"Nasaan ako? Bakit ako nandito? Hindi ko ito kuwarto ah."
Tumayo ako sa kama kung saan ako nakahiga. Hinawi ko ang kurtina at unang nakita ng aking mga mata ay ang tila walang katapusang katubigan. Sa sobrang pagtataka, dali-dali kong inayos ang aking mga gamit at naghanda papunta sa lobby ng hotel. Habang naglalakad ako sa hallway, maraming mga ngumi-ngiti at kumakaway. Lumingon ako sa likod para tignan kung sino ba iyon ngunit wala namang tao. Paunti-unti, naramdaman ko na ang taimtim nilang pagbati ay nagiging asiwa kaya't kumaway na lang din ako at ngumiti. Pagdating ko sa baba, tinanong ko agad ang babaeng nasa tanggapan.
"Miss, naaalala mo ba kung anong oras ako dumating dito?"
"Gideon Knoxx Monteverde."
Kinalikot niya muna ang kaniyang kompyuter at saka ulit siya binalik ang tingin sa'kin.
"Nakalagay po rito sir na alas-3 ng hapon po kayo nag-check in."
"Maaari ko bang matignan ang cctv records niyo?"
"Saglit lang po sir tatawagin ko lang po ang manager namin."
Dumaan muna ang request ko sa kaunting proseso bago ako pinahintulutang pumunta sa security room ng hotel upang mapanood ang bidyu ng hapong iyon. Nakita ko ang sarili ko papasok ng main door. Kumunot ang noo ko sa’king naobserbahan. Ang polong hindi nakasara, swimming trunks, shades, at pang-sigang lakad ay malayong-malayo sa aking istilo. Biglang nagtaka ang manager sa aking reaksiyon kaya hindi ako nagpahalata at nagdahilan na lamang.
"Suot ko naman po pala yung relo ko noong dumating ako dito baka nawala ko lang sa kwarto ko. Hahanapin ko nalang muna. Maraming salamat sainyo."
Habang pabalik ako sa kwarto ko, may nakita akong bata na gusto magpalitrato sa akin. Nilagdaan ko rin ang dala niyang papel. Pinagbigyan ko siya dahil sa nakakatuwa niyang mukha at ugali. Noong medyo nakalalayo na siya ay may naisip akong gawin.
Tinakbo ko ang kakaunting distansya naming dalawa. Nang maabot ko siya, tinititigan niya ang papel at saka iniabot ang kaniyang tingin sa’kin na para bang hangang-hanga siya pero bakas din sa kaniyang mukha na siya'y naguguluhan.
"Maaari mo bang i-kwento ang nangyari kahapon?"
"A e, kasi sobrang lasing ako kahapon kaya wala na ako masyadong maalala."
"Ah, ganoon po ba? Noong una po, natakot po kami sa'yo kasi po nilabas mo yung baril mo tinutok mo po yun sa taas. Nasa gitna ka po nun kaya't kaagaw-agaw pansin. Akala ko nga po papaputukin mo eh. Mas nagulat po kami sa sunod mong ginawa, tinutok mo po yung baril mo sa bibig mo. Yung iba nga po pinipigilan ka na po tapos medyo bigla ka pong nag-iba. Ang nakakatawa kakanta ka lang po pala. Nabighani po kami sa napakaganda mong boses. Narinig ko nga sabi nung katabi ni mama, 'Magaling ang paraan niya para mapansin siya’. Kaya't ganon na din po ang naisip ko. Kumanta po tayo habang lumalim po ang gabi tapos ay nag uwian na sa kaniya-kaniyang lugar."
"Biglang nalang akong nag-iba?"
"Opo", tumango-tango pa siya. "Siya nga po pala, bakit po Gideon Knoxx ang pangalan mo rito sa lagda mo? Sabi mo po sa'min kagabi Russel ang pangalan mo?"
