DISASTER RISK REDUCTION MANAGEMENT
Ikalawang taon ko na sa pagiging isang ganap na kolehiyala at kasabay nito ang pagkuha ko ng kursong National Service Training Program-Civic Welfare Training Service (NSTP-CWTS). Noong Setyembre 18, 2016 nagkaroon kami ng Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Seminar/Worskhop/Training na ginanap sa University of Santo Tomas Tan Yan Kee AVR. Una, binigyan kami ni Ginoong Adrian Romero, propesor ng C-ACCT-13, ng ideya tungkol sa DRRM. Upang aming lubos na maunawaan, pinag-usapan namin ang paksa gamit ang isang masayang paraan, iyon ay sa pamamagitan ng pag-ugnay ng tema sa araw-araw na karanasan ng mga mag-aaral o sa paggamit ng millennial language. Batay sa aking pagkakaintindi, ang sakuna ay isang di-inaasahang pangyayaring hindi maiiwasan ng tao dahil bawat lugar ay may dala-dalang panganib o potensyal na makasakit ng indibidwal. Kaya naman kailangan nating malaman ang mga kahinaan at kakayahan ng ating pook upang maging handa at mabawasan ang dalang panganib ng lokalidad. Ikalawa, nagkaroon kami ng gawain hinggil sa mga kahinaan at kapasidad ng aming barangay. Itong aktibidad ay aming ginawa kasama ng sari-sarili naming mga grupo.
Pinagsama namin ang aming mga naisulat at dinikit ito sa isang manila paper upang ilahad sa iba pa naming mga kaklase.
Sa aking palagay ay pinagawa ito ng aming guro upang maiugnay ang aming tinalakay sa totoong buhay. Napagtanto namin na may mga pagkakatulad at pagkakaiba ang bawat barangay sa mga kahinaan at kakayahan nito. Ikatlo, naglaro ang buong klase ng “Bahay-Tao-Bagyo” na kung saan may dalawang taong magiging bahay at ang isa ay nasa gitna o loob ng itatayong bahay. Kapag sinabi ng taya na “bahay,” lahat ng mga taong nagsilbing bahay sa oras na iyon ay dapat humiwalay sa sari-sariling mga kasama upang humanap ng ibang kapares na bahay. Kapag naman sinabing “tao,” lahat ng mag-aaral na nasa loob ng kani-kanilang mga bahay ay dapat umalis doon upang humanap ng panibagong masisilungan. Kapag naman sinabing “bagyo,” lahat ay dapat umalis sa kani-kanilang mga pwesto at maaari silang maging bahay o tao. Ang mag-aaral na mabigo sa paghanap ng bagong mapupuntahan ay siyang magiging taya sa susunod na laro. Kahit mukha lang kaming nagsasaya sa mga oras na ito, may dalang aral pa rin ang larong “Bahay-Tao-Bagyo.” Ito ay tungkol sa paglikas ng mga masasalanta ng bagyo o anumang sakuna. Dapat ika’y mabilis kumilos kung hindi ika’y magdurusa lalong lalo na sa panahon ngayon na kung saan dumarami na ang populasyon at dumarami na rin ang pangangailangan ng bawat tao. Hindi maiiwasan ang pakikipag-agawan sa mga sitwasyong katulad nito. Ikaapat, kami ay tinuruan ng aming propesor kung ano ang kahalagahan ng pagbibigay ng first aid kasama na rito ang pagsasagawa ng CPR.
Kami ay hinamon ng aming guro sa bandang dulo na kung saan ang isang groupmate ay aarte na mayroong malubhang pagdudugo sa ulo, katawan, at kamay at bali sa kanyang braso, binti, at biyas. Mayroon din siyang spinal injury kaya kinailangan namin siyang buhatin gamit ang backboard. Sa huli ay inatasan kaming buhatin ito nang hindi ginagamit ang backboard. Lubos kaming nahirapan sa pag-iisip ng mahusay na pamamaraan at estratehiya ngunit nagtagumpay pa rin naman kami sa dulo. Lubos kaming nasiyahan sa bagong kaalaman na aming nakalap.
BARANGAY VISIT AND COMMUNITY WALK
Umaga ng Disyembre 5, 2016 nang ako’y bumisita sa aming barangay.
