Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pulis
"PAGLAKI KO GUSTO KONG MAGING PULIS"
Paglaki ko gusto kong maging pulis
Sa akin mapupunta ang sambayanang buwis
Ako ang sa mga inosente ay tutugis
Mga kamay ko sa hanay ng tama ang dudungis
Paglaki ko gusto kong humawak ng baril
Sa mga haharang kay bossing ako ang kikitil
Mga utos na patagong pagtatanim ng droga
Ako ang hari ng mga nanlalaban sa kalsada
Paglaki ko gusto kong magkaroon ng tsapa
Ang pagkakakilanlang ingungudngod sa iba
Yabang at angas na umaalingasaw bawa't yabag
Siguradong tutumba kung sino mang papalag
Paglaki ko gusto kong maging protektor ng droga
Dangal at pagkatao ay kay daling bilihin ng pera
Bingi sa putok ng mga baril at sigaw ng mga ina
Bulag sa dugo ng masa at luhang dulot ng politika













