Kung napadpad ka dito, salamat sa oras. Sana makita mo sa pagitan ng mga salita ang matagal mo nang hinahanap.
trying on a metaphor
I'd rather be in outer space 🛸
Three Goblin Art

Discoholic 🪩
2025 on Tumblr: Trends That Defined the Year
Cosimo Galluzzi
RMH

★
NASA
cherry valley forever
Claire Keane
Cosmic Funnies

ellievsbear
tumblr dot com
Sade Olutola
Xuebing Du
i don't do bad sauce passes
Sweet Seals For You, Always
styofa doing anything
let's talk about Bridgerton tea, my ask is open
seen from India

seen from Germany

seen from Malaysia
seen from United States
seen from Germany

seen from T1

seen from United States
seen from United States
seen from United States
seen from United States
seen from United States
seen from Bangladesh
seen from United States

seen from United States
seen from United States

seen from Germany
seen from United States
seen from Japan
seen from United States

seen from Türkiye
@kwentoniblack
Kung napadpad ka dito, salamat sa oras. Sana makita mo sa pagitan ng mga salita ang matagal mo nang hinahanap.
Magastos Maging Mahirap
Habang naghihintay ako ng tawag para sa trabaho at paulit-ulit na nagre-refresh ng email, may nabasa akong ideya na hindi mawala sa isip ko. Ang sabi, mas magastos daw maging mahirap kaysa maging mayaman.
Noong una, parang mali. Paano magiging mas mahal ang buhay ng taong kulang ang pera kaysa sa taong marami nito?
Pero habang tumatanda ka, may mga katotohanang hindi mo na kailangang ipaliwanag. Nakikita mo na lang sila sa araw-araw.
Kapag may pera ka, may kakayahan kang bumili ng bagay na tatagal. Kapag mahirap ka, madalas ang nabibili mo ay kung ano lang ang kaya ng bulsa mo sa araw na iyon. Hindi na inisip kung gaano ito katibay. Hindi na naisip kung gaano ito katipid sa loob ng limang taon. Ang naisip nalang ay kung makakatawid ka hanggang bukas.
Kaya may mga sapatos na paulit-ulit binibili dahil paulit-ulit ding nasisira. May mga gamit na mas mura sa umpisa pero mas mahal sa katagalan. May mga pagkain na nakakabusog ngayon pero may kapalit sa kalusugan pagdating ng panahon.
Hindi dahil mali ang desisyon ng mahirap. Kadalasan, iyon lang ang desisyong na meron. Walang nang no choice!
Marami kasing tao na ang tingin sa pera ay simpleng numero. Para bang pare-pareho ang halaga ng isang daang piso para sa lahat. Pero iba ang halaga ng isang daang piso kapag may natitira ka pang sampung libo sa bangko. Iba rin ang halaga nito kapag iyon na lang ang natitirang pera mo hanggang sweldo. Alright!
Ang hindi nakikita ng marami ay hindi lang pera ang binabayaran ng kahirapan.
May interes din itong sinisingil sa oras.
May interes din itong sinisingil sa lakas.
May interes din itong sinisingil sa katahimikan ng isip.
Kapag may pera ka, may mga problemang nawawala matapos magbayad. Kapag wala, kailangan mong makipagnegosasyon sa bawat gastusin. Kuryente ba o gamot? Pamasahe ba o tanghalian? Magpapa-checkup ba ngayon o hihintaying lumala pa dahil hindi pa kaya ng budget?
May mga taong sanay nang mag-compute bago matulog. Hindi para malaman kung magkano ang kikitain nila. Kundi para malaman kung sapat pa ba ang natitira para makatawid sa susunod na linggo.
Kaya minsan napapangiti na lang ako kapag may nagsasabing, "Mag-ipon ka lang kasi."
Parang madaling payo. At sa totoo lang, tama naman. Maganda talagang mag-ipon.
Pero may mga pagkakataon na ang problema ay hindi kakulangan sa disiplina. Ang problema ay wala nang natitira para itabi. May mga taong hindi maluho. Hindi gastador. Hindi tamad. Nauubos lang talaga ang kinikita sa simpleng proseso ng pananatiling buhay.
Hindi lahat ng mahirap ay mahirap dahil sa maling desisyon. May mga taong nagsisikap nang doble pero nagsimula sa lugar na mas malayo sa finish line. Habang ang iba ay tumatakbo nang magaan, sila ay may pasan-pasang bigat na hindi nakikita ng karamihan.
Siguro kaya mas mahal maging mahirap dahil hindi ka lang nagbabayad gamit ang pera. Nagbabayad ka gamit ang oras, pagod, oportunidad, at minsan pati kapayapaan ng isip.
At kung may isang bagay na natutunan ko tungkol dito, iyon ay ito: may mga taong hindi naman nangangarap yumaman. Hindi nila hinihingi ang marangyang buhay. Gusto lang nilang dumating sa puntong hindi na nila kailangang makipag-away sa calculator tuwing may bibilhin sila.
Minsan, sapat na ang mabuhay nang hindi kinakailangang pumili kung alin sa mga pangangailangan ang hindi muna aasikasuhin ngayong buwan. Iyon pa lang, para sa marami, isa nang uri ng yaman. --///--
Sabihin mo sa akin kung alam mo kung nasaan ang pusa dito.
Mahal-maangan
May mga taong madaling basahin. Kapag may gusto sila sa isang tao, parang may press release ang buong pagkatao nila. Nag-iiba ang ngiti, nagiging mas madalas online, at biglang nagkakaroon ng interes sa mga bagay na dati naman ay wala silang pakialam. Kahit hindi sila umamin, may mga kaibigan nang nakakahalata.
Pero may mga tao ring kabaligtaran.
Hindi mo sila mahuhuli sa matatamis na salita o sa malalanding biro. Kahit tanungin mo nang diretsahan, sasabihin nilang wala lang. At ang nakakatuwa, minsan hindi sila nagsisinungaling. Minsan hindi talaga nila alam.
