Araw ng Bulaklak
Sa iyong init ako ay palaging uhaw.
Lunod man sa tubig, ikaw pa rin ang hanap.
Tulad ng bulaklak na araw lang ang tanaw,
liwanag ng pag-ibig mo ang aking yakap.
Tuwing umaga, ako lang ang iyong sinta.
Pero sa gabi, ikaw na ay umaalis.
Alaga mong bulaklak ay marami pala;
hindi lang ako ang binibigyan ng tamis.
Kahit mag-isa, masaya pa rin ang ngiti.
Maliwanag rin naman itong munting buwan
na paalala ng araw na aking mithi.
Ako ay maghihintay na iyong balikan.
Kailanman ay hindi ka tunay na sa akin.
Pero patuloy pa rin kitang iibigin.














