Ginoong Giyeb (Ang Declamacion ni Barberita : Parte Parte)
Hindi ko alam kung tunay nga, na baka nga nagpanggap ako noon. Na sinubukan kong maging ibang tao sa harap mo. Dahil siguro sa takot kong baka hindi sapat ang totoong 'ako'. Hindi kasing ganda ng iba. Hindi kasing karapat-dapat (para sa iyo). Pero naisip kong baka kung gawin ko iyon, lalong hindi mo ako makita dahil baka tuluyan akong lamunin at lunukin ng takot ko at mawala sa totoong mundo kung saan naroon ka. Iniisip ko noon kung bakit hindi mo ako mapansin-pansin. Mulat ka naman pero para ka pa ring tulog, kung saan gusto kitang gisingin para makita mo naman ako mula sa pagkatulog na ako lang naman talaga ang nanaginip. Para kang pangarap...na kahit ilang beses kong pagbunuan ng pagod ay hindi ko makakamtan kailanman. Para kang kayamanan...na kahit ilang beses ko nang ninakaw ay wala pa rin sa aking mga kamay. Para akong isang multo...bukod sa hindi mo na nga ako napapansin, takot ka pang makita ako. Pero alam mo? Naduwag ako dahil naduwag ka. Naduwag kang humarap sa akin kaya ni minsan ay hindi man lang kita nangitian. Naduwag kang tingnan ako sa mukha kaya ako mismo ay naduwag ding isiping 'kaayaaya' rin naman pala ako. At naduwag kang magsalita pabalik sa akin sa kabila ng lahat ng mga mensaheng aking ipinarating kaya naduwag na rin akong baka masayang na lang ang mga susunod kong sasambitin. Gusto ko pa sana (dahil hindi pa naman talaga nagsisimula). Pero ayaw mo na. Ay hindi..sadyang ayaw mo naman talaga. Naduwag akong aminin noon sa iyo na gusto kita dahil natakot akong baka kapag ako ang nagpakita ay ikaw naman ang mawala. Ayokong mawala ka. Pero dahil umiiwas ka, daig mo pa ang tunay na naglaho. Kaya hinabol kita pero kahit kaya ko pa, naisip kong baka pagod ka na. Tumigil na tayo, Jangke. Marahil naligaw nga lang ako sa pagsunod ko sa'yo. Ngunit sana sa pagbalik mo, matagpuan mo pa rin ako. Dito, kung saan ako huminto.

