Akala kasi natin kapag may gusto ka sa isang tao, agad mo itong malalaman. Parang may alarm na tutunog sa loob ng dibdib mo at magsasabing, "Ayan na. Nahulog ka na." Pero hindi naman laging ganoon. May mga damdaming dumarating nang tahimik. Walang anunsyo. Walang warning. Isang araw na lang, may isang tao nang mas madalas pumasok sa isip mo kaysa dati.
Sa una, hindi mo iyon papansinin. Busy ka. May trabaho, may responsibilidad, at may sarili kang mga problemang iniisip. Bukod doon, pakiramdam mo matanda ka na para sa mga ganitong bagay. Hindi na ito ang edad para magpuyat dahil sa kilig o maghintay ng mensahe na parang teenager. Yun ang paulit-ulit mong sinasabi sa sarili mo.
Pero habang lumilipas ang panahon, may mga bagay kang napapansin. Inaabangan mo na pala ang mensahe niya. Napapangiti ka kapag nakikita mo ang pangalan niya. Naaalala mo ang maliliit na detalye tungkol sa kanya kahit hindi mo naman sinasadyang tandaan. At kapag may magandang nangyari sa araw mo, may isang tao kang gustong pagsabihan bago ang iba.
Gayunpaman, hindi mo pa rin iyon tinatawag na pag-ibig. Hindi mo pa rin tinatawag na pagkagusto. Hindi mo pa rin binibigyan ng espesyal na kahulugan. Masaya lang kasi siyang kausap. Mabait lang siya. Matagal ka lang talagang walang nakausap na ganito. Excited ka lang. Bored ka lang.
Nakakatawa kung gaano tayo kagaling gumawa ng paliwanag para sa mga bagay na ayaw nating tanggapin. Habang tumatagal, dumarami ang ebidensya pero kasabay rin noon ang pagdami ng palusot. Parang may bahagi ng sarili nating ayaw maniwala sa nangyayari.
Siguro dahil alam natin ang kasunod.
Kapag pinangalanan mo kasi ang isang bagay, nagiging totoo ito. Kapag inamin mong may nararamdaman ka, hindi mo na puwedeng sabihing wala lang. Kapag tinanggap mong mahalaga ang isang tao, kailangan mo ring tanggapin na may kakayahan siyang saktan ka.
At doon nagsisimula ang problema.
Hindi sa damdamin kundi sa takot. Takot na magkamali. Takot na umasa. Takot na malaman na hindi pala pareho ang nararamdaman ninyo. Takot na buksan ulit ang bahagi ng sarili mong matagal mo nang isinara.
Kaya imbes na umamin, nakikipagtalo ka sa sarili mo. Samantalang kitang-kita na ng lahat ang nangyayari. Minsan alam na ng mga kaibigan mo. Minsan pati yung taong gusto mo ay nahahalata na. Ikaw na lang ang hindi pa kumbinsido.
Hindi dahil tanga ka. Hindi dahil bulag ka. Kundi dahil may mga katotohanang mas madaling makita kaysa tanggapin.
At siguro doon ko naintindihan ang isang uri ng tao na matagal ko nang nakikita pero wala akong tawag.
Hindi siya manloloko. Hindi siya paasa. Hindi rin siya taong walang pakialam.
Isa siyang mahal-maangan.
Yung taong nahuli na ng puso niya pero pilit pa ring naghahanap ng ebidensya. Yung taong malinaw na ang sagot pero paulit-ulit pa ring binabasa ang tanong. Yung taong mahal na, pero hindi pa handang aminin kahit sa sarili niya.
At siguro iyon ang pinaka-nakakatawang bahagi ng lahat.
Dahil kung minsan, ang huling taong nakakaalam na umiibig ka na pala ay ikaw mismo.
Spider-Noir
Torpe
May mga araw na hindi espesyal.
Gising, aktibo, konting ingay sa paligid. Pangkaraniwan.
Pero may mga sandaling hindi mo namamalayan, may nangyari na pala sa loob mo kahit wala namang ibang nakapansin.
May panahon na may gusto akong sabihin pero hindi ko nasabi.
Hindi dahil hindi ko alam kung ano. Alam ko. Yun nga yung problema. Alam ko, pero hindi lumalabas.
Nakatayo lang ako, parang normal lang. Walang dramatic na eksena. Walang senyales na may dapat akong gawin. Pero sa loob, parang ang daming nakapila na salita, nag-aagawan kung alin ang dapat lumabas, hanggang sa wala na lang lumabas.
Hindi ko nasabi na gusto ko siya.
Tapos nun, umusad pa rin naman yung araw. Parang walang nangyari. Yun yung parang iba. Sa labas, pareho ka pa rin. Sa loob, alam mong may tinapos ka na hindi mo sinimulan.
Akala ko dati ganun lang yun. Isang pagkakataon lang na hindi mo lang nasabi yung dapat sana.
Pero habang tumatagal, napapansin ko na umuulit.
May mga bagay na gusto kong subukan. Hindi naman sobrang laki. Hindi naman sobrang tindi. Mga simpleng kagustuhan lang sana. Pwede naman.
Pero bago pa man umabante, nandun na agad yung pag-atras.
Kasi paano kung mali.
Kasi paano kung hindi kaya.
Kasi paano kung ako yung problema.
Mas madali kasing huwag na lang.
Walang pagkilos, walang mali.
Pero wala ring nangyayari.
Kapag hindi ka sumubok, walang mali.
Pero wala ring mababago.
Hanggang sa hindi mo na namamalayan, mas marami ka nang hindi sinubukan kaysa sa mga sinubukan mo.
Hindi ito tungkol sa hindi ko nasabi noon.
Mas madalas, ito yung mga bagay na gusto kong gawin pero hindi ko nasimulan, hindi ko naituloy. Yung mga desisyon na sana naging ibang direksyon ng buhay ko, pero hindi umusad dahil nauuna yung pagdududa, yung takot, yung katamaran.
Yung katorpehan na akala ko dati, tungkol lang sa hindi pag-amin sa taong gusto mo, ganun din pala sa ibang parte ng buhay ko. Hindi dahil wala akong kakayahan, kundi dahil mas madali akong manahimik kaysa kumilos.
At doon ko na lang napagtanto na hindi pala ako torpe lang sa pag-ibig.
Torpe pala ako sa mga buhay na pwede ko sanang sinimulan.
