Kasabay sa pagbabago ng panahon at pag-usbong ng globalisasyon ay ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Bunga ng patuloy na pag-suporta ng iba’t ibang institusyon, tulad ng gobyerno, at ang impluwensiya nito sa aspirasyon ng mga mamamayang Pilipino, binansagan ang penomenang ito bilang “kultura ng migrasyon” sa Pilipinas (Asis, 2006). Bagama’t marami nang pag-aaral tungkol sa kontribusyon sa ekonomiya (McKay, 2010; Siar, 2014; Tullao, 2006; Semyonov & Gorodzeisky, 2005), mga nararanasang abuso (Sancho-Liao, 1993; Palmes, 2013; Anderson, 2010), pamilya (Asis, 2002; Cortes, 2013), at pangkabuuang karanasan (Manzano, 2014; Fernandez & Krootjes, 2007; Aguilar, 1999) ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) mayroon pa ring pagkukulang sa pagsusuri, partikular na ang mga Pilipinong Certified Public Accountant (CPA), sa mga salik na nakaaapekto sa kanilang pangingibang-bansa.
Sa ngayon, makikita kung papaano umiral ang larang ng pagtutuos o accounting sa bansa. Ayon kay Joel Yan-Torres, ang tagapangulo ng Board of Accountancy (BoA) of the Professional Regulatory Commission, umaabot nang pitong libo limang daan (7,500) hanggang walong libo (8,000) ang nakapapasa at nakakukuha ng lisensya sa larang na ito taon-taon. Noong Nobyembre 2016 sa seremonya ng pagsasampa ng panunumpa sa Philippine International Convention Center (PICC), kanyang inilahad na mula sa bilang na ito, tunay ngang ang bansang Pilipinas ang mayroong pinakamalaking dami ng mga nagagawang CPA sa rehiyon.
Sa pagtaas ng bilang na ito ay ang pasulong din ng demand para sa propesyon na ito—hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi pati na rin sa mga dayuhang bansa, sapagkat natutugunan ng mga kakayahan at kahusayan ng ating mga CPA ang kanilang mga pangangailangan. Kaya naman kaakibat ng hindi tumitinag na demand ng mga dayuhang bansa para sa propesyong ito ay ang pangangailangan ng bansa na mag-produce ng sapat na mga CPA upang matugunan at masabayan ang demand na ito, at para na rin maiwasan ang shortage ng propesyong ito sa bansa.
Hinahangad ng kasalukuyang photoblog ang sumusunod: Una, alamin ang mga oportunidad at suliranin na kinahaharap ng industriya ng pagtutuos sa Pilipinas, na siyang maaaring humihikayat sa mga ito upang mangibang-bansa; Ikalawa, tukuyin ang mga kakayahan at kahusayan ng mga Pilipinong CPA na hinahanap at tumutugon sa pangangailangan ng mga taga-pagempleyo ng mga karatig na bansa; Ikatlo, ilahad ang mga bansang mayroong pinakamaraming bilang ng nagtatrabahong Pilipinong CPA at; Ikaapat, suriin ang iba’t ibang epekto ng pangingibang-bansa ng mga Pilipinong CPA sa ekonomiya ng bansa. Kinakailangan ang pag-aaral na ito sapagkat tunguhin nitong makatulong sa pagdedesisyon ng mga CPA sa kasalukuyan, mapaunlad ang kaalaman ng mga mag-aaral na kumukuha ng kursong may kinalaman dito, at maipabatid sa gobyerno ang presensya ng lumalaganap na suliranin na ito upang ito’y mabigyan pa ng mas malawak na pansin at mas epektibong solusyon.
Ang pagtutuos ay kilala bilang isang propesyon na mahirap tahakin dahil sa mga pagsubok na kinakailangan lampasan hindi lamang sa pag-aaral ngunit hanggang sa pagpasok at pananatili sa industriyang ito. Ang mga CPA ang gulugod ng mga negosyo na gumaganap ng malaking papel sa ating ekonomiya. Kaya naman, sa photoblog na ito, partikular nitong saklaw ang mga maaaring rason na nakaiimpluwensya sa pangingibang bansa ng mga Pilipinong CPA; at kung ano ang maaaring implikasyon nito—hindi lamang sa kanilang sarili, ngunit sa ibang panlabas na aspekto na bukod pa sa nakapalibot sa kanila at kung paano sila naaapektuhan ng panlabas na pwersa na tumatangay sa kanila upang tahakin ang buhay bilang isang CPA sa dayuhang bansa.
Upang masigurong makakamit ang mga tunguhin ng photoblog na ito, ang mga sumusunod na mga katanungan ay nararapat na matugunan sa pagtatapos ng photoblog na ito:
Ano-ano ang mga oportunidad at suliranin na kinakaharap ngayon ng industriya ng pagtutuos?
Ano-ano ang mga kakayahan ng mga Pilipinong Certified Public Accountants (CPA’s) na hinahanap at tumutugon sa sa pangangailangan ng mga karatig na bansa?
Ano-ano ang mga bansa na may pinakamalaking bilang ng mga Pilipinong CPA?
Ano-ano ang mga salik na nakaaapekto sa pangingibang bansa ng mga Pilipinong CPA?
Ano-ano ang mga apekto ng pangingibang bansa ng mga Pilipinong CPA sa ekonomiya ng bansa?