Noong June 12, 2015 sa burol ng Lolo ko ang huling magkita tayo. Alam ko isa ka na ngayong parte ng nakaraan. Pero paano nga ba tayo humantong sa ganito ngayon? Ano nga ba ang nangyari noon sa isang halos perpekto na sanang relasyon na meron tayo dati?
Naalala ko, nakilala kita nung mga panahong halos malapit na kong mag-isa at mawasak ang puso dulot ng isang lalaking walang ibang ginawa kundi ang lokohin ako’t pagmukaing tanga. Yung lalaking karelasyon ko nung mga panahong iyon. At yung lalaking mahal ko at handa akong gawin lahat para lang sa kanya. Nagbulag-bulagan at bingi-bingihan ako sa sinasabi ng iba tungkol sa kanya. Lahat ayaw sa kanya para sakin dahil wala nga raw siyang magandang maidudulot. Pero hindi ako naniwala at isinawalang bahala lahat ng pagmamalasakit nila. Kasi wala na kong pakielam kung buong mundo galit sakin at ayaw sa relasyon namin. Basta kasama ko lang siya. Pero iba ka sa lahat. Hindi ka umalis sa tabi ko nung mga panahong kailangan ko ng taong susuporta sakin. Andyan ka lang at laging handang makinig sa mga kwento ng drama ng buhay ko. Ikaw ang palaging saksi sa tuwing umiiyak ako ng dahil lang sa kanya, handa mong punasan ang mga luhang palaging pumapatak dahil lang sa walang kwentang tao. Ikaw ang palagi kong sandalan sa lahat ng problemang kinakaharap ko noon. Ikaw… Ikaw lang.
Ang laki ng pasasalamat ko noon na nakilala at naging kaibigan kita. Naalala ko pa noong Valentines 2011, imbis na siya ang dapat na kasama ko, ikaw ang nasa tabi ko. Binigyan mo pa ko noon ng bulaklak at iyon ang unang beses na nakarating ako sa bahay niyo. Ang unang araw na nakilala ko ang napakababait na magulang at mga kapatid mo. Pagkatapos non, sinamahan mo pa ako sa Valentines concert na pupuntahan ko na dapat siya ang gumagawa ng effort na ginagawa mo.
Dumating ang March, 2011. Ang kaarawan ko. Syempre inimbitahan kita, dahil isa ka na sa mga importanteng kaibigan ko. Ikaw halos ang unang dumating sa mga bisita ko noon. Wala naman akong gaanong inaasahang darating. At alam mong para sakin, siya lang ang makasama ko ay sapat na. Kaso ang tagal niyang dumating. Kasi mas pinili niyang pumunta muna sa Debut ng katropa niya kesa puntahan ako na Girlfriend niya. Pero ayan ka sa tabi ko, hindi ka umalis at ginawa mo ang lahat para mapangiti ako. At para hindi mainip, tinanong mo nalang ako noon kung ano ang gusto kong puntahang lugar at sasamahan mo ko roon. Kaya dinala kita sa isang espesyal na lugar para sakin. Yung Hanging Bridge na matagal ko ng paboritong puntahan simula noong high school ako. Pero antagal ko ng di nakabalik don dahil sa sobrang busy ko palagi. Kaya sobrang thankful ako sayo dati kasi ikaw pa yung naging dahilan para muli kong masilayan ang lugar na yon. Halos matapos na ang birthday ko, bago pa dumating ang hinihintay kong napakahalagang bisita. At nung dumating siya, gusto niya naring umuwi agad. Sobrang gusto ko siyang sumbatan noon, na buti ka pa ang haba ng oras na ginugol mo sakin na dapat siya ang gumagawa, gusto ko siyang pigilang umalis at umiyak sa harap niya pero di ko ginawa at pinigilan kong gawin. Kaya pagkauwi niya, sayo ko binuhos lahat ng sama ng loob ko sa kanya. Niyakap mo lang ako at sinabing magiging maayos din ang lahat samin.
