Ang hirap nung pakiramdam na hindi mo alam kung ano ka para sa isang tao. Yung iniisip mo kung para sa kanya, anong role mo. Kung saan ka lulugar at kung pano ka lulugar. Kung anong dapat mong gawin, at yung hindi dapat. Kung anong tingin niya sa’yo, at anong dating mo para sa kanya. Ang hirap kapag ‘di mo alam, ang hirap ‘pag wala kang alam. Hindi ba’t minsan, hinihiling mo na sana pwede mong basahin ang isip ng taong mahal mo. Para naman, alam mo kung anong dapat mong gawin, kung anong dapat mong ipakita at kung ano ang dapat mong sabihin. Kungbaga, maa-anticipate mo na yung mga pwedeng mangyari. Kaya lang, hindi naman tayo binigyan ng kapangyarihan na magbasa ng isip ng iba. Ang tanging binigay lang sa atin ay ang kapangyarihang maghintay sa mga pwedeng mangyari, kapangyarihang maghintay sa mga dapat mangyari. Pero kasi minsan, kaya mo gustong malaman kung ano ka nga ba para sa kanya kasi iniisip mo kung itutuloy mo pa ba o ititigil na. ‘Yun bang, tama na kung malalaman mong wala talagang pag-asa o ‘go’ ‘pag nalaman mong mahal ka rin pala niya. Sana pwede ‘no, kaya lang hindi eh. Tao lang naman tayo, hindi mutant, hindi superhero.
Pero naiisip niyo ba na ‘yun nga ang thrill dun eh, yung icha-challenge ka kung talaga nga bang seryoso ka o totoo ka. Hindi ba’t kung malalaman mo kagad, parang ang boring na. Minsan, mas OK pa rin yung pinaghihirapan mo ang isang bagay, slowly but surely kungbaga. Pero sana nga talaga ‘no, pwede mong malaman kung ano ka para sa isang tao. Pero naisip ko, pwede naman talaga kung magtatanong lang ako. ‘Ano nga ba ako para sa’yo?’, ‘yun lang naman eh. Madaling sabihin, pero mahirap gawin. Natatakot kasi tayo eh, natatakot sa pwedeng maging sagot. Hindi naman kasi pwedeng palaging positibong sagot ang makukuha mo diba? Kaya tayo natatakot magtanong kasi, pano kung hindi ‘yun yung gusto nating marinig na sagot? Sa totoo lang, dapat sa umpisa palang ready ka na, alam mong pwedeng mangyari ang kahit alin sa dalawa. Oo nga’t mahirap lumugar kung hindi mo alam kung ano ka para sa kanya. Mahirap mag-assume, kasi baka sa bandang huli, masaktan ka. Pero sa totoo lang, hindi mo naman kailangang mag-isip, mag-assume, mag-abang o maghintay pa. Sabi nga nila, hindi mo naman kailangang pahirapin ang isang bagay. Hindi mo rin kailangang paulit-ulit na isipin ang dapat mong gawin. Maging matapang ka, harapin siya at itanong sa kanya, ‘Ano nga ba talaga tayo?'