Gender Identity: The Objective Reality
Makikita sa mga nakaraang blog post na aking binabanggit ang mga salitang “…karaniwang tingin ng lipunan sa mga lalaki…” o “…ayon sa [o] kay” o 'di kaya “…pansariling karanasan…” sa bawat banggit o pagtalakay sa masculinity. Ginagawa ko ito 'pagkat gaya ng nabanggit, bagaman malaki ang naipahihiwatig ng bawat pahayag o konsepto ukol sa konsepto ng masculinity, tila walang tiyak na kasarian ang bawat konsepto; lahat ng ito’y gawa-gawa lamang ng lipunan. Hindi natin lubusang mauunawaan ang reality ng masculinity, at sa kabuuan, ang gender identity, 'pagkat nakikita lamang natin ang mga konseptong ito sa parameter ng perception na siyang umaasa sa kung paano natin nakikita ang mundo, at sa proseso ng pagtingin sa mundo, mayroong bias na nabubuo: sapagkat taglay ng mga lalaki ang mga mas kanais-nais na mga katangian ng mundo, nagkakaroon ng binary opposition sa mga lalaki at babae na may pagkiling sa mga lalaki sa diskusyon ng kung sino ang nangingibabaw. Samakatuwid, hindi tunay ang “reality” na nakatataas ang mga lalaki sa lipunan 'pagkat may bias ang paniniwalang ito. Sa kabilang dako, mayroon ding mga pahayag na may pagkiling sa mga kababaihan, na mas lamang ang mga babae sa mga lalaki.
Sa talaban ng dalawang ideya, nagkakaroon ng overarching na ideya na hindi masculine o feminine ang mga pag-aakalang mayroong tiyak na kasarian ang iba’t ibang katangian, pag-uugali, at mga tungkulin; hindi static ang sex at gender identity, hindi homogeneous o hindi parehas ang mga pananaw ukol sa masculinity (pati na rin sa femininity, at sa gender identity sa kabuuan). Napakaraming papalit-palit at magkakaibang mga kaisipan, konsepto, at pananaw ukol sa sex at gender ang laganap sa kalipunan ngayon.
Masasabi pa ngang performative o performance ang gender, o hindi ang pagiging biological na lalaki o babae sa pagkapanganak ang nagtutukoy sa mga kilos ng isang tao. Sa halip, kinukuha ng isang tao ang mga katangiang pinakamaganda sa parehas na lalaki (bilang halimbawa, ang karaniwang pagiging mas malakas kaysa sa mga babae) at babae (ang karaniwang pagiging mas matiyaga kaysa sa mga lalaki) upang maging isang mabisang miyembro ng lipunan; kaniyang pine-perform ang mga katangiang nangunguna, kapansin-pansin, at kanais-nais sa parehas na lalaki at babae sa kaniyang pang-araw-araw na buhay upang mas maging maayos ang takbo nito.
Sa theatrical release poster ng The Kiss of the Vampire, dalawang babae ang makikita rito, isang bampira, at isang tao. Bagaman biologically, sila’y parehas na babae, hindi tinutukoy ng kanilang pagiging babae ang kanilang magiging aksyon; kanilang isinasantabi ang mga estereotipo ng mga katangian, pag-uugali, at tungkulin sa mga lalaki at babae. Makikita ito sa kanilang mga gesture codes: isang damsel in distress ang babaeng tao (na siyang ginagampanan hindi dahil babae siya, ngunit dahil nasa panganib hindi lamang ang kaniyang buhay kung hindi pati na rin ang buhay ng kaniyang asawa) samantalang agresibo (isang katangiang malimit na nakakabit sa pagiging lalaki) naman ang babaeng bampira.
Sa kabilang dako naman, patunay ang aking mga karanasan sa mga nabanggit na ideya ng gender identity: hindi dahil sa aking pagkalalaki nagmamahal ako ng babae; hindi dahil lalaki ako kaya mahilig ako sa mga larong gumagamit ng baril; hindi dahil hindi ako straight (o sa terminong Pilipino, may pagka-babae) kaya ako mahinhin; hindi dahil hindi ako straight kaya ako maarte sa aking gamit. Layunin ko sa paggawa ng mga aksyong ito ang pag-perform ng aking tunay na sarili, at ang pag-perform ng iba’t ibang katangiang sa tingin kong makatutulong sa pang-araw-araw.
Samakatuwid, masasabi nating hindi ang pagbibigay binary opposition na siyang magtatakda sa pagkalalaki ng isang lalaki ang papel ng konsepto ng masculinity, kung 'di ang pagbunyag o paglantad ng biases sa pagtingin ng lipunan sa pagiging babae at sa pagiging lalaki, at sa pagbunyag na ito, makikitang walang natatanging kasarian ang mga iba’t ibang katangian, pag-uugali, at mga tungkulin.