Sa hindi malamang rason ay hindi ko alam ang aking isasagot. Muli'y nagdahilan ako sa pagiisip na bata palang naman ang kausap ko at maaaring maniwala ito.
"Screen name ko lamang ang Russel, bata. Ibig sabihin, Gideon Knoxx talaga ang tunay kong pangalan."
"Oo at ikaw palang ang nakaka-alam kaya sikreto lang natin 'to ha!"
Masayang umalis ang bata. Matapos niyang i-kwento ang lahat ng iyon ay mas lalo akong naguluhan dahil wala akong natatandaan na ganoong pangyayari, ni kahit pumunta man lang ako dito sa lugar na ito. Matagal na akong nagtataka sa sarili ko. Maraming nagsasabing katrabaho ko na “bipolar” daw ako gayong hindi ko napapansin iyon. Ang tanging napapansin ko ay ang parang maiikling araw at kung minsan nama'y ang haba ng aking mga tulog. Bigla kong naalala ang mga sinabi sa’kin ni Erin na magpatingin na ako sa psychiatrist. Dahil sa kawalan ng oras ay hindi ko iyon nagagawa at sa halip ay tinututukan ko ang mga inaatas na kaso sa akin.
Agad akong bumalik sa kwarto. Tumalon ako papunta sa kama at nag-isip-isip. Nawawalan na ako ng tiwala sa’king sarili dahil ako mismo na imbestigador ay hindi naiintindihan ang mga pangyayari sa buhay ko. Gumulong ako ng ilang beses at tumigil nang may pumasok na tanong sa’king isip, “Kung Russel ang pangalan ng nakilala ng bata na kamukha ko, bakit Gideon Knoxx ang nakarehistrong pangalan sa hotel? Maaaring may ginagawa siyang ilegal kaya’t ginagamit niya ang pangalan at pagkatao ko.”
Dahil doon ay biglang bumalik ang aking sigla. Makalaan ang ilang minuto ng pag-iisip ng napakamisteryosong pangyayari, hinanap ko ang journal ko na talaan ng mga kasong naatas sa akin para isulat ang aking mga nakuhang impormasyon na maaaring makatulong sa aking pagsisiyasat. Laman ng journal na ito ang mga importanteng detalye ng aking mga iniimbestigahan lalo na ang mahiwagang pagpatay kay Bb. Francesca. Nang buksan ko ito, lumaki ang mata ko at natakot. Naitapon ko ang kwaderno sa sobrang pagkabigla.
"Ako ang pumatay sa kaniya?!"
Lahat ng sigla ko ay nawala. Napalitan ito ng kababalaghan.
Muli ay unti-unti habang inaanalisa ko ang impormasyon, napaupo ako sa upuan. Napayuko na lang ako sa mesa habang hawak ng dalawa kong kamay ang aking ulo. Wala na akong naiintindihan sa mga nangyayari pero pilit kong iniintindi. Dalawa ba ako? Tatlo? Kailan pa naging maganda ang boses ko? Pinatay ko ba ang mismong iniimbestigahan ko? Paano ako nakarating dito? Totoo ba ang nakita ko? Anong nangyayari? Sino ako?
Napakaraming tanong na hindi ko maintindihan at sa tingin ko’y hindi kaagad maipapaliwanag. Naging balisa ako dahil pabalik-balik ang mga tanong sa ‘king isipan ngunit, hindi lang iyon ang dumaan sa isip ko.
“Sigurado ka na ba, Knoxx?” Umiiling-iling pa siya na parang hindi kumbinsido sa naging desisyon ko. “Bakit ba nagkakaganyan ka? Ano ba ang nangyayari sa’yo?!”
“Sino ba naman kasing nagsabing si Knoxx ako?” Hindi ko alam kung paano ko ito nasabi o saan ito galing. Parang may kung anong puwersa ang nagudyok sa’kin na sabihin ‘yon. Ngunit, siguro ay dahil na lamang sa sakit na aking nararamdaman.
