Oligarkiya
Sa harding kay lawak ng ating bayan, May damong ligáw na puspos ng laláng. Sinusuhay ng ginto’t kapangyarihan, Sa bawat pag-ambon lalo pang lumalakas.
Animo’y halamang kay inam pagmasdan, Ngunit sa ugat may lasong taglay. Sa lilim ng sanga’y lihim na tiwali, Nagsisimsim ng buhay, lumalamon ng puri.
Oligarkiya—haring walang korona, Sa dukhang dibdib ay tanikalang bakal. Noon at ngayon, wangis nitong damo, Ang lupa’y sa kanila, ang butil sa tao.
Ngunit ang tagsibol may wakas na tangan, At ang taglagas ay paparating na rin. Kaya habang araw ay mainit pa’t buhay, Samasama nating ugatin at bunutin.
Upang sa dapithapon ng bagong panahon, Wala nang masamang damong magkubli sa hardin.












