MONOLOGUE SCRIPTS
COMEDY
Sa sobrang pagod ko kakalakad sa Park, naupo ako sa isang bench para makapag pahinga. “Hayy nakakapagod talaga” Maya maya napansin kong naka tingin sakin si Kuya, nakaupo rin siya sa bench katapat ko. Hindi ko pinansin nung una at hinayaan na lang, pero ilang minuto na siyang nakatingin sakin kaya naiinis na ako. Bumili pa siya ng Ice Cream nang may napadaang naglalako. Mas lalo akong nainis ng kainin niya yung Ice Cream. Oo habang naka tingin sa akin. Isama mo pa yung alaga niyang pusa na nakatingin din sa akin na para bang alam niya ang buong buhay ko.
“Hayy nako naman.. Pag eto hindi tumigil sa kakatingin makikita niya ang hinahanap niya” kaya tinitigan ko rin siya! Kala niya ah! Oo, taas kilay at naghahamon. Hanggang sa matapos niya kainin yung Ice Cream, nakatingin siya sa akin. Tumayo na ako at pinuntahan siya. Sinabing kanina pa siya nakatingin sa akin at alam niyang pwede ko siyang kasuhan sa ginagawa niya. Mukha siyang nagtaka sa sinabi ko at napailing.May kinuha siyang stick sa likod niya at tumayo, pero bago siya umalis sinabi niyang hindi siya nakikipag usap sa mga baliw, at tuluyan ng lumakad papalayo. Nagulat ako sa kanyang sinabi at napansing.. Ah napagtanto kong.. Isa pala siyang bulag.
HORROR
Madaling araw ng sandaling iyon, nagtataka si Ana kung bakit may tumatawag pa ng ganoong oras. Naramdaman niya ang pag yakap sa kanya ng kanyang asawa, si Danilo. Nakauwi na pala ito galing trabaho, nakahinga siya ng maluwag dahil lagi siyang nag aalala kung makakauwi pa ito ng ligtas dahil sa construction site ito nag t- trabaho, doon sa bagong Mall na pinapatayo sa kanilang lugar. Pinatay na ni Ana ang Telepono at muling natulog. Maka ilang oras ang lumipas muli itong tumunog. Nilingon niya ang kanyang asawa at nakita itong nakatalikod na sa kanya at mahimbing ng natutulog, kaya sinagot niya na ang Telepono. Waring isang Pulis ang nasa kabilang linya, tinatanong siya kung siya ba ang asawa ni Danilo. Nagtataka naman siya kung bakit ito tinatanong. Parang binuhusan siya ng malamig na yelo ng marinig ang sinabi ng Pulis. May nahulog umanong lalaki sa isang Mall na ginagawa sa lugar nila, pula ang damit nito at may bakal na nakatusok sa ulo nito. Ikinalulungkot na binalita ng Pulis kay Ana na patay na ito at nasa Morgue. Unti unti siyang lumingon sa kaniyang tabi upang maka siguro na buhay ang asawa niya. At ayun nga andon si Danilo, ang kanyang asawa sa tabi niya, naka pula at may bakal na naka tarak sa sa ulo nito.
DRAMA
Nagising akong ramdam ang pamamaga ng aking mga mata, umaga na. Para bang nakalimutan ko ang mga nangyari kahapon at nang mga nakaraang araw. Napatingin ako sa bukas kong pintuan, si Lola napadaan. Narinig ko siyang mag salita, kumilos na raw ako at may pupuntahan pa ako, kaya naman naligo na ako at nag bihis. Paglabas ko ng kwarto andoon na si Lola naghihintay, katulad ko kulay puti rin ang sinuot niyang damit. Lumabas na kami at sumakay ng kotse. Habang nagmamaneho, panay puri sa akin si Lola, natutuwa raw siya na lumalaki ako ng maayos. May maayos na trabaho, magandang kalusugan at magandang bahay. Natutuwa ako habang tinitignan ang mga ngiti ng Lola ko. Hanggang kailan ko pa kaya siyang makikitang suot ang mga ngiting yon. Nakarating na kami sa pupuntahan namin at bumaba na ng kotse. Habang hawak ang mga bulaklak, hawak ko naman sa kabilang kamay ang kamay ni Lola. Umupo na kami at inilapag ang bulaklak sa ibabaw ng puntod na aming sadya ng umagang iyon. Nilingon ko si Lola habang naka ngiti. Mami- miss ko ang mga ngiting iyon. Tumingin muli ako sa puntod at binasa ang pangalang nakasulat doon, Luisa Florenciana. Ang ganda talaga ng pangalan ni Lola, siguradong mamimiss ko siya at ang mga ngiti niya.













