Kabataan, ano na ang nangyayari sa atin?
Sa kasalukuyan, ang mga kabataan ay nakakaranas ng mental disorders. Halimbawa na lamang nito ay ang depresyon, anorexia at anxiety o pagkabahala. Maituturing itong isang sensitbong talakayin sapagkat maraming aspeto ang maaaring maapektuhan dito. Sa katunayan, ang sanhi ng pagkakaroon nito ay ang pagiging stressed sa kanilang mga ginagawa o di kaya’y hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga taong nakaksalimuha nila. Maaari rin dahil sa pressure sa kanilang mga ginagawa sa buhay—ito’y magmula man sa pamilya, sa eskwela, sa sarili o di kaya’y sa kanilang kinabukasan. Dahil dito, mas lalo silang nahihirapan na magkaroon ng sariling desisyon at harapin ang problemang ibinabato ng mundo.
Base sa health information website na healthline, malaki ang pinagkaiba ng pagiging depressed at ng pagiging malungkot. Ang pagiging malungkot ay isang emosyon na nagtatagal lamang ng ilang araw, habang ang depression naman ay maaaring maapektuhan ang ibang aspeto ng iyong buhay at ito ay may matagalang gamutan. Kapag dumaranas ang isang tao ng depression, maaari itong umabot sa pagkakaroon ng suicidal thoughts, na maaaring humantong sa pagpapatiwakal. Marami na ring naitalang insidente ng suicide, hindi lamang sa ating bansa, kundi na rin sa buong mundo. Kadalasan na naitatalang gumagawa nito ay mga kabataan. Ayon sa datos, ang mga bata na nasa edad na 10-14 ang namamatay dahil sa suicide at karamihan ng mga nagtatangka nito ay mga kalalakihan.
Bilang isang responsableng mamayanan, kailangan natin maging may alam tungkol dito. Hindi dapat natin hinahayaan na umabot sa ganito ang sitwasyon ng ating kabataan, sapagkat naniniwala tayo sa kasabihan na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Paano na lamang kung nangyayari ito sa lahat ng mga kabataan? Sino na ang sasalba sa ating bumabagsak na bayan? Kailangan na natin buksan ang ating mga mata at isipan. Huwag na natin pairaliin ang ating pagiging mataas. Ugaliin natin silang kamustahin at kung mayroon namang hindi pagkakaunawaan ay dapat idaan sa mabuting usapan. Huwag natin sila bigyan ng mas lalong mabibigat na kargado sa buhay. Panatilihin natin silang gabayan tungo sa magandang kinabukasan. Dapat hindi natin gawing katatawanan ang ganitong problema sapagkat hindi madali ang kanilang pinagdaraanan. Mabilis ang paglipas ng panahon. Kailangan nating ipakita ang pagmamahal natin sa ating mga mahal sa buhay habang maaga pa. Bigyan natin sila ng halaga at pag-aaruga sapagkat hindi natin alam hanggang kailan tayo mabubuhay sa mundong ibabaw. Mas mabuti nang ibigay mo ang lahat kaysa magsisi ka kapag huli na.
Kaya ikaw kaibigan, kamusta ka?












