Doon mo malalaman na tapos na
Pag binitawan mo na ang panulat Na sabay nating hinawakan Upang isulat ang bawat kabanata Ng mga bagay na naging ikaw, ako. Tayo. Kahit na ang mga bagay na kahit kailan Ay hindi magiging ikaw at ako. Tayo.
Mabilis isulat ang tuldok Ngunit noon ay pinipili natin Dugtungan ang bawat pagbagsak Ng ating panulat ng maliit na guhit Upang ito ay maging kuwit, Tanda na ang ating istorya Ay hindi pa umaabot sa sukdulan
May mga panahon na lumuluwag Ang iyong kapit at nababawasan Ang diin ng pagsulat sa bawat Letra, salita, pangungusap at pahina Ng kung sino ka, ako, tayo Doon naging malinaw sa akin Na unti unti tayong lumalabo
Oo. May mga panahong ganon
Pero pinili mong kumapit; Muling humawak sa panulat Ng ating kwento pero ngayon Ngayon --
Ang bawat tuldok sa dulo Ng ating mga pangungusap Na noon ay nababalot ng tamis Ay naging mga saksak na papatay sa'yo
Ang mga kuwit na dapat Ay magtutuloy ng ating kwento Ay nagbabadyang maging tuldok Ngunit pinili mong dugtungan At ito ay naging hiwa sa iyong puso; kaluluwa
Kaya't eto tayo ngayon. Ikaw at ako. Humawak ng magkaibang panulat Para isulat ang ati -- Hindi Para isulat ang kwento kung saan Merong ikaw at -- Hindi Isulat ang kwento natin -- Hindi rin Kwento mo na lang Kwento ko na lang Di na ikaw at ako. Tayo. Ikaw na lang. Ako na lang.















