Sinabi ko noon sa mga tulang ginawa ko, masaya na'kong makita kang masaya. Na makitang maayos ka at masaya kapiling ng taong mahalaga sa'yo. Sinabi ko na handa akong magtiis kapalit ng sayang matagal mo ng inaasam. At alam mo ba ang magandang balita d'on? Sa wakas masaya ka na. Nahanap mo na ang taong magmamahal sa'yo at mamahalin mo ng sobra. Alam kong matagal mo na 'yang inaasam, kaya naman masaya ako dahil sa wakas, abot kamay mo na ang matagal mo ng pinapangarap. Akala ko magiging masaya din ako kapag nakita kitang masaya. Pero hindi pala. Ang sakit e. Lalo na kapag naaalala ko 'yung mga panahon na ako pa ang nakakapagdulot ng ngiti sa mukha mo. 'Yung mga panahong masaya pa tayo sa prisensya ng isa't-isa. Pero 'di na ako magtataka kung ako na lang ang nakakaalala. Sabagay, bakit mo nga naman iisipin 'yung saya ng nakaraan kung nararanasan mo naman ang saya sa kasalukuyan, di'ba? Sana magawa kong maging masaya katulad mo. Hindi 'yung niloloko ko pa ang sarili ko na masaya makita kang may kasama ng iba. Akala ko din pangmatagalan ang pagkakaibigan natin. Sabi mo pa nga di'ba, after 3 years pupunta tayo ng Sagada ng magkasama. Pinanghawakan ko 'yun. Isinama ko pa nga sa listahan ng pangarap ko 'yun. Pero sa tingin ko, magagawa mo naman 'yun pero hindi ako ang kasama mo. Makakapunta ka doon after 3 years kasama ang babaeng mahal mo. Nakakainis siguro kung mangyari 'yun noh? Kasi dapat ako 'yun, dapat ako 'yung kasama mo. Dapat tayong dalawa ang pupunta ng Sagada ng magkasama. Pero sa tingin, mapapabilang na lang 'yon sa mga pangarap kong imposibleng matupad. At isa pa sa akala ko ay ang akalang nakalimutan na kita. Na nabura ko na ang mga alaalang iniwan mo sa akin. Pero gaya ng ibang akala, lahat iyon ay akala lang talaga. Kasi hanggang ngayon nakatanim pa rin sa puso't isipan ko ang mga salitang binitawan mo na labis na pinaniwalaan ko. Tanga nga siguro ako gaya ng sabi ng mga kaibigan ko. Pero anong magagawa? Ang hirap mong kalimutan. Para bang nakapermanent marker na ang mga sinabi mo dito sa puso ko. Kaya ang resulta, nahihirapan ako sa pagbura. Akala ko magiging masaya ako kapag nakita kitang masaya. Akala ko magtatagal tayo sa piling ng isa't-isa. At akala ko nakalimutan na kita. Totoo nga ang sinabi nila na nakamamatay ang akala. Dahil ngayon patay na patay na ang puso ko at hindi ko alam kung saan magsisimula. Pero gaya nga ng lagi kong sinasabi, masaya na ako makita lang kitang masaya. Kahit sa loob-loob ko, ang sakit-sakit na.