“Ano?! Nahihibang ka na nga!”
“Maghiwalay na tayo, Erin.”, malumanay pero buong puso kong sinabi. Hindi ko rin alam kung saan ito nanggaling pero sa tingin ko ito ang tamang gawin sa puntong ito kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa.
“Talaga lang! Hindi ko na kaya makipagrelasyon sa gaya mo!”
“Sa gaya ko na ano, ha?!”
“ Nag-iba ka na! Ibang-iba ka na sa nakilala ko!” Nagbuntong-hininga siya. “Noon, lagi mo pa akong hinahatid sa bahay at lagi mo pa akong inaaya lumabas. Ngayon, ano? madalang na lang. Halos wala na nga tayong oras sa isa’t-isa. Naging malamig ka na rin sa pakikipag-usap sa’kin maging sa chat man ‘yan, sa text o sa personal. Ako nalang ba ang may gustong itaguyod ang relasyong ‘to? Knoxx naman! Lumalaban nalang ako dahil mahal kita. Binabalewala ko na ang lahat ng ‘yan para lang sa’yo dahil MAHAL KITA! Pero kung ganyan ka na paiba-iba ka ng gusto, paiba-iba ng ugali, aba, magpatingin ka na sa doctor! Malala na ‘yang sakit mo!” Pinanood ko siyang kumuha ng kan’yang mga gamit at saka umalis. Hindi ko siya pinigilan na para bang iyon ang tamang gawin sa oras na iyon.
Bumalik ako sa aking huwisyo at maharang pinoproseso ang mga sinabi niya sa’kin noon. Pagod lang siguro ako kaya naturan ko ang lahat ng iyon pero sa pagkakaalam ko ay hindi ako nagkulang sa kan’ya. Wala akong natatandaan na hindi ko siya hinatid o hindi ko siya inaya. Ang katotohanan nga niyan ay lagi ko siyang iniisip at araw-araw ko siyang minamahal.
Paunti-unti ay nakakabuo na ako ng konklusiyon. Naputol ang pag-iisp ko nang may kumatok ng napakalakas sa’king pinto. Dahan-dahan akong tumayo saka binuksan ito. Magsasalita pa lamang ako ay may inilahad na sa aking papel. Nang itinaas ko ang aking tingin, nagtaka ako sa aking nasaksihan.
Pareho kaming nagulat sa presensya ng bawat isa. Lalong sumakit ang ulo ko at naguluhan sa mga pangyayari.
"May nagbigay lead sa amin na nandito raw sa address na to ang may sala sa pag patay kay Bb. Francesca. May kasama pa po ba kayong iba, sir?" halos hindi makapaniwalang utas niya.
"Sigurado ho ba kayo, sir?"
Ako mismo ay hindi sigurado sa aking sinasabi, ako lang nga ba? Ako nga ba 'to? "Oo."
"Kung gano’n ho, may search warrant ho kami laban sa inyo."
Natulala ako sa narinig. Huminga ako nang malalim bago sila iginawi papasok. Nagsimula silang halughugin ang mga gamit ko nang biglang lumapit ang lalaking kasama ni Valencia sa kaniya.
"Sir, positive." Inabot niya ang journal ko kay Valencia at binuksan sa iisang pahina. "Eto po ebidensya na siya ang pumatay kay Bb. Francesca."
Nakita ko kung paano tignan ni Valencia ang kwadernong iyon. Punit lahat ng pahina tungkol sa'king pagiimbestiga. Ang tanging natira ay ang huling pahina na may nakasulat gamit ang pulang tinta 'AKO ANG PUMATAY' at isang litrato kuha sa cctv coverage na nakatutok ang aking baril sa kan'ya.
"K-k-knoxx, sumama ka sa'min sa presinto. Doon ka nalang magpaliwanag. Hinuhuli ka namin sa salang pagpatay kay Bb. Francesca."