It’s really sad knowing that you’re going to leave someday.
Ibang Klaseng Kaklase
May mga kaklase ka sa buhay na hindi mo agad nakikilala bilang kaklase. Hindi sila pare-pareho ng anyo, pero pare-pareho silang may pinagdadaanan na unti-unting humihila sa kanila palayo. Hindi ito nangyayari nang biglaan. Munting sandali lang sa simula, isang pahinga, isang takas, isang subok para lang gumaan ang isip na laging may bigat na hindi maipaliwanag. Sa una, wala namang mali. Hanggang sa hindi mo na napapansin, hindi na pala iyon ang pahinga, kundi simula ng paglayo.
Sa umpisa, ang maliit na pagtakas ay hindi mukhang delikado. Mukha siyang pahinga, mukhang paraan para makatawid sa sandali, mukhang saglit na katahimikan sa isipang maingay. Walang alarma, walang babala, kasi ang unang bisyo laging may itsurang normal. Hanggang sa hindi mo na napapansin na ang “minsan lang” ay nagiging “ulit na naman.” Dito unti-unting nawawala ang preno—hindi biglaan, kundi yung punto na hindi mo na tinatanong kung tama pa ba, kundi kung kaya pa ba kahit mali na.
May kaklase kang hindi na makatulog kung wala ang kinakapitan, may kaklase kang hindi na makatawa nang buo kung hindi muna nakakakuha ng sandaling ginhawa. Iba-iba ang anyo. Alak. Sugal. Droga. Laro. Screen. Pag-ibig. O kahit anong bagay na kayang tumakip sa isip na maingay. Hindi dahil gusto nilang masira, kundi dahil gusto lang nilang tumahimik.
Habang tumatagal, lumalabo na ang linya. Ang mali nagiging “pwede pa” ang sobra nagiging “kontrolado pa naman” ang delikado nagiging “sanay na ako”. Hindi na nila napapansin na ang sarili nila unti-unti nang binabago ng paulit-ulit na pagkapit. May kaklase kang dati klaro ang tingin sa sarili, pero ngayon parang laging may kulang sa likod ng mata niya.
Ang pinakamabigat na bahagi ay hindi ang simula, kundi yung sandali na napagtanto mong siya na pala ang paraan para hindi maramdaman ang sarili. Yung bagay na sumisira, siya na rin ang tanging bagay na nagpapatahimik. May kaklase kang hindi na makausap ang isip niya nang walang ingay, kasi kapag tahimik, mas naiisip at bumabalik lahat ng hindi na niya kayang harapin.
Hanggang sa lumiit ang lahat. Hindi na malawak ang oras; hindi na malinaw ang bukas. Iisa na lang ang umiikot. Isang kinakapitan, isang daloy, isang paulit-ulit na paghawak sa bagay na hindi naman humahawak sayo pabalik, pero hindi mo rin mabitawan. May kaklase kang hindi na umaalis sa parehong lugar, hindi dahil wala nang ibang daan, kundi dahil hindi na niya maalala kung paano lumabas.
Hindi sila biglang nagbago, hindi sila biglang nawala. Unti-unti silang naging ganoon habang normal pa ang lahat sa paligid.
Kasi ang “Kaklase” ay hindi lang sila. Hindi lang ito tungkol sa ibang tao. Ito ay tayong lahat na may kinakapitan na maliit na ginhawa na unti-unting nagiging bitag, na mismo tayo ang naglatag. Maliit na pagtakas na paulit-ulit na naging ugali, at pinanghahawakan na dahan-dahang naging bahagi ng araw-araw na hindi na napigil hanggang sa nagbago na ang buong direksyon ng buhay.
At doon nagiging malinaw ang lahat: hindi sila ang lumayo, tayo mismo ang tumutulak sa sarili palayo. Tahimik lang, araw-araw, hanggang sa hindi na natin napansin na unti-unti na palang lumiit ang mundo natin habang iniisip nating kontrolado pa rin natin ito.
At kung may natitira mang tanong sa dulo, hindi na ito kung sino ang nawala. Ano ang nawala. Bakit nawala. Bakit kumawala.
Kaninong maliit na pagtakas pa ang hindi mo pa tinatawag sa tamang pangalan.
Kaklase
Munting sandali Hindi na muling mapili Kaunting sagi Nakita na bilang pagkakamali
Sa likod ng yaman May nakatagong kalungkutan Hiling na kalimutan Ang tama na mali naman
Kailan mapipigilan Ang sarili na mapagbigyan Baka kapahamakan Ang dulot nitong kapusukan
Nagiba ang pakitungo Pati sa sarili nanlumo Sa mainit napasubo Hindi sigurado sa patungo
Huwag hintayin ang sundo Kahit na hindi magkasundo Kailan man hindi susuko Ang katinuang hindi matino
Sa handog nasakal Panaginip naging matumal Kahit muta walang matanggal Sa kinain na bawal
Antok matatanggal Sa binigay hindi makaangal Nag-iba ang asal Dahil sa bato nakasandal
Sa mga kamay sasabit Mabilis na lalapit Walang ingat mapipiit Mundo mo ay liliiit
Bikini Bottom Friends
Minsan akong naging carefree happy, parang si Spongebob. Ngayon, habang tumatanda, pakiramdam ko, unti-unti akong nagiging grumpy, parang Squidward.
Minsan, naisip tuloy na. Yung cast ng Spongebob SquarePants na kinalakihan natin ay parang mga kaibigan din natin sa totoong buhay.
Spongebob, yung friend na kahit pagod ka na, stressed, o nag-iisip ka pa ng bills, siya yung nagpapatawa sa'yo sa simpleng jokes. Carefree happy siya, parang walang problema sa mundo. Sobrang contagious ng energy niya, kahit sa pinakamalungkot mong araw, napapatawa ka pa rin.
Patrick, yung friend na medyo simple, mababaw ang iniintindi pero puro loyalty. Hindi siya komplikado, hindi mahilig mag-drama. Minsan nakakainis, pero sa gitna ng chaos, siya yung shoulder mo, kahit hindi niya alam paano ayusin ang problema mo. Basta nandyan lang siya.
