ang maging pagkukulang.
Sumubo ka isang kutsara.
Nakakatawa kung paano kumulubot
ang mga ugat sa noo,
kung paano kumulot ang kilay na makapal,
at nagparamdam ang nginig
sa boses pagkasabing,
“Hmmm. Ayos naman.
Kulang sa paminta PERO
Naappreciate ko naman po ‘yung effort mo.
Ang sweeeeet nga e.”
Sweet? Ibig sabihin, pati sa asukal,
sobra ang nailagay ko?
Pati pala sa tamis, bawal ang sobra?
Sobra sobra ang ibinigay kong pagmamahal sa’yo
kaya ibinihagi mo rin sa iba.
Oo, matagal ko nang nginunguya
ang katotohanan na habang tiyinatiyaga mo
ang putahe ko, may iba ka pang puta-he ka
na dinudukot-dukot sa ref
tuwing madaling araw at 'di makatulog
dahil hindi makahinga sa pulupot ng aking bisig
sa katawan mong malamig.
Bakit? Patikiman mo naman ako ng paliwanag.
Kung may isang bagay na humihiwalay sa’tin
mula sa mga hayop
sa kabila ng lahat ng kahayupan mo,
‘yun ay ang kakayahan nating ipaliwanag sa utak
ang ginawa ng pusong nagmamatalino.
Kasi tao ako, tao ka.
Kailangan ko ng paliwanag na panghahawakan
para makabitaw ako sa’yo nang tuluyan.
Pero pati 'yun, syempre, ipinagkait mo.
Kahit sobra-sobra na ang ibinigay ko sa’yo,
hanggang sa pagpapaintindi ng kasalanan,
kulang ang ibinalik mo.
Hindi ko alam kung bakit hinihiling
ng mga two-timers na katulad mo,
‘yung sa kanta, "na sana dalawa ang puso ko."
Hindi ba dapat, dalawang utak ang hingin mo?
Para naman sana nakapagdalawang-isip ka
bago mo ginawang plural ang you sa I love you.
Para naman sana nakapagdalawang-isip ka,
bago mo iniba ang spelling ng I love you too,
sa I love you two.
Hindi ko alam kung bakit salawahan
ang tawag sa’yo,
e ang katotohanan naman,
inisahan mo ako, at pati siya.
Kapag sinabi mo kasing salawahan,
dapat dalawa kaming minahal mo.
Pero hindi posible 'yun,
Dahil kung magpapakatotoo ka lang.
dalawa kaming sinaktan mo,
At ang tangi at nag-iisang minahal mo,
ay ang sarili mo.
Hindi ko alam kung bakit third party ang tawag
sa mga sumasawsaw sa relasyon ng iba.
Unang-una, wala namang dapat i-celebrate.
At tsaka, paano naging party 'yun,
E kayo lang naman ang nagkakainan.
Paano naging party 'yun
E kayo lang naman 'yung nanonorotot
habang ako nabibingi sa isang gilid
sa pag-alala sa mga “mahal kita”
na sinambit ng iyong bibig sa akin,
kahit ang isinisigaw ng mga galaw mo,
ay siya, siya ang ibig.
Huling-huli,
hindi ko alam kung bakit pangangaliwa
ang tawag sa ginawa mo.
Kasi mahal, kung namali ka lang ng liko
sa kabilang kanto, makikita pa kita e,
masusundan pa kita.
Makakatakbo pa ako papunta sa’yo,
para hilahin, akayin ka
pabalik sa landas na nasimulan.
Hindi ka nangaliwa, hindi ka kumanan,
hindi ka lumiko, hindi mo ako diniretso
na matagal ka nang huminto
sa isang madilim na sulok
na hindi ko na mababalikan,
para ako ay ‘yung balikan.
Dapat noong araw pa lang
na hindi mo ako diniretso
na hindi masarap ang adobo ko,
dapat dun pa lang napagtanto ko na.
Na hindi ikaw ang tamang kaluluwa
na pag-alayan ko ng luha.
Dahil hindi ko kailangan ng taong
paliligayahin ako sa kasinungalingan.
Na paniniwalain akong disente ang adobo
pero pagkaligpit ko ng pinagkainan,
maghahanap ka ng ibang bubusog
sa puso mong masiba dahil hindi pihikan.
Kailangan ko ng tao na kayang ibato sa’kin
ang katotohanan.
Na sobra na pala sa alat, sa toyo,
sa asim, sa suka, sa lagkit, sa mantika,
sa paminta.
Na sobra na ako sa pananakal sa’yo,
sa pagiging seloso,
na sobrang higpit ng paglingkis
ng mga daliri ko sa mga daliri mo,
ng kagat ng mga labi ko sa mga labi mo.
Kailangan ko ng taong ipapamukha sa’kin
kapag sobra na ang ginagawa ko, kapag mali na,
At titiyagaing turuan ako
kung paano ba magluto ng adobo
na tama ang timpla.
Isang tao na dahan-dahan akong titiyagain
na matutong magtimpla
ng tamang relasyon na tatagal, na tayo lang,
Wala ng iba, walang sobra.
[From the book “Lahat Tayo May Period” by Rod Marmol]