Ang Huling Tula Na Isusulat Ko Para Sa’yo
Minsan, may nakapagsabi sa akin na ang hindi raw marunong magpatawad ay hindi makapagsusulat. Kaya mahal, sa pagkakataong ito, sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sa’yo, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan at patatawarin kita sa hindi mo pagluha.
Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik at patatawarin kita sa hindi mo pagsasalita.
Patawarin mo ako sa hindi ko pag-alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili.
Patawarin mo ako sa hindi ko sa’yo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo sakin pagpili.
Mahal, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sa’yo at patatawarin kita sa hindi mo sakin pagmamahal.
Mahal, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako. Para sa wakas ay matapos ko na itong tula na masyado nang matagal na nakatira dito at patawad kung magiging masyadong mahaba at marami masyadong buladas pero pangako.. huli na ‘to.
Ito na ang huling tula na isusulat ko para sa’yo. Mali. Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sa’yo.