Squidward, yung friend na medyo grumpy, sarcastic, nakaka-irritate minsan, pero mahalaga. Siya yung reality checker ng grupo. Lagi siyang may comment na nagpapabagsak ng hype, pero minsan kailangan mo siya para hindi ka ma-overshare ng energy mo sa maling tao o sitwasyon.
Mr. Krabs, yung friend na practical, medyo materialistic, pero sa tamang paraan. Laging iniisip yung seguridad, pera, o practicality ng mga bagay. Sa kanya mo nare-realize na hindi lahat puro saya; may mundo rin sa labas ng walang iniintinding joy.
Sandy, siya kaibigan na taga malayong lugar. Yung smart, independent, adventurous. Siya yung type na kapag kasama mo, nai-inspire ka mag-grow, mag-explore, at i-challenge ang sarili mo. Pero minsan, ang layo niya ng aura, hindi lahat ng tao makakasabay sa energy niya.
Plankton, yung friend na laging may plan, medyo cunning, minsan nakaka-irritate pero interesting. Hindi siya predictable, kaya sa kanya mo natutunan na ang mundo minsan ay hindi lang puro jokes at saya, may strategy at tension din.
Gary, yung friend na tahimik, loyal, hindi masyadong expressive, pero laging nandiyan. Kakaiba yung presence niya, kahit hindi ka nakikipagusap ng malalim, ramdam mo na dependable siya.
Larry the Lobster, yung friend na physical, confident, medyo show-off minsan. Siya yung type na nagpapakita ng strength o skill sa grupo, pero sa kanya mo nakikita yung dedication at discipline.
Pearl Krabs, yung friend na malakas sa opinion, medyo drama, pero malambot sa puso. Madalas pinapasok sa energy ng grupo yung excitement o high emotions niya.
Mrs. Puff, yung friend na laging nag-aalala sa safety mo, nagiingat, medyo strict. Minsan nakakainis, pero kailangan mo siya para hindi ka basta-basta mapahamak. At may madilim na nakaraan.
Mermaid Man at Barnacle Boy, yung mga mentors o older friends sa group, nagbibigay wisdom o lessons, kahit medyo quirky.
At sa gitna ng lahat nila, ako, parang naglalaro sa pagitan ng Spongebob at Squidward. Minsan carefree happy, tumatawa sa lahat ng kalokohan. Pero habang tumatanda, nakikita ko sarili ko na unti-unti nagiging grumpy. Napapansin ko yung sarcasm ng Squidward sa sarili ko, yung realism, yung pagka-aware sa problema.
Kahit ganito, hindi ko rin maalis yung mga Spongebob moments sa kanila. Kahit lumalaki na tayo, kahit nagbabago ang mundo, may mga piraso ng simpleng saya at walang iniintinding tawa na bumabalik sa presence nila.
Ikaw, sa tingin mo, sino ka sa kanila?
Fluent in Nighshift
They told us. . . “Study hard so you do not end up answering phones for a living.”
But here we are. College graduates. Former honor students. Working professionals. Speaking better English than our politicians just to say
“I am sorry for the inconvenience, sir.”
Call Center Is the Country’s Great Accidental Gathering Place
You will find everyone here.
The Psych major who can profile a customer’s trauma mid-call. The Nursing graduate who could not get a visa but memorized their QA metrics. The rich kid na naka tatlong course bago nag decide na pera muna, growth later. The loud bakla na may British accent on Mondays, Australian on Fridays. The breadwinner who types “I understand where you are coming from” while hiding past due bills.
Hindi ito dream job. Pero hindi rin ito basta basta.
It is the job that pays your rent, feeds your siblings, and slowly takes your soul one call at a time.
What They Do Not Tell You
The BPO is not just a job. It is a parallel universe where
3AM or 4AM is lunch break. Productivity is counted in mouse clicks and bathroom time. You learn to cry silently between calls, kapag baguhan ka pa. You get shouted at by someone 8000 miles away and still say thank you.
Pero Masaya Rin Kahit Papano
Yes, we joke about it.
We say call center trap yan. We laugh at each other’s fake accents. We tease each other for having a call center barkada na parang kulto sa pantry at smoking area.
But deep down, there is a strange kind of love in it.
You have not really lived until you have
Slept in the sleeping quarters beside a stranger na amoy Lucky Me. Chismisan sa floor habang may crisis tungkol sa metrics. Na promote tapos nag resign two weeks later dahil wala nang thrill. Inampon ng bakla sa wave mo kasi wala kang baon.
So What If This Was Not the Dream
We did not sell out. We just did what we had to.
Because in this country hustle is not ambition. It is survival.
And if you think we are less than just because we take calls at night and speak in accents that are not ours
Maybe you have never known what it feels like to carry an entire family on a headset.
Pinoy Racism
Bale, ang Pinoy Racism… sa kapwa Pinoy lang
Napanood at nabasa ko lang sa internet yung term na “intraracial racism.” Hindi ko siya inimbento. Hindi ko rin siya pinag-aralan nang pormal. Pero nung narinig ko siya, parang may kumatok na pamilyar. Parang hindi bagong konsepto, kundi bagong pangalan lang sa luma nang ugali.
Sabi doon, posible daw maging racist ang isang tao sa sarili niyang lahi. At sa Pilipinas, hindi ito mahirap hanapan ng halimbawa. Hindi ito yung klasikong racism na iniisip ng karamihan. Walang lahing ibang tinatamaan. Sariling atin ang target.
May hierarchy kahit pare-pareho tayong Pilipino. Kulay ng balat. Punto ng salita. Lugar na pinanggalingan. Antas ng buhay. Maputi ka, may lamang ka. Moreno o maitim, may kasunod na biro o duda. Galing ka sa Maynila, parang default na “mas may alam.” Galing ka sa probinsya, parang may kailangang patunayan.
Hindi ito laging lantaran. Minsan biro lang. Minsan “ganun talaga.” Pero paulit-ulit. At dahil paulit-ulit, nagiging normal.
At dahil dyan, napaisip tuloy ako. Hindi na sa nalaman ko, kundi sa nakikita at napapansin.
