Panibagong kabanata nanaman ng aking libro ang muli kong bubuksan May mga bagong taong dumating at sumulpot ng hindi inaasahan Ngunit may mga nanatili namang mga tao na wala parin akong ideya kung patuloy na mananatili
Sa bawat taong dumadating sa buhay ko, Isang pahina ang aking hinahanda Hindi para paghandaan ang paglisan nila, kundi paghandaan ang mga opurtunidad na “baka sakali” lang naman ay mangyari
Kung gaanong karaming tao ang aking tinatanggap, ganon din karaming iyak at hikbi ang aking dinaranas
Ilang luha pa ba ang kailangang tumulo sa aking mga matang walang ginawa kundi sumilyap sa mga ngiti mong kahit kailan ay hindi ako ang naging dahilan?
Ilang salita pa ba ang kailangang lunukin ng aking bibig na walang ginawa kung hindi manahimik sa katotohanan?
Ilang kasinungalingan pa ba ang aking maririnig na tanging kadungisan mo ang itinatago?
Ilan pa ba? Ilang sakit pa ba?
Ilang sugat pa ba ang ipaparamdam mo sa puso kong walang ginawa kundi mahalin ang mga imperpeksyon mong tanging ako lang ang tatanggap?
Ilan pa? Ilang pagpapanggap pa ang gagawin, sinta ko?
Ilang sugat pa ba ang kailangang iparanas mo sa kaluluwa kong nanginginig sa takot bago ko malamang pagod na ako?
Oo Pagod na ako Pagod na pagod kakaintay sa araw na papasok sa isipan ko lahat ng katotohanan Pagod na ako
Pagod ako sa paulit-ulit mong pagsisinungaling at sa paulit-ulit kong pagpapakabulag sa katotohanan Sa paulit-ulit mong pagloloko at sa paulit-ulit kong pagtitiis Sa paulit-ulit mong pagngako na kailanman ay hindi matutupad at sa paulit-ulit kong pagbibigay sa iyo ng pagkakataon Sa paulit-ulit mong pag-ikot sa akin at sa paulit-ulit kong pagpapauto sa iyo At sa walang sawang pagtanggap ko sa iyo, mahal ko
Paulit-ulit nalang
Ilang ulit pa ba ang pagdadaanan ko bago maubos ang mga pahina ng kabanatang ito?
Ilan pa ba?
Ilang pahina pa bago ako makausad at makaalis sa piling mo, sinta?
Ilan pa ba?
Ilan?












