Patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay, Buwan ng WIka
Boses—ito ang ating sandata upang maipaglaban ang ating karapatan. Ngunit magagamit ba natin ito kung ang ipaglalaban natin ay ang lumalaganap na kahirapan?
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang ating bansang Pilipinas ay binansagang mahirap. Ilang dekada na ang lumipas, ngunit tila wala pa ring nagbabago. Mga barung-barong na kabahayan, mga nagugutumang mga tiyan, mga batang walang tirahan, mga pulubing walang saplot sa katawan—ilan lamang ito sa umaasang magbabago rin ang buhay nila.
Ngunit hindi ba natin nakikita? Ang pag-asa nila’y nasa sarili rin nila. Ang buhay ay hindi magbabago kung laging umaasa—umaasa sa iba. Bagkus, umasa sa Diyos na may hawak ng ating mga buhay, habang gumagana ang sariling mga kamay at paa; kumilos at itaguyod ang bandera ng pagka-Pilipino gamit ang sariling wika. Dahil hindi man natin nakikita, wika natin ay sandata laban sa kahirapan.
Ang mga taong may mga pangarap ay may matinding pag-asang nakatuon sa hinaharap. Mga taong ganito, hindi niyo ba maaring gamitin ang sariling wika upang iparating sa iba ang natatanging solusyon upang umunlad ang bayan? Nasaan ang iyong boses? Hindi mo ba kayang awitin ang maindayong pag-asa mo? Ang mga kakayahang at talino mo, ipinagdadamot mo?
Paano na ang bansang Pilipnas kung bawa’t Pilipino ay ganito? Sariling bayan ay ayaw mong magbago? Sandata natin ay nasa mga kamay na natin. Ibinigay na ng Diyos upang gamitin ng bawa’t isa sa atin. Wika ay dapat nating pagyamanin. Hindi lamang sa pag-iingat nito, kundi sa paggamit natin.
Kaya’t ipaglaban natin ang ating karapatan. Sumugod sa matinding pagsubok na ibinigay ng kahirapan. Magandang buhay ay ating mararanasan, kung ang ating sandata ay ating hawak anumang pagsubok ang dumaan.
Boses natin ang ating tanging sandata. Ngunit saan mo ginagamit ang boses mo?