TUGMAAN NG MUNDO
Madilim na buhay
Yan siguro ang akala ko’y isang bagay
Isang uri ng buhay na ibinigay
at permanenteng kakampay
sa panay panay na agos ng buhay
isang buhay na akala ko’y walang pakay
sa mundong nilalakbay.
Ngunit sa pag-agos ng panahon
Na kasing bilis ng kahapon
At kasing layo nang tugon ng mga ibon doon
Oo, doon ay may isang pangalan
Na madaling hulaan, madaling tawagan
Kahit di mo alam ang daan, ikaw ay kanyang hahawakan
Sasamahan, ang mga luha mo’y pupunasan
kahit pa sa mundo ng kawalan,
ikaw ay sisimulan.
Sisimulan sa tunay na pag-ibig
Kahit ika’y di nakikinig
Sa daigdig na puro yanig
pintig ng puso ay maririnig
Mahal Kita.
Higit pa sa mga nilkha kong mga planeta
Mahal Kita.
Higit pa sa mga salita na binibigkas ng makata.
Mahal Kita.
Isang pagmamahal na hindi naibebenta
Ngunit may magandang resulta
Mahal kita.
Di mo pa man naididilat ang iyong mga mata.
Minahal na kita.
Di mo pa man naisasambit ang mga unang salita
Na lalabas sa iyong bunganga.
Minahal na kita.
Pero ang malaking tanong
Na gumugulong sa libo-libong taong
Naka kulong sa mundong sulong lang ng sulong.
Ay kung kailan?
Kailan mo sisimulan ang unang tayo sa serbisyo
Na kanyang dinesenyo para sa iyo?
Kailan mo bibigyang oras at bibigyang lakas
ang mga pusong matigas na magiiwan ng bakas
para tumakas sa dating buhay at tuluyang magwakas.
Ang pangalan Niya’y Hesus
Hindi man minsan tugma ang pananaw ng mundo
Sa kanyang perspektibo, pati narin sa mga tao
Hayaan mong yakapin mo kung ano
kung ano ang nais nang sumulat sa buhay mo
kung ano ang nais nang tumanggap sa iyo
kung ano ang nais nang gumabay sa iyo sa una palang ng buhay mo.
Ang pangalan Niya’y Hesus
Na minsa’y nagkatawang tao
Para tubusin ang kasalanan mo
Na minsa’y nasaktan dahil sa mundo
At gusto lamang ng bago
Bagong ikaw, ayaw nang mababaw
Ikaw ma’y maligaw, makikita mo ang kanyang ilaw
Ilaw na magliliwanag dahil sa sinag nitong di maipaliwanag
Kaya’t sana’y bago matapos ang tulang ito,
Nakabuo ka sana ng isang realisasyon
Na para sa iyong nayon
at hindi tungkol sa relihiyon ngayon,
ngayon ay ang oras para mangarap/
sa kanyang harap
kahit mahirap.
Na ang mundo ay hindi tugma sa kanyang gusto
na gayunpaman, handa siyang itono
ang puso mo, ang mundo, ang siya, ang ikaw
ang tayo, ang sila, ang kami kahit pa ordinaryo.