Simula noon, napapansin ko na nagiging madalas ang pagtetext at pagtawag mo sakin. May mga araw din na dumadalaw ka pa sa bahay. Wala naman akong napapansin noon na kakaiba sayo. Naisip ko lang nun na siguro alam mong ikaw nalang ang nakakaintindi sa kung anong sitwasyon ang kinakaharap ko kaya di mo ko iniiwanan. Ang lagi mo pang sinasabi na palagi kang andyan para sakin kung kailangan ko. Hanggang sa isang araw, gusto ko ng sumuko sa kanya. Napapagod na kong umiyak at magsumbong sayo sa mga kalokohan at pangba-babaeng ginagawa niya. Nagsasawa na kong magtiis sa ganoong klase ng relasyon. Kaya heto ka nanaman, isang tagapag-ligtas. Nung araw na yon sinabi mo sakin na makipaghiwalay na ko sakanya at matauhan na ko. Sinabi mo pa na magising na ko sa katotohanan kasi kung hindi, babatukan mo talaga ako ng malakas para maalog ang utak ko. Kaya nung araw na yon, nagdesisyon na kong tapusin ang lahat samin. Kahit masakit, ginamit ko ang natitirang tapang at pride ko para sabihin sa kanyang ayoko na. Pagkatapos non, heto ka nanaman sinuportahan mo ang nag-iisang tamang desisyon na ginawa ko.
Matapos naming maghiwalay, mas napapadalas yung pagkikita nating dalawa. Hanggang sa inimbatahan mo ko sa inyo dahil graduation ng kapatid mong bunso. Doon may mangilan ngilan ka ring mga bisita bukod sakin… Yung mga tropa mo na kapitbahay niyo. Nagulat ako ng akbayan mo ako sa harap nila at sabihing “Tayo”. Napatingin ako non sayo ng masama na parang nagtatanong ang mga mata ko kung bat mo yon sinabi sakanila, pero kinindatan mo lang ako bilang sagot. Nung araw na yon, napakarami ng nagtatanong saking mga kamaganak mo kung tayo na nga ba dahil napapansin din nilang madalas tayong magkasama. Pero sasagot palang ako ng Hindi ay inuunahan mo na agad ako ng sagot sa kanila ng “Oo kami na.” Gustong gusto na kitang hampasin nun, kundi lang talaga ako nahihiya sa mga magulang mo. Pero ganun pa man, gumaan ang loob ko dahil sa ginawa mo. Kahit biro lang yon, di ko akalain na kahit di naman talaga tayo, mapapakilala mo ko ng ganun sa mga tao sa paligid. Samantalang siya, ni isa sa mga tropa at kamaganak niya, di ko kilala. Hanggang sa dumating yung oras na ihahatid mo na ko pauwi. Habang naglalakad tayo papunta sa sakayan ng Bus, doon mo inamin sakin lahat na matagal mo na pala kong gusto at unti-unti ka ng nahuhulog sakin. Sabi mo, tinago mo lahat kasi alam mong may Boyfriend ako nung mga panahong nakilala kita. Kaso dumating ka na sa point na mahal mo na talaga ako at di mo na kayang makita akong malungkot, nasasaktan at umiiyak ng dahil sa kanya. Doon mo sinabi sa sarili mo na, pag once na nagkahiwalay kami, gagawin mong lahat para maibalik yung ngiti sa labi ko at mapasaya ako sa araw-araw na dadaan sa buhay ko.
Pagkarating pa natin noon sa bahay namin, nagulat ako ng buong tapang mong sinabi sa magulang ko na pormal mo na kong liligawan. Ikaw… Ikaw palang ang unang lalaking gumawa non. Kinabukasan, tinawagan kita para makausap. Umiyak ako noon habang kausap kita at habang sinasabing itigil mo na lahat ng ginagawa mo. Dahil alam ko sa sarili kong napakadali mo lang makukuha ang puso ko. Dahil madali kang mahalin. At dahil din doon, natatakot akong bigyan ka ng Chance. Dahil natatakot akong maulit lahat ng ginawa niya sakin. Pero nung araw din na yon nagpunta ka bigla samin para patunayan saking hindi ka ganon. At para ipangako na, hinding-hindi mo gagawin yung mga ginawa niya sakin. Na mamahalin mo ko ng tapat at totoo. At nang… Ako lang. Kaya nung araw din na yon, kahit masyadong mabilis, kahit alam ko na di pa kita mahal at kahit alam ko sa sarili kong di parin ako nakakamove-on sa kanya. binuksan ko parin ang pagkakataong patuluyin ka sa puso ko. Dahil nung araw na yon… Sinagot na kita.
