bulantúbig (from the vault)
January 11, 2020 — 5:11 PM
Ayokong isiping madaya ang tadhana Papapasukin mo kaya kahit mayroon nang ibang tala? Pagkat batid ng aking puso ang mga kasagutan— Kasagutang siyang pipilas at wawasak sa buong puso, damdami’t kalamnan.
Mali bang humiling na sana’y iyong mapansin? Na kahit tila imposible, mundo mo’y aking magawang pasukin? Natatakot, nanginginig, Pagkat tila napakaimposibleng mangyari.
Ngunit tataya, kagaya ng nakasanayan… ako ay tataya, Sa ‘di kilalang mukha, Sa bago at ‘di pamilyar. Panghahawakan bulong ng dibdib, Titibayan ang pananalig, Pagkat ika’y tunay na iniibig.
Alang-alang sa’yo, Medyo maaga pa para dito, batid ko. At kahit na magmukha pang gago, Papatunayan sa’yo na mas seryoso pa sa seryoso.
Pagbibigyan mo kaya kahit kumplikado? Papapasukin mo kaya kahit mayroon nang ibang tao?
At kung sa huli’y ‘di ako ang iyong piliin, Hayaan mong sa pahina ng iyong tadhana’y manatili Pagkat kahit kailan, ‘di nagsisi sa pag-ibig na pinili, Pag-ibig na tinayaan, kahit batid na ‘di kailanman magwawagi.

