Habang malaya tayong maghusga sa kapwa Pilipino, iba ang kilos natin sa banyaga. Biglang may control. Biglang may effort. Biglang may kabaitan na halos scripted.
Hindi ko sinasabing peke lahat. Pero hindi rin siya ganap na natural.
Parang may silent agreement: Kapag banyaga ang kaharap mo, dapat mabait ka. Dapat magalang ka. Dapat ipakita mo na “ganito ang Pilipino.”
Kasi kapag umuwi siya sa bansa niya at nagkuwento, hindi lang ikaw ang nire-represent niya. Buong Pilipinas.
Kaya ang nangyayari, nagiging parang walking advertisement ang Pilipino. Hindi lang tao, kundi promo material.
“Punta kayo sa Pilipinas, mababait kami.”
Hindi mo man sabihin nang direkta, pero nandun yung intent. Parang sales talk na hindi mo inamin sa sarili mo.
At syempre, may kapalit iyon. Turismo. Opportunity. Good image.
Samantalang sa kapwa Pilipino, wala namang kailangang i-maintain na imahe. Kilala ka na. Kilala mo na sila.
Kaya doon lumalabas yung totoo.
Doon ka malayang manghusga. Doon ka hindi nagfi-filter. Doon mo nilalabas yung standard mo, kung sino ang “lamang” at kung sino ang “kulang.”
Hindi lahat ng Pilipino ganito. May mga taong patas. May mga hindi tumitingin sa kulay o pinanggalingan. May mga hindi kailangang mag-adjust depende sa kausap.
Pero hindi rin maikakaila na may pattern.
At minsan, ang pinaka-ironic na parte nito ay hindi tayo bastos sa ibang lahi, pero nagiging malupit tayo sa sarili natin.
Parang mas kaya nating respetuhin ang hindi natin kapareho, kaysa sa kapwa natin.
Siguro kasi sa banyaga, wala tayong comparison. Sa kapwa Pilipino, puno tayo ng sukatan.
Sa dulo, hindi ito simpleng usapan ng pagiging mabait o hindi.
Mas malalim siya doon.
Kasi kung ang kabaitan mo ay nakadepende sa kung sino ang kaharap mo, hindi na siya kabaitan.
Isa na siyang sistema.
Balik Tanaw: Emo Era, Rakista, at mga Millennial
May paraan ang nostalgia na sumabay sa tibok ng puso. Sa amin na lumaki sa pagitan ng analog at internet age, nagsisimula ito sa simpleng eksena. Magbukas ka ng Friendster profile at may tumutugtog na kanta sa background. Pinili iyon ng kaibigan mo o mismong track na nagsisilbing mood ng araw. Sa MySpace naman, mas maingat ang pagbuo ng sarili. Profile picture, Top 8 friends, at playlist na parang diary ng emosyon. Sa madilim na gig halls o sa sulok ng kwarto habang nakikinig ng 128kbps MP3s, malinaw na ang emo ay hindi lang genre. Isa itong estado ng isip, social signal, at araw araw na ritwal. Naka black ang damit, nakasulat ang lyrics sa notebook, at pilit inuunawa ang sarili habang unti unting tumatanda.
Sa international scene, ang MySpace age ay pinangungunahan ng mga bandang naghahalo ng melody at chaos. Saosin, Senses Fail, Silverstein, Eyes Set to Kill. Sila ang soundtrack ng sleepless nights at heartbreak na parang sabay sabay nararanasan sa iba ibang sulok ng mundo. Kapag tumama ang kanta sa tamang sandali, parang sumasabay ang emosyon sa lakas ng tunog. May pakiramdam na ang pagsigaw ng lyrics sa loob ng kwarto ay lehitimong paraan ng paghinga.
Sa Pilipinas, may sariling anyo ang eksena. Ang rakista culture ay humalo sa tunog ng Typecast, Chicosci, Urbandub, Saydie, at Valley of Chrome. Hindi lang simpleng tugtugan ang dating nila. Parang personal na sulat ang bawat riff at bawat linya ng kanta. Ang emo at post hardcore wave ay sumanib sa lokal na rock scene. Malakas ang enerhiya, diretso ang emosyon, at may rawness na parang ang bawat gig ay lihim na pagtitipon ng kabataan.
Hindi lang ito tungkol sa musika. Isa itong kolektibong identity. Nakikilala mo ang tribe mo sa band shirts at worn out na Converse. Sa playlists na pinapasa sa forums. Sa mga debate kung Silverstein o Thursday ang tunay na soundtrack ng high school mo. Ang MySpace profile ay nagsilbing diary, curator ng taste, at maliit na social experiment. Mahalaga ang bawat detalye. Gig posters sa dingding, burned CDs at mixtapes na ginawa para sa crush o kaibigan, playlists na paulit ulit pinaandar, blog entries sa Angelfire at Xanga, Sasuke haircut experiments, black eyeliner bago ang gig, midnight MSN chats tungkol sa banda o heartbreak, at concert tickets na hindi mo kayang itapon.
Para sa maraming Pinoy millennials, formative ang panahong ito. Hindi mo lang pinapakinggan ang musika. Bahagi ito ng paraan mo ng pamumuhay. Nandoon ang urgency ng pagiging bata, frustrated, at hopeful sa mundong tila masyadong mabilis gumalaw. Kahit instant na ang internet ngayon, may kakaibang charm noon sa paghihintay. Hinihintay ang bagong album release. Nadidiskubre ang banda sa CD ng kaibigan. Tinitingnan ang Top 8 ng mga kakilala. Paulit ulit na chine check ang band pages sa MySpace, PureVolume, o Last.fm.
May humor din kapag binalikan. Nakakatawa ang ilan sa mga desisyon namin noon. Sobrang seryosong usapan tungkol sa screamo at post hardcore. Ang maingat na pag curate ng blog page. Ang Sasuke haircut na halos pare pareho sa buong tropa. Pero totoo ang lahat ng iyon. Bahagi iyon ng paghubog sa amin. Hindi perpekto ang eksena. May mga banda na isang EP lang ang inilabas at nawala. May lyrics na minsan walang malinaw na kahulugan. Minsan sobra rin ang drama. Pero para sa amin, iyon ang totoong mundo.