Kinabukasan matapos kitang sagutin ay Graduation day ko na sa College. April 08, 2011 non. Hindi ko ineexpect na susurpresahin mo ko sa sinabi mong darating ka para panoorin ako sa isa sa pinaka-importanteng araw ng buhay ko. Nakakatuwa na nagpunta ka roon na may dalang regalo at munting sulat. At nung araw din na yon kita legal na naipakilala bilang Boyfriend ko sa buong pamilya ko. Alam kong pareho tayong masaya nung mga panahong yon. Dahil lahat ng kamaganak ko boto sayo. Pati ang mga pinsan at kaibigan ko na nagalit noon sakin ay gustong-gusto ka para sakin. Kaya ang saya-saya mo non at kitang-kita ko yon sayo. Yun nga lang, mabilis din binawi sayo ang kasiyahan na yon… Dahil nagparamdam ulit siya sakin at nakikipagbalikan. Naconfused ako sa nararamdaman ko noon, dahil alam kong siya parin ang mas matimbang. Pero ikaw parin ang pinili ko.
Unti-unti natutunan na rin kitang mahalin. Dahil di naman mahirap gawin yon para sa isang gaya mo na talaga namang kamahal-mahal. Sobrang naging saya ko nung mga panahong mahal na mahal na kita. Kasi ramdam na ramdam ko rin kung gaano mo ko kamahal at kahit kailan hindi mo ko pinabayaan. Todo ka mag-effort nun para sakin. Na para bang araw-araw ka paring nanliligaw kahit na Tayo na. Lahat binigay at ginagawa mo. Yung mga gusto ko na kahit di ko naman hingin sayo, kusa mong ibinibigay. Sobrang laki ng pasasalamat ko noon sa panginoon na binigay niya ang isang gaya mo sakin. Napakamaalalahanin mo, napakamaalaga, napakamabait, napakamarespeto, napakamapagmahal at lahat ng magandang napaka sayo ko nakita.
Ang araw simula nung maging tayo ay naging linggo. Tapos naging isang buwan, dalawa, tatlo, apat hanggang sa umabot tayo ng isang taon mahigit. Aminado ako na napakarami na nating pinagdaanan. Pero heto tayo, di sumuko at halos ilang buwan nalang ikakasal na tayo. Oo, di rin ako makapaniwalang malapit na ang araw na pareho nating minimithing dumating. Kasi nagplano tayo noon na sa saktong 2 years natin, magpapakasal na tayo. Kaso Secret Marriage nga lang na iilan lang ang makakaalam. Sobrang excited ko nung mga panahon na yun. Na lagi kong pinapaalala sayo, na konting panahon nalang, magiging saatin na ang isa’t-isa ng tuluyan. Na tayo na talaga habang buhay. Noon siguradong sigurado ako na ikaw na yung lalaking para sakin. Na ikaw na talaga. Kasi alam kong sobrang mahal na natin ang isa’t-isa.
May 2012, dito sa buwan na ito ko napansin na maraming nagbago sa pagsasama nating dalawa. Simula nang maghiwalay ang mga magulang ko sa kaparehong buwan na ito ay kasabay niyon ang napapadalas natin pagtatalo at pag-aaway. Di man tayo nagkakapisikalan pero nagkakasakitan parin tayo sa pamamagitan ng mga masasakit na salitang binibitawan natin sa isa’t-isa. Alam ko namang ako ang madalas na mali sa ating dalawa. Dahil sa sobrang pagmamahal ko noon sayo, natakot ako… Natakot akong mawala ka. Kaya naramdaman mong nagbago ako, naging mahigpit ako at palagi kitang pinagbabawalan sa maraming bagay kahit ang sumama sa mga katrabaho mo o sa katropa mo ng hindi ako kasama ay di ko na pinapayagan. Naging masyado akong Clingy sayo at laging paranoid. Pero ang hindi mo naiintindihan noon ay ayaw lang kitang mawala. Kasi pakiramdam ko mag-isa nalang ako simula ng maghiwalay ang mga magulang ko. Ayoko kasing matulad tayo sa kanila. Alam kong sumobra ako noon. Na kahit sa mga pinakamababaw na dahilan ay inaaway pa kita. Yung tipong hindi ka lang makatawag o text agad ay magagalit na ko.
June 07, 2012, nung sabihin mong pagod ka na. Akala ko non, makikipaghiwalay ka na sakin kaya sobrang natakot ako. Kasi saktong 14th Months natin ang araw na yon. Pero yung inakala kong makikipaghiwalay ka ay yun pala bibigyan mo ko ng singsing at sinabi mong pagod ka nang maging Boyfriend ko at simula sa araw na yun, Fiancé na kita. Sobrang saya ko kasi doon ko lalong naramdaman na konting panahon nalang magaganap na ang isa sa mga pangarap ko, ang ikasal sayo.
