Nakakadurog ng puso ang sistema.
Yung alam mong may kaya naman gawin ang mga nasa mataas na tungkulin pero wala silang ginagawa. Hindi nila alam ang kalagayan sa bawat classroom. Well, maaaring oo, alam nila, pero wala silang pakialam. Mas masakit ata yun.
Nakakagalit. Pero hindi ka pwedeng magreklamo. Wala kang magawa, sobrang liit mo lang sa kabuoan ng sistema na dapat at gusto mong magbago. Hindi naman mahirap ang pagsunod sa'kin. I was trained since I was young. Pero ngayon, nahihirapan ako. Ginagawa ko pa rin naman kasi wala akong choice pero ito na naman. Ayokong mag-effort, ayokong maisahan, ayokong gumawa more than what is asked to, hindi dahil sa hindi ko gusto o mahal ang ginagawa ko, but because ayokong magpa-alipin sa sistema na meron dito.
Pitong buwan na akong nagtuturo. Hindi pa rin permanente. Kalahati ang sweldo sa isang permanenteng guro pero parehas ang trabaho. Bukod pa dun, tatlong linggo pa ang aabutin bago mo makuha ang isang buwan mong trinabaho.
Dumaan na ng proseso, may lisensya, nagdemo, pasok sa RQA. Nagseserbisyo na sa paaralang pampubliko, pero kontraktwal. Malaki ang kakulangan sa mga guro pero hindi ko maintindihan bakit pahirapan pa rin ibigay ang item.
Malaking bagay ang rekomendasyon na oo, inasahan ko at ng aking kapwa kamanggagawang guro, pero parang ang mga taong ito rin mismo ang pumipigil.
Iba kasi ang rekomendasyon dahil sa ginawa mong trabaho at rekomendasyon dahil kamag-anak mo ang kung sino. Nakakalungkot.
Pagmamahal at malasakit sa mga bata na lang siguro kung bakit nakakatuloy pa ako. Madaling bitawan ang mga bagay lalo na kung sarili mo lang ang titignan mo.
Pero gusto ko ring isulat ito sa perspektibo ng isang gurong Kristiyano.
Gurong alam na habag at grasya lang kung bakit siya nasa larangang ito. Gurong alam na hindi naman siya karapat dapat at pinag-uubra lang ng Diyos na pinaniniwalaan niya. Guro na ang pinanggagalingan ng pagmamahal at malasakit ay ang Diyos niya na malaki at grabe ang puso sa mga tao.
Gusto ko lang na maalala niya na ang bagay na nahihirapan siyang gawin ngayon (ang sumunod), ay ang nagdala sa kanya dito.
Pinag-ubra ka lang at walang iyo, gawin mo ang trabaho na parang sa Diyos mo ito ginagawa. Mahirap man, pero iginagapang. Alam mong may premyo, pero hindi dito nakatingin ang mata mo. Nakatingin ito sa kung sino ang nasa taas ng lahat ng ito. Ang rason ng bawat paghinga mo.
Kaya mo. Siya ay nasa iyo.
Magagawa mo. Siya ang magbibigay ng lakas at ano mang pangangailangan mo.
He who promised is faithful.