June 21, 2026
Sugbo
Ambilis lang pala ng anim na buwan. Ang akala kong magtatagal pa ay siya palang mas mabilis pa sa alas-cinco. Pagtapos ng training sa broiler production at operations 'e sinabak na ako sa reyalidad. Walang halong filter, walang halong safety-net. Ang lahat ng sinulat at pinagtuunan ng utak yaong mga nagdaang buwan, 'e siya ngayo'y bukambibig at binabalandra sa kada bisita sa farm na aking narorotahan.
Napatunayan ko na halos sa lahat ng pagkakataon, isang malaking Management Problem ang rason ng pagdami ng bansot o di kaya'y pagdami ng mga patay. Ba naman, kung ikaw kaya ang ilagay sa loob ng espasyo na unti-unting umiinit, habang nagsisiksikan kayo at nag-uunahan makakuha ng pagkain at tubig, 'e malamang sa malamang, mas pipiliin ko na ang maharvest kahit hindi pa ako nakakatungtong ng isang kilo. Nakakaawang tingnan ang mga manok sa totoo lang, tapos kahit ilang beses nang sumisigaw ang boses sa utak ko na nagsasabing "pucha kami na naman sisisihin neto", habang ang mga may-ari mismo ng negosyo 'e kumakamal ng tubo sa pagitan ng barat na pasahod nila sa mga manggagawa -- 'E sana ho hindi niyo na lang pinasok ang ganitong larangan. Kung mauuwi lang din naman sa turuan, edi sana matagal ko na kayong sinundo sa matatayog niyong tahanan at ipapakita ko direkta ang lahat ng mga di-kaaya-ayang bagay na pilit ninyong tinatapalan ng rason na mas nauna kayo sa industriya at ganyan na yan sa umpisa pa lang. Ibabalik ko lamang ano, 'e kung gan'on na laang, bakit sa pagkatagal-tagal ninyo sa industriya 'e siyang paurong naman ng inyong praktika? 'Di ga malala na ata yon?!
Mas mabuti pa nga yata ang ang pag-ikot ng mundo, kada minuto at kada oras, e alam ng sankalibutan na nagbabago at may patutunguhan ang lahat, 'e bakit ang sayo e pawang naaagnas na sa sobrang luma na ng tugtugin? Isa ito sa mga pasanin ko pagdating sa Sugbo. Haist, sana hindi masarap ang ulam nila hanggang 2028.