August 12, 2012, nang mag-aya kang lumabas tayo. Typical na ginagawa lang ng magkasintahan ang ginawa natin ng araw na yan. Nagsimba sa Baclaran church, kumain, nanuod ng sine sa Moa, nagzipline at sumakay sa ferris wheel. Nung araw na yan, di ko maipaliwanag ang saya na naramdaman ko at alam kong ganon ka rin. Pero matapos ang araw na yan, hindi na tayo halos nagkita dahil pareho tayong busy. Ako sa pamilya ko at ikaw sa trabaho mo. Di ko alam na yun narin pala ang magiging huli nating pagkikita bilang magkasintahan. August 25, 2012, umaga palang magkaaway na tayo. Dahil hindi natin halos natapos ang pagtatalo natin kinagabihan bago ang araw na yan. Kaya kahit labag sa loob ko, napilitan akong sabihing sawa na ako at ayoko na. At nagulat ako na sumang-ayon ka. Marahil sawa at pagod ka na ring pigilan at habulin ako sa tuwing sasabihin ko sayong maghiwalay na tayo. Sawa ka ng umiyak sa harap ko at magsumamo kahit alam mong ako naman talaga ang mali. Nung araw na yon, nagsisi ako dahil masyado akong nagpadalos-dalos ng desisyon. Pinigilan kita at sinabi kong biro lang pero ayaw mo na talaga. Tumawag ako non sayo ng umiiyak pero ang sinabi mo lang, magkita tayo kinabukasan.
At kinabukasan nga non, nagkita tayo sa lugar kung saan tayo unang nagkakilala. Di ko akalain na sa lugar rin na yon tayo nagtapos. Pinaliwanag mo sakin na ang laki na ng pinagbago ko at gusto mong makipaghiwalay dahil gusto mo akong matuto at para rin saakin ang gagawin mo. Alam mo ba? Sobrang sakit sakin na natapos tayo ng ganoon lang. Naisip ko non, paano na yung mga pangarap natin? Paano na yung kasal? Gustong gusto kita nung habulin dahil pakiramdam ko ikaw na talaga. Palagi pa nga akong nagtatangka magpunta sainyo para makipag-ayos pero di ko magawa dahil inuunahan ako lagi ng pride at takot na baka di ka na talaga bumalik. Araw-araw hindi ako makatulog noon ng hindi umiiyak. At kahit sa paggising ay inaalmusal ko na rin ang mga luha. Sobrang bigat malamang naghiwalay kayo ng taong mahal mo ng dahil sa kagagawan mo. Ang hirap sa pakiramdam na para akong pinapatay simula nang mawala ka. Araw-araw hinihintay ko na baka isang araw pumunta ka sa bahay at sabihing di mo ko matiis. Pero di nangyari. Araw-araw tinitignan ko ang Cellphone ko kung may tawag o text ka pero nabalitaan kong nag-iba ka na ng number. Palagi rin akong sumasama sa mga kaibigan natin pag nag-aaya sila ng gimik dahil nagbabakasakali akong pupunta ka, pero di ka dumadating. Nabalot na ko noon ng sakit dulot ng pagkawala mo. Hanggang sa isang araw pinuntahan ako ng isa sa mga kaibigan mo para sabihing, alam nilang lahat na mahal mo pa ako dahil ikaw mismo ang nagsasabi nun sakanila. Na nahihirapan ka rin na magkahiwalay tayo pero gusto mo munang mahalin at hanapin ko ang sarili kong nilamon na ng sobrang pagmamahal ko sayo. Nung araw na yon, nagkaroon ako ng pag-asang babalik ka pa. Kaso… Di ka na bumalik at nasanay ka ng wala ako sa tabi mo. Noon, pinanghawakan ko ang pangako mong hindi ka tutulad sa kanya sa ginawa nyang panloloko. Oo nga di ka tumulad at alam kong ako ang may kasalanan ng lahat kaya tayo nagkahiwalay. Pero… Pareho kayong sinaktan ako. At mas masakit pa itong pag-iwan na ginawa mo. Kung gaano kasobra yung saya na pinadama mo, ganun din kasobra yung sakit na naramdaman ko sa pagkawala mo.
Halos isang taon din mahigit ang dumaan, bago ko natanggap na wala na talaga tayo. Na hanggang doon nalang talaga siguro ang lahat saatin at hindi tayo ang nakatadhana sa isa’t-isa. Di pa man tuluyan noong naghihilom ang puso ko, dahil alam ko na kahit papaano mahal parin kita at may puwang ka parin sa buhay ko. Pero alam ko na kaya ko na at hanggang sa unti-unti ko nalang namamalayan na kahit papaano nakaMove-on na pala ako sayo.
