Tahimik na Galit
Araw-araw, paulit-ulit. Sa jeep, sa pila, sa init, sa trapik, reklamo pero nakangiti. Nakakainis ang kabuuan ng sitwasyon, lalo kapag alam mong may mga nakaupo sa taas na naglalaro ng pera mo, pero sanay na tayong patahimikin ang sarili. Sanay tayong ngumiti kahit ang mga pangako, alam nating biro lang. Bawat buntong-hininga ay may kasamang “sige na lang.” Ang galit natin, hindi nakikita, nakatago sa simpleng pagpili na tumanggap na lang ng mali.
Hindi man lahat tayo ay pareho ng lifestyle at estado sa buhay, alam ko na may sariling bersyon ang bawat isa sa reklamo. Yung mga bagay na hindi natin kayang isigaw dahil palagi tayong abala. Pagod na sa trabaho, hindi mo na iniisip yung politika; nakakalimot ka sa mga isyu habang sinusubukang mabuhay. Ngunit ramdam mo sa tahimik na paraan, may galit at tanong na hindi nasasabi. Nagkukubli ito sa mga araw-araw na gawain at pagod.
Tahimik ang paraan ng paninindigan natin. Hindi lahat ng laban ay sa protesta o social media. Bumabalik tayo sa bahay, nagtatrabaho, nabubuhay, kahit paulit-ulit lang ang siklo ng kawalang-katarungan. Nakakatawa lang sa malupit na paraan: tinatanggap natin na sira ang ilang sistema, pero alam nating nakikita at nararamdaman natin ang lahat. Hindi natin pinipilit na baguhin agad ang mundo; pinipili lang natin na huwag maging bahagi ng biro.
Sa huli, lumalabas ang galit sa maliliit na paraan. Sa pagtuturo sa anak na huwag basta maniwala sa sinasabi ng nakakataas, sa pagtulong sa kapitbahay kahit maliit lang ang kakayahan, sa pag-iwas sa bisyo ng sistema na pilit tayong minamaliit. Tahimik man, ramdam ang lakas. Ramdam ang pag-asa na, sa kabila ng lahat, hindi tayo tuluyang pinatahimik. At minsan, nakangiti tayo sa sarili, sa galit na alam nating araw-araw pero nananatiling nakatago, gaya ng nakagawiang buntong-hininga, habang ang gobyerno, parang palabas sa o kaya patalastas, nagtatawanan sa likod ng kamera. Magkakasundo at magkakaaway ng dahil sa pera. ---//--- May kwento ako. Basta sagot mo ang kape ko. Click mo lang yung link. ☕ coff.ee/kwentoniblack