Bawat banda ay may sariling soundtrack ng sleepless nights, gig posters, black eyeliner sessions, Sasuke haircut memories, burned CDs at mixtapes, obsessive lyric copying, Angelfire at Xanga blogs, midnight MSN chats, concert tickets, at playlists na paulit ulit pinaandar. Isang panahon ng nostalgia, identity, at paghahanap ng sariling tribe, parang snapshot ng MySpace at emo era na sabay sabay naming naranasan.
Kapag inaalala ngayon ang Friendster at MySpace era at ang rakista bands ng 2000s-2010s, hindi lang ito simpleng nostalgia. Paalala ito kung paano hinanap ng isang henerasyon ang sarili sa tunog ng gitara at ingay ng crowd. Natutunan namin na minsan ang pinakamalakas na boses ay hindi galing sa entablado kundi sa tahimik na kwarto kasama ang mga taong nakakaintindi.
It's not a phase. It's a lifestyle.
100 Reasons Why No.5
Ang tanga tanga ko. Bakit?
Ito yung klase ng tanong na hindi naghahanap ng sagot kundi pag amin lang sa sarili.
Pinili kong maghintay kahit alam kong hindi darating.
Naniwala ako sa mga salitang hindi sinabi.
Umasa ako sa taong sanay umatras.
Tinanggap ko ang konting effort na tinawag kong malaking bagay.
Nagbigay ako ng sobra kahit kulang na ako.
Pinilit kong mahalin yung taong hindi handa.
Ginamit ko ang humor para takpan yung sakit sa puso.
Hinayaan kong paulit-ulit akong masaktan.
Tinawag kong loyalty ang paulit-ulit na pagkakamali.
Nag-expect ako sa taong hindi marunong magbalik.
Naghintay ako sa text na alam kong hindi darating.
Tinanggap ko yung crumbs na parang kumpletong pagkain.
Nagpatawad ako kahit hindi ko na dapat.
Pinili kong manatili kahit familiar sa sakit.
Hinayaan kong mawala ang sarili ko sa relasyon.
Naniwala ako sa potential kaysa sa actual.
Pinilit kong baguhin ang taong hindi ko dapat baguhin.
Hinintay ko ang reply kahit alam kong hindi na darating.
Tinawag kong chance ang paulit-ulit na opportunity na mali na.
Nag invest ako sa taong hindi invested sa akin.
Nag-overthink ako sa simpleng desisyon.
Pinili kong huwag makinig sa gut feeling ko.
Naniwala ako na mas madali magmahal kaysa mag-heal.
Hinayaan kong maubos ang sarili ko para sa iba.
Pinilit kong maging okay kahit hindi ako okay.
Tinawag kong patience ang paulit-ulit na pagod sa sarili.
Naniwala ako na kailangan kong itama ang lahat kahit hindi sa akin.
Pinili kong mag-adjust sa gulo kahit wala akong kasalanan.
Nag-joke ako para itago ang lungkot.
Hinayaan kong masanay ako sa bare minimum.
Nag-settle ako sa less kahit gusto ko ng higit.
Naniwala ako na normal lang yung kulang sa sarili ko.
Pinilit kong lumaban sa bagay na hindi ko kontrolado.
Hinayaan kong ma-overwhelm sa stress na puwede namang iwasan.
Tinawag kong courage ang pagiging needy sa tamang tao.
Naniwala ako sa sarili ko kahit hindi ako naniniwala.
Pinilit kong magpakita ng lakas kahit natatakot ako.
Hinayaan kong ma-pressure sa expectations ng sarili.
Pinili kong umasa sa pagbabago ng sarili ko.
Naniwala ako na kailangan kong tiisin ang sakit para matuto.
Nagtrabaho ako beyond limit kahit exhausted na.
Pinilit kong tapusin ang project kahit walang appreciation.
Hinintay ko ang approval kahit obvious na tama na.
Tinawag kong professionalism ang overtime na puwede namang i-decline.
Hinayaan kong akuin ang mistake ng iba.
Pinilit kong maging polite sa toxic coworker.
Naniwala ako na kaya kong ayusin ang chaos ng team.
Hinayaan kong maging mediator sa gulo sa trabaho.
Pinilit kong mag-explain sa taong ayaw umintindi.
Naniwala ako na kailangang maayos ko ang mali kahit hindi ko kasalanan.
Tinanggap ko yung workload na sobra sa kaya ko.
Pinilit kong i-prioritize ang needs ng boss kaysa sarili ko.
Hinayaan kong ma-delay ang sariling break para sa team.
Naniwala ako na dapat ko silang tulungan kahit puwede na silang humingi sa iba.
Pinilit kong tapusin ang task na paulit-ulit lang.
Hinayaan kong mawala ang oras para sa sarili ko.
Tinawag kong sacrifice ang pagiging burnt out.
Pinilit kong mag-improve kahit walang feedback.
Naniwala ako sa maliit na acknowledgment na hindi worth it.
Hinayaan kong ma-stress sa unnecessary na bagay.
Tinanggap ko ang unwanted advice kahit ayoko.
Hinayaan kong ma-pressure sa expectations ng pamilya.
Pinilit kong makisama sa toxic na kaibigan.
Tinawag kong compromise ang paulit-ulit na effort sa harmony.
Naniwala ako na kailangan kong mag-adjust sa lahat.
Hinayaan kong mapahiya sa group kahit mali sila.
Pinilit kong makinig sa hindi ko gusto.
Naniwala ako sa social norms kahit nakakasakit.
Hinayaan kong mawala ang sarili ko sa grupo.
Pinilit kong maging mediator sa family drama.
Naniwala ako sa mga expectations ng society.
Hinayaan kong i-ignore ang sarili ko para sa crowd.
Pinilit kong sumunod sa plan kahit gusto ko mag-stand out.
Naniwala ako sa small talk kahit boring.
Hinayaan kong mabitin sa conversation.
Pinilit kong tapusin ang event kahit uncomfortable.
Naniwala ako na dapat laging maging polite sa lahat.
Hinayaan kong mawala ang sariling opinion sa group.
Pinilit kong ngumiti kahit ayaw.
Naniwala ako na dapat laging mag-adjust sa iba.
