Para sa taong laging “masaya”
Minsan okay lang naman talagang hindi maging okay, lalo na kung ikaw ‘yung taong laging goodvibes, masaya, hyper, ‘yung tipong akala ng iba wala kang problema (kahit alam mo na nung nagpaulan ang Diyos ng problema eh salung-salo mo lahat). Hindi rin naman kasi palaging maayos ang mga bagay-bagay. Syempre darating din yung mga pagsubok at problema na maaaring magpaisip sa’yo na wala ng pag-asa.
Sabi nila “kung sino pa ‘yung taong masaya, ‘yun pa ‘yung maraming problema”, totoo ba? Pwedeng oo, pwedeng hindi. Ang hirap lang kapag ikaw ‘yung taong ganyan – yung laging nagpapasaya at nagpapatawa ng. Kasi minsan kapag ikaw na ‘yung may kailangan ng taong magpapatawa o magpapalimot ng mga problema mo kahit sandali pakiramdam mo wala ng taong tutulong sa'yo. Oo, minsan ang sarap isumbat pero mapapaisip ka na ‘wag nalang, wala rin namang silbi kapag sinabi lalo na kung wala talaga silang pakialam. Para ka lang mag-aaksaya ng oras.
‘Pag tahimik ka at tila wala sa sarili tapos may nagtanong sa’yo ng “Anong problema?”, ang sarap sa pakiramdam. Ang sarap sa feeling na alam mong may mga tao rin palang nag-aalala o nakakapansin sa’yo kahit na malungkot ka at hindi lang kapag goodvibes ka.
Para sa taong laging “masaya”, minsan okay lang hindi maging okay. Hindi naman talaga sa lahat ng oras masaya, hindi sa lahat ng oras okay ang mga bagay-bagay. Okay lang umiyak at maglabas ng sama ng loob. Tao ka, hindi robot. Marami kang nararamdaman. Malalagpasan mo rin ‘yan! Kapit lang, ‘di pa huli ang lahat.
- Chips









