Magdadalawang buwan na ang nakalipas mula nung sinabi mong "itigil na natin 'to". Pero heto pa rin ako, hindi tumitigil. Tila ba parang kahapon lang eh hawak pa kita. Lahat ng bagay ginawa ko na. Sinubukan kong aliwin ang sarili, napupunan ng ngiti ang mga labi ngunit pagkatapos ng araw ay alam ko sa puso ko na may kulang pa din. Yung sakit na tanging ako lang ang nakakaintindi. Ayaw ko na. Mahirap mang aminin pero hindi sayo. Ayaw ko na ng nararamdaman ko. Marahil ayaw ko na magmahal? Pare-parehas lang naman ang kahihinatnan, iba-iba lang ang simula. Gusto kong tumakbo sa lugar na kung saan makakalimot ako, pero sa bawat sulok na pupuntahan ko, bawat awitin sa radyo, ang tanging naaalala ko ay ikaw.
Wala naman akong ibang inisip kundi ang ikabubuti mo. Nagkamali ba ako dun? Wala din akong ibang ginawa kundi alagaan ka at mahalin ka. Yung panahon na sobrang lugmok ka, tinanggap kita. Siguro nakalimutan ko nga, na malungkot ka lang pala at nais ng karamay. Hindi ka pa siguro handang magmahal. Bakit ka nagbago? Yung mga ngiti kapag binabanggit ko ang pangalan mo. Yung kilig pag hinahagkan kita. Bakit nawala? Nagbago ka ba talaga o nakilala lang kita?











