Mga Gunita ng Kasaysayan sa Kasalukuyan
Nalalabi na ang mga araw bago ang halalan. Tuwing sasapit ito noon ay halos wala naman akong pakialam. Subalit ngayong taon ay ibang-iba. Habang papalapit ito nang papalapit, tumitindi ang kaba at pagkabalisa. Ngunit nangingibabaw pa rin ang pag-asa sa kabila ng pangamba. Nanalangin na sana’y sa huli manaig ang saya. Saya nang dahil sa kabila ng lantarang pagpapakalat ng kasinungalingan, nananaig pa rin ang katotohanang pilit nilang tinatakpan at pinapalitan.
Teknolohiya ang daan upang linlangin ang ating mga kababayan. Subalit teknolohiya rin ang sagot para hindi mabiktima ng mga kasinungalingan. Isang pindot lang maaaring mabago ang ating pananaw. Nasa sa atin na kung magiging responsable tayong mamamayan.
Nakalulungkot ang patuloy na pagsasawalang bahala ng ilan. Na tila ba’y para sa kanila ang halalan ay isa lamang katatawanan. Hindi siniseryoso at aniya pa ng ilan, isang araw lang iyan na magdaraan. Ngunit sana’y bago pa ito dumating man lang, mapagtanto nila na ang isang araw na daraan ay maaaring magpabago sa takbo ng buhay nating mga mamamayan.
Matapos mapatalsik ang pinunong diktador kasama ang kaniyang pamilya mula sa palasyo ng Malacañan, tila nagbabadya ang muli nilang pagbabalik.
Labis na nakababahala. Punong-puno ng pangamba.
Tila ba tuluyan na ngang napalitan at natakpan ang tunay na kasaysayan. Nakababahala na sa kabila ng mga katotohanang itinuro ng nakaran, para bang mas pinipili ng ilan na makalimot at maniwala sa kasinungalingan.
“Hustisya!” Sigaw ng mga biktima ng karahasan.
Subalit iyong mga nakaranas ng marahas ay hindi lamang ang mga biktima. Dahil hindi ibig sabihin na hindi nakaranas ng karahasan ay ‘di na napagsamantalahan. Tulad ng labis na kahirapan, may mga nagsisikap subalit patuloy na napagkakaitan. Mayroon namang kahit hindi magsumikap ay pinapaboran. Dito pa lamang kita mo na ang kaibahan. Ito pa lamang, masasabi mo na tunay ngang may inhustisya sa ating lipunan.
Ito rin ay walang edad na pinipili, dahil kahit ang mga musmos na hindi pa isinisilang ay marami na agad na nag-aabang na utang. Utang na inutang para sana sa ikauunlad ng bayan, ngunit napunta sa bulsa ng mga ganid na nasa kapangyarihan.
Ika nga ng mga loyalista, kung tunay na maysala bakit daw ba hindi pagbayarin ng kasalanan.
Hindi ba’t mas dapat pa nga tayong maalarma? Ibig sabihan lamang ay masyado silang makapangyarihan, dahil sa kabila ng mga kasalanang napatunyan na, ay hindi pa rin sila maipasok sa piitan.
Nakababahala rin iyong mga napatunayang maysala na sila pang naihahalal. Nakalulungkot man subalit ang labis yatang kabaitan ng mga Pilipino ay patuloy na pinagsasamantalahan. Ngunit mabait nga bang talaga o mamang lamang? Dahil kung tunay na may alam kahit siguro gaano kabait ay hindi pahihintulutan.
Mga emosyong nais na sanang ibaon sa limot subalit ang paghingi ng kapatawaran ay pilit pa rin nilang ipinagdadamot.
Kaya sa araw ng halalan, ang aking mga kahilingan: Sana ay mangibabaw ang katotohanan. Sana’y matapos na ang mga kasinungalingan. Ika nga ni Gat Jose Rizal, nawa’y makamtan na nga natin ang rosas na kinabukasan. Magsilbi pa rin sanang aral ang mga gunita ng madilim na kasaysayan upang hindi na ito maranasan pa sa kasalukuyan.