Awit Nobela #7: Sabihin Mo Na
“Lahat naman tayo’y nagkakamali. Sinong ‘di nagsasala?” -Top Suzara
Nakailang ikot na ako sa kama ko, pero hindi pa rin ako makatulog. Binubulabog ako ng iniisip at nararamdaman ko. Nako po!
“Kailangan nating magpanggap na magkasintahan.”
Bumangon ako sa pagkakahiga. Napatingin ako sa orasan at nakita kong hatinggabi na pala. Hindi ako sigurado kung makakatulog pa ba ako. Sobra kong inaalala ang mangyayari bukas – este, mamaya na pala. Bakit pa kasi ako pumayag sa sinabi niya?
Sabihin mo na…kung anong gusto mong sabihin, pero naguguluhan talaga ako. Ikakasal na siya, di ba? Kaya bakit niya gugustuhing magsinungaling at magpanggap kami? Bakit hindi na lang namin sabihin ang katotohanang hindi kami nagkatuluyan?
Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Akala ko, gusto ko nang layuan siya at tuluyang kalimutan ang nararamdaman ko para sa kan’ya. Pero bakit ganito? Bakit parang umaasa na naman ako? Bakit nahihirapan na naman ako?
Bumuntong-hininga ako nang malalim dahil sa mga naiisip ko. Tinignan ko ulit ‘yong orasan at napasimangot ako. Kailangan ko talagang makatulog, kahit saglit lang. Hindi ko kayang humarap sa mga kaklase at guro namin noon kung magmumukha akong puyat.
Bumaling ako sa direksyon kung nasaan ang bintana. Madilim pa sa labas, pero iilang oras na lang, magbubukang-liwayway na. Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa kama at sumilip sa bintana. Nagbabakasakali akong gagaan ang loob ko ‘pag masilayan ko ang kapayapaan ng kapaligiran at masinghap ang malamig na simoy ng hangin, upang sana ako’y makatulog.
Habang patingin-tingin sa paligid, nakakuha ng pansin ko ang kotseng nakaparada sa tapat ng aming bahay. Isang pamilyar na kotse.
“Stan?” mahinang sambit ko habang nakakunot ang noo. Umandar ‘yong makina ng kotse at humarurot ito paalis.
Napailing ako. Napakaimposible ng aking iniisip. Napakaimposibleng kotse ‘yon ni Stan. Baka kapareho lang ng kotse niya ang nakita ko. Hindi siya ‘yon.
Pero paano kung siya nga ‘yon? At ano namang ginagawa niya do’n? Hindi kaya…
“Baliw,” wika ko sa aking sarili habang umiiling. Napabuntong-hininga na naman ako.
Nagdesisyon akong bumalik na sa aking kama bago paman ako guluhin ulit ng aking imahinasyon. Humiga ulit ako at nakipagtitigan sa kisame. Maraming tanong sa aking isipan, pero hindi ko alam kung paano sagutin, sinong sasagot, at kalian masasagot.
Huminga ako nang malalim at sinubukan kong ipikit ang aking mga mata, pero agad ko ring minulat. Napamura ako. Nang nakapikit ako, mukha ni Stan ang nakita ko. Marahas kong kinamot ang ulo ko. Gusto ko nang umiyak!
Sabihin mo na…kung paano ako makakatulog ngayon.