Pansamantala akong naninirahan sa Quezon City kaya aking napagpasyahan na sa Barangay Paltok na lang ako magsagawa ng panayam imbis na lumuwas papuntang Barangay San Vicente sa San Pedro, Laguna.
Inatasan akong pumunta sa sekretarya upang makipagpanayam ngunit ang kanyang sabi ay hintayin ko na lamang ang Chairman of Peace and Order at Risk Reduction Chairman na si Ginoong Ernie E. Valdez. Ayon kay Chairman Valdez, ang mga opisyal ay dumadalo ng mga pagpupulong sa Quezon City Hall bawat buwan at siyang ipinamamahagi sa mga nasasakupan. Ang aming barangay ay nagbibigay din ng mga seminar sa bawat samahan ng barangay at sinasanay ang mga ito ukol sa mga kailangang gawin sa tuwing may di-inaasahang sakunang darating. Ang aming barangay at ang mga paaralan dito ay nakilahok din sa nationwide simultaneous earthquake drill. Naniniwala rin si Chairman Valdez na kung alam ng mga tao sumunod sa mga pinatutupad ng gobyerno, partikular na ng barangay, ay mas mapapadali ang pagbawas sa panganib na dala ng isang sakuna. Ilan na mga halimbawa ang pagtapon ng basura sa tamang lagayan upang hindi bumara sa estero, paglilimit sa pagputol ng puno, at hindi paglalaro ng apoy.
Noong nakaraang taon ay nakapagbigay ang aming barangay ng fire extinguishers sa mga nasasakupan lalong lalo na sa mga taong nakatira sa may eskinita at ng backpacks na may lamang pagkain, tubig, gamot, tuwalya, sabon, at iba pang mga personal na pangangailangan. Nakapagbigay din sila ng mga lubid sa mga taong nakatira o malapit sa East River Side sapagkat kahit mahina o malakas ang ulan, binabaha na talaga ang lugar na iyon. Nakapaglagay din sila ng mga kagamitan na pwedeng magbigay sa mga tao ng babala kung paparating ang isang sakuna. Lahat ng katuwang ng barangay ay masunurin at nakikiisa kaya naman madaling naisasagawa ang mga bagay bagay.
Ang mga susunod na larawan ay iilan sa mga proyekto ng aming barangay:
Barangay Paltok’s Senior Citizen Affair
© Nonie Elvis Yambao on Facebook
Food stands or Barangay Paltok’s “Livelihood Project”
Senior Zumbayanan
© Anthony Flores on Facebook
Sinamahan naman ako ni Hepe Nelson Rabulan upang libutin ang barangay at makita ang mga ligtas at mapanganib na lugar sa amin. Ang mga susunod na larawan ay iilan sa mga ligtas na lugar sa aming barangay:
Barangay Paltok Day Care Center
Multi-Purpose Covered Court
Resurrection of Our Lord Parish
Ang mga susunod na imahe ay iilan sa mga mapanganib na lugar sa aming barangay:
Kundiman Street
© Jorelle Lamarroza
Lubos akong nagpapasalamat sa barangay officials lalong lalo na kay Barangay Captain Edgardo A. Paragua, Jr., Chairman of Peace and Order at Risk Reduction Chairman Ernie E. Valdez, at kay Hepe Nelson Rabulan sa pagtulong sa akin malaman ang mga plano ng barangay at sa pagiging matulungin at maunawain nila.
Litrato kasama ang mga opisyal:
Itinuturing kong isang pribilehiyo ang maging parte ng kursong CWTS sapagkat marami akong aral na napupulot at bagong kaalaman na nakukuha na hindi naman nararanasan ng lahat. Bilang isang estudyante ng CWTS, ibabahagi ko ang aking mga natutunan, uumpisahan ko na sa aking pamilya at sa aking mga kaibigan. Malaki rin ang aking pasasalamat at pinagawa kami ng aming propesor ng aktibidad na katulad ng pakikipanayam sa mga opisyal ng barangay at community walk. Dahil dito, ako’y mas naging wais sa paghahanda sa mga kalamidad at ako’y mas naging maalam sa iba’t ibang lugar ng aming barangay na kung saan ang isa ay ligtas o kung saan naman ang mapanganib. Napagtantuan ko rin ang iilan sa mga proyekto ng aming barangay at ang kanilang plano tungkol sa Disaster Risk Reduction Management.