Sa Paggising
Minsan nagigising ako sa madaling araw. Hahanapin ang cellphone. Bigla nalang maaalala na wala na nga palang matatanggap na, “nakatulog ka na ata, goodnight, i love you!,” “text mo ako paggising mo ha,” “miss na kita agad.” Wala na nga palang rereplyan ng, “nakatulog ako, i love you!,” “text nalang kita ulit paggising ko,” “miss din kita agad.”
Hindi lang sa madaling araw, minsan kahit nasa office at pupunta lang ng locker para magcheck ng phone. Maaalala nalang at marerealize na wala na nga palang magti-text. Wala na akong hihintayin. Wala na akong missed call or mahabang thread ng unanswered SMS.
Kapag walang magawa sa bahay, kapag naghihintay ng masasakyan, habang naglalakad palabas ng opisina, habang nasa pantry at breaktime; wala na nga pala akong dapat hintayin na text message. Pero bakit parang naghihintay pa din ako? Ah, nasanay lang kasi.
Sa katagalan, nasanay na din. Nasanay na na mukha ko na naman ang makikita pagbukas ng phone. O kaya text message from Smart, o kung ano anong promos, or si Mommy. Pwede din random friends. Pero hindi ikaw. Walang galing sa'yo. Wala ng manggagaling sa'yo.
Ngayon, sa paggising ko, magbubukas nalang ako ng facebook, instagram, email, youtube. Dahil wala naman ng dahilan para unahin ang inbox at recents sa phone.







