Buwan na ang lumipas, kanyang lapis ay nakababad sa basong may tubig na laman. Siya ay tila isang librong hindi pa rin nalalamanan; “Alam mo kung bakit libro akong walang laman?, Kasi lahat ng binibigay nila sa akin pinapadala ko pa rin sa kanila kapag umalis na sila”
“Hahahaha”- Anino;
Mga tawa niyang likha, masaya kaya?
“Kumusta ka?”
Mga pangangamusta niya, siya ba’y maayos din?
Sa mga gabing sisilip, siya pa rin kaya’y niyayakap pa rin?
Mga sugat, naghihilom ba o nadadagdagan lang din?
Kailan masasagot ang tanong na matagal ng nakatanim?
Kailan masasagip ang taong nalulunod sa dilim?
“Siya nga pala ang aking kaibigan na nakatira sa dilim. Kinakailangan ng pag intindi ng malalim para hindi mo mamali ang mga sasabihin. Mga tawang binabanggit ay may kahulugang hindi madaling unawain, mga tulang ginawa ay ika’y lilituhin. Oo, anino siya pero mahal niya ang pagtatanim. Sa tagal naming nag-uusap, tatlo lang ang masasabi ko. Una, kahit siya’y anino gusto pa rin niyang siya’y binibigyang pansin, kausap sa tuwing madilim, kasama sa tuwing nakaupo kayakap ang lamig ng hangin at kadamay sa pag-intindi sa mga bagay na hindi madaling sagutin. Pangalawa, kahit siya’y isang anino, marunong din siyang sumilip sa iyong tingin, na ika’y uunawain sa tuwing mata mo’y namumugtong na ang luha sa lalim, alam niya basahin ang mga pahina mong ayaw basahin dahil tila ikaw raw ay malalim, siya ay anino na meron ding damdamin. At ang huli, kahit siya’y isang anino, marunong siyang pahalagahan ang mga sining. Sining na nilikha sa ilalim ng araw at mga bituin, mapaumaga man o dilim, lahat ng nandito’y kanyang iintindihin. Siya ang kaibigan kong anino, at isa sa masasabi kong totoo”