Pinili kong maghintay sa traffic kahit late na.
Hinayaan kong ma-frustrate sa slow internet.
Pinilit kong tapusin ang long queue sa grocery.
Naniwala ako na dapat ayusin ko yung minor mistake kahit maliit.
Hinayaan kong ma-late sa meeting kahit puwede agad.
Pinilit kong tapusin yung tedious na task sa bahay.
Naniwala ako sa simpleng effort na hindi worth it.
Hinayaan kong ma-delay ang sarili ko sa unnecessary na bagay.
Pinilit kong umayos sa lugar na hindi komportable.
Naniwala ako sa advice na walang sense.
Hinayaan kong ma-stress sa minor inconvenience.
Pinilit kong sundin ang rules kahit absurd.
Naniwala ako sa small gesture na hindi meaningful.
Hinayaan kong mapahiya sa public kahit hindi ko kasalanan.
Pinilit kong makisama sa awkward na situation.
Naniwala ako sa hype ng ibang tao kahit hindi ko gusto.
Hinayaan kong ma-overthink sa minor na bagay.
Pinilit kong mag-adjust sa weather, sa noise, sa discomfort.
Naniwala ako sa unnecessary na worry.
Hinayaan kong maging tanga sa sarili ko kahit alam kong mali na.'
Sulat lang ako ng sulat kahit alam kong wala namang nagbabasa bukod sa sarili ko.
Syempre hindi lahat ng katangahan nagawa ko at naranasan. Kung trip mo, pwede mong dagdagan kahit lagpas na isang daan.
Bago Magdesisyon
May nabasa lang ako sa internet. Simple lang. Hindi seminar. Hindi therapy session.
Bago ka gumawa ng desisyon. Bago ka mag-react. Bago mo sabihang tanga ang sarili.
Mag pause ka muna.
HALT. Bilang: Hungry, Angry, Lonely, at Tired
Hungry
May mga pagkakataon na galit ka na agad. Naiinis ka sa maliit na bagay. Maingay ang mundo. Lahat parang mali.
Tapos maya maya, kakain ka. Biglang hindi na ganoon kabigat.
Hindi lahat ng galit ay prinsipyo. Minsan mababa lang ang blood sugar mo.
Kapag gutom ang katawan, bumababa ang pasensya. Lumiliit ang tolerance. Ang akala mong malalim na sama ng loob, minsan energy lang ang kulang.
Angry
May galit na hindi sumisigaw.
Nakatago sa likod ng biro. Nasa tono ng sagot mong okay lang. Nasa dibdib na matagal mo nang hindi binubuksan.
Kapag hindi mo siya kinilala, hahanap siya ng ibang lalabasan. Maliit na pagkakamali ng iba, pero malaki ang reaction mo.
Hindi ka baliw. May kinikimkim ka lang.
Lonely
Pwede kang napapalibutan ng tao, pero wala ka pa ring makausap tungkol sa totoo.
Kapag walang nakakarinig sa bigat mo, mas lumalaki ito sa loob ng ulo mo. Ang simpleng problema nagiging permanenteng pakiramdam.
Minsan hindi mo kailangan ng solusyon. Kailangan mo lang ng saksi.
Tired
Ito ang pinaka delikado.
Kapag kulang sa tulog, lumalabo ang judgment. Ang desisyong dapat pag-isipan bukas, gusto mong tapusin ngayon.
Ilang relasyon na ba ang nasira dahil pareho lang kayong pagod.
Ilang salitang hindi na mababawi ang nasabi dahil kulang sa pahinga.
Tandaan: Lamang ang may pahinga.
Bago Magdesisyon
HALT ay hindi nagsasabing ilusyon lang ang problema mo.
Ngunit bago ka gumawa ng desisyon, bago ka mag-react, bago mo sabihing tanga ang sarili, tanungin mo muna:
Kumain ka na ba? Gutom kaba? May galit ka bang hindi mo hinaharap? May kausap ka ba? O may nakakausap ka ba? Nakakatulog ka pa ba? Nakatulog ka ba?
Kapag nasa HALT ka, delayed ang clarity. Yung urgency na nararamdaman mo minsan symptom lang ng pagod o gutom.
Hindi lahat ng pagkakamali ay katangahan.
Minsan gutom ka lang. Minsan pagod ka lang. Minsan kailangan mo lang ng kasama.
HALT muna.
Baka hindi ka wasak. Tao lang tayo na may mga pangangailangan na hindi napapansin.
Walang Dala
Paulit ulit akong nangangako sa sarili ko. Na bukas iba na. Na sa susunod mas matibay na. Na hindi na ako magpapadala. Pero pagdating ng sandali, pareho pa rin ang reaksyon. Pareho pa rin ang pag iwas. Pareho pa rin ang pagkapit sa mga bagay na alam kong hindi naman talaga nakakatulong.
Doon ako naiirita. Hindi dahil mahina ako. Kundi dahil alam ko na dapat mas alam ko na. Ilang beses ko na itong dinaanan. Ilang beses ko na itong sinulat. Ilang beses ko na itong inamin. Pero heto pa rin ako. Umiikot. Parang walang natutunan.
Parang dumaan lang ang lahat. Parang binangga ako ng buhay paulit ulit, pero wala man lang naiwan. Walang aral. Walang marka. Walang dalang kahit ano. Para akong umalis sa giyera na walang sugat pero walang natutunan kung paano umiwas sa bala.
Ang dami ko nang maling desisyon. Ang dami ko nang sinayang na pagkakataon. Ang dami ko nang binayaran. Pero tuwing babalik ako sa simula, para pa rin akong walang karanasan. Walang baong karunungan. Walang dalang babala. Parang hindi ko man lang pinulot ang mga piraso ng sarili ko sa bawat pagbagsak.
Siguro ito yung mas masakit aminin. Hindi lang ako nasaktan. Hindi lang ako nagkamali. Kundi parang wala rin akong nakuha. Parang hindi naging puhunan ang sakit. Parang hindi naging guro ang pagkakamali. Dumaan lang. Tapos iniwan akong pareho pa rin.