June 2014, ng makikilala ko muli ang isang lalaking sa tingin ko handa ko ng mahalin. Pero di ako nagmadali para saming dalawa. Dahil gusto ko muna siyang kilalanin maigi at siguraduhing siya na talaga. At gusto ko rin muna maging handa saka ako papasok sa panibagong relasyon. Halos magdadalawang taon narin simula ng maghiwalay tayo. At siguro naman kaya ko na ulit magmahal ng iba. Siguro kahit nababalitaan kong wala ka paring bago hanggang ngayon, panigurado naman akong may mga nakikilala ka na ring babaeng maaaring magpatibok muli ng puso mo.
At isang taon ang nakalipas matapos ko siyang makilala ay nagparamdam ka… Dahil gusto mong dumalaw noon sa namayapa kong Lolo. Pumayag naman ako dahil naging parte ka na rin ng pamilya ko at dahil may pinagsamahan din naman tayo. At siguro panahon na rin para magkita ulit tayo. Pero bago ang araw na yon, inisip ko kung ano ang mararamdaman ko pag nakita ulit kita. At natatakot akong baka mahal parin kita matapos ng mahabang panahon. Buti nalang at nagkamali ako ng hinala, dahil ng magkaharap tayo nung June 12, 2015 ay walang kahit na anong kaba akong naramdaman o kahit kirot sa puso ay di man lang kumawala sa sistema ko. Nag-usap tayo na parang normal nalang na magkakilala at wala na talaga akong maramdamang kahit na anong epekto mo habang magkatabi tayo. Ni hindi ako naiilang na titigan ang mga mata mo. Siguro Good sign na yon na wala na talaga akong nararamdaman na kahit na ano sayo. Na handa na kong maging kaibigan ka nalang.
Simula ng araw na muli tayong magkita ay madalas na ulit tayong magkatext o chat sa FB. Palagi ka na ulit nagla-like sa mga pictures at status ko. Pero hindi ko naman iyon binigyan ng kahit na anong ibig sabihin o malisya. Naisip ko, siguro talagang handa na tayong maging magkaibigan ulit sa kabila ng lahat. Pero di ko inakala na kaya pala ganoon ay may iba ka pa palang nais iparating.
September 2015, nang magtapat kang mahal mo pa pala ako. Ako… Ako lang at Ako parin. Alam mo ba ang tagal kong hinintay yan sayo. Akalain mo, tatlong taon na tayo mahigit hiwalay. Kaso patawad, kasi nahuli ka ng dating. Huli na ang lahat dahil wala na kong nararamdaman sayo at di na ko umaasa. Bakit ngayon pa? Kung kailan kami na.
Siguro hanggang dito nalang talaga tayo. Siguro… Di talaga tayo ang nakatadhana. O kung tayo man, siguro pinaglalaruan niya pa tayo ngayon at sinusubukan. Pero ayoko namang makipaghiwalay sa kanya na nagbigay ulit ng panibagong ngiti at kulay sa buhay ko dahil alam kong siya na ang mahal ko at di na ikaw. Ayoko rin namang sumang-ayon sa sinabi mong maghihintay ka. Kasi baka mapagod ka lang umasa at maghintay sa wala. Ayokong bigyan ka ng Hope. Kasi kahit papaano ayokong masaktan ka sa huli.
Hanggang sa kasalukuyan, April 2016, kami parin ng bago kong kasintahan, halos kalahating taon na kami at para di na ganoon kakumplikado ang lahat, naka in a relationship na kami sa FB. Di ko yon ginawa para pagselosin ka gaya ng sinasabi mo. Ginawa ko yon para ipakita sayo kung sino na ngayon ang mahal ko.
Patawad kasi nahuli ka na. Kung alam ko lang na babalik ka pa, di ko na sana piniling buksan sa iba ang puso ko. Kung alam ko lang na mahal mo pa ko. Pero wala ng lugar para magsisi pa. Siguro binigay ka lang sakin noon para matuto ako at mas maging malawak ang pang-unawa tungkol sa mundo ng pag-ibig. Salamat sa lahat ng pinagsamahan natin noon, di ko yon makakalimutan. At salamat sa pagmamahal mo, sana mahanap mo na rin ang para sayo.
Ang masasabi ko nalang sa huli nitong sulat ko, yung katagang sobrang gasgas na…
“Kung tayo talaga ang nakatadhana. Tayo talaga. Pero kung hindi, tanggapin nalang natin na wala na.”