Siguro ganito talaga kapag paulit ulit kang nasanay sa sakit. Nagiging ingay na lang siya. Hindi na leksyon. Hindi na paalala. Isang background lang habang nagpapatuloy ka sa parehong direksyon.
Hindi pa ako nagbabago. Totoo. Pero hindi na rin ako yung dati na hindi umaamin. At minsan, sapat na muna iyon para magpatuloy.
At sa huli, naiinis ako sa sarili ko sa tuwing naaalala ko na hindi pa rin pala ako nagbabago.
Fortes Furtuna Adiuvat
Ang pagkakataon ay laging pinagbibigyan ang hindi sumusuko. Maiisipan mo nalang talaga na sumuko kapag madalas hindi sang-ayon sayo ang pagkakataon. Tipong kahit anong pilit at sikap, kahit anong gawin, mali lagi ang bagsak. Ika nga e "Kinantot ka ng malas", Kapag ang buhay parang may sariling trip at ikaw ang paboritong paglaruan. Sa mga ganitong sandali, hindi kakulangan ng lakas ang dahilan ng pagsuko. Kadalasan, pagod lang. At minsan, takot na maulit ang sakit. Rest if you must, but don't you quit. May mga pagkakataong aaminin mo sa sarili mo na naging tanga ka. Hindi dahil wala kang alam. Kundi dahil pumili ka. Mali ang desisyon, mali ang tiyempo, mali ang tinayaan. Ang katangahan ay hindi kakulangan ng isip. Katangahan ang maling pagpili kahit alam mong may kapalit.
At mahalagang linawin iyon. Hindi ka bobo. Dahil alam mo kung saan ka nadapa. Alam mo kung anong parte ng sarili mo ang nasobrahan sa tiwala. Sumugal ka. Hindi ka nagbulag bulagan. Tinanggap mo lang ang posibilidad ng talo kapalit ng tsansang manalo.
May pagkakaiba ang taong walang alam sa taong may alam pero piniling sumubok. Ang una, naligaw. Ang pangalawa, naglakad kahit walang kasiguruhan. At sa mundong ito, walang umuusad nang hindi tumataya. Walang nananalo nang hindi handang matalo.
Darating ang punto na hindi mo na kailangang ipagtanggol ang sarili mo sa bawat pagkatalo. Naiintindihan mo na kung alin ang kontrolado mo at alin ang hindi. Ang talo ay hindi hatol. Datos lang. Ang sakit ay hindi sumpa. Bahagi lang ng proseso.
Kapag natuto kang manatiling tuwid sa gitna ng gulo, hindi dahil matigas ka kundi dahil malinaw ka, doon nagbabago ang lahat. Hindi ka umaasa sa palakpak. Hindi ka rin nababasag sa panghuhusga. Tinutuloy mo lang ang lakad. Tahimik. Diretso. Walang paawa.At oo, habang ginagawa mo iyon, may mga taong tatawa. May mga manghuhusga. May mga magsasaya sa tuwing nadadapa ka. Hindi mo na kailangang sagutin. Hindi mo na kailangang ipaliwanag ang sarili mo. Dahil sa huli, malinaw din naman kung sino sila. May ilan pa na magsasabing "work smart" lang daw. Kaso hindi lahat smart. Paano na? Edi idaan natin sa "work hard". Kumabaga kung hindi makuha sa unang tira, umulit lang ulit. Habang may pagkakataon bilang ang pagkakataon din naman ang kumukontra.
Ayos lang na pagtawanan at husgahan ng ibang tao ang pagkakamali mo. Kahit papaano ay napasaya mo sila, at nalaman mo kung sino ang mga tangang lumiligaya sa pagdurusa ng iba.
Ligaw na Pota
Minsan nakakatuwang isipin at nakakagaan ng kaluluwa. Kapag may mga taong hihinhi ng payo. Dahil alam niyang dinanas mo ang pinagdadaaan nila. Pero kapag may taong lumalapit sa akin para sa payo, opinyon ko lang ang sinasabi ko. Sino ba naman kasi ako? Hindi ko nga matulungan ang sarili ko. Marami pa akong problema na wala akong balak ayusin. Marami akong karanasan na hindi pinagdaan, pero dinaan ko lang. Hinahayaan ko lang na parang tae sa inodoro na hindi na buhusan dahil hindi nakapagbayad ng tubig. Kinagulat ko lang na may taong minsang nagbukas na naliligaw daw siya. Gusto ko sanang samahan pero hindi ko alam yung gusto niyang puntahan. Magmula nun, lagi na siyang sumama sa akin. Ewan ko lang kung totoo, pero sabi niya. Kakasama niya sa akin ay nalaman niya kung saan ba dapat pumunta. Hindi kailangan pero nagpasalamat siya sa akin. Pero pinakisamahan ko lang naman siya kahit halos wala ang pinagsamahan namin. Hindi man niya pinaalam sakin ang paglisan niya. Pero sobra na sapat ang pasasasalamat. Kahit wala nang naging paalam. Hindi nag bye-bye kahit magkababayan. At sa huli, hindi lang pala siya ang naliligaw, pati din pala ako. Naliligaw siya dahil hindi niya alam kung saan ba talaga pupunta. Hindi niya alam kung ano ba dapat ang gawin niya sa buhay. Ako? Naliligaw din ako. Hindi ko alam kung paano lumabas sa pinasukan ko. Nananatili akong nakatenga. sa lahat ng malayo na ang narating ako yung hindi umusad. Kasi ganun padin ako. Laging kong iinisip na wala dapat sisihin sa nangyari at kinalagyan ko. Dahil wala akong pinagisihan dapat ako ang dapat sisihin. Sa totoo lang alam ko naman talaga ang direksyon patungo sa tuwid na daan, pero hindi ko alam kung takot, hiya, o sarili ko lang talaga ang hadlang para tahakin yun. Hindi naman sa wala na akong magagawa. Pero pinili ko paring maglakbay at magbantay sa baluktot na daan. Para harangan ang mga naliligaw. Pipiliting itaboy para hindi nila malakaran ang aking mga ng hindi sila makadaaan sa maling paraan. Tamad ako,hindi ako Bayani, wala akong kakayahan na maglitas. Pero walang kailangang iligtas kung kayang ituro kung paano